Nang umihip ang hangin, bahagyang nilipad ang kasuotan ng lalaki. Hindi niya dala ang karaniwang pabango ng isang normal na binatang maharlika, at bagkus ay mayroong natatanging samyo ng sariwang amoy. Nasasamahan ng kanyang awra, tila isa siyang purong salok ng nyebe.
"Ya!" biglang itinuro ni Jingjing ang unat niyang kamay sa bewang ng lalaki at sumigaw, "Ang palamuti niyang jade ay kapareho ng kay ate!" Malinaw, bilog at makinis, ang palamuting jade ng lalaking iyon ay kumislap ng malambot na liwanag na nirerepleksyon ang ilaw. Nakatalikod sa hangin, umugoy ang jade.
Kumalma ang ekspresyon ni Chu Qiao. Habang tahimik na nakatingin ang lahat na hindi gumagawa ng ingay, inunat ni Chu Qiao ang kanyang kamay at inilagay ito sa balikat ng lalaki. May isang mabilis na sirko, tumalon siya pababa ng karwahe, at malumanay na sinabihan si Pingan at ang iba, "Huwag masyadong magulat. Madali at linisin ang landas sa harap."
"Ah?" Nanlaki ang mata ni Pingan, tumingin siya kay Chu Qiao bago tumingin sa lalaki, at tumingin muli kay Chu Qiao upang magtanong, "Ate, kilala mo siya?"
"Oo." Walang inaalala na tumango si Chu Qiao at mukhang pang masaya.
Medyo nauusisa si Pingan sa pagkakakilanlan ng lalaki, gayumpaman bago pa man niya maibuka ang kanyang bibig ay napunta sa kanya ang tingin ng lalaki. Hindi siya mukha napakasungit at mukha lang sobrang lamig, na para bang ayaw niya talagang marinig na magpatuloy pa na magsalita ang padaskol-daskol na binatang ito.
Nang makita iyon, agad na tumungo si Brother Cao at umatras. Pinulot ang kanilang gamit, nagsimula silang linisin ang daanan. Lumingon si Chu Qiao sa lalaki at sinabi dito, "Sumunod ka sa akin." Doon, tumalikod na siya at umalis.
Nang araw na iyon, napakaganda ng panahon, sa kalangitan na kasing linaw ng lawa ng malinaw na tubig. Magkasunod na naglakad ang dalawa, at hindi nagtagal ay nakarating sila sa isang burol. Doon ay makakakita ng talon na bumabagsak sa malalim na lawa sa ibaba, tinitilamsik ang malaking dami ng tubig. Ang patak ng tubig, inililihis ang sikat ng araw, ay kumislap ng may pambihirang kinang.
Tumalikod si Chu Qiao. Nakatingin sa lalaking nasa harap niya, napagtanto niya na kahit hindi sila nagkita ng isang buong taon, hindi ito nagbago, at katulad pa rin siya ng dati. Binuka niya ang kanyang bibig, may nais sabihin ngunit hindi alam kung saan mag-uumpisa, kaya ngumiti nalang siya. Kaya lang ay hindi niya alam kung tinutuya niya ang sarili o nagpapahayag ng taos-pusong emosyon.
"Ano nginingiti-ngiti mo dyan?" mukhang tulad ng dati si Zhuge Yue; ang mga kilay nito ay bahagyang magkadikit, at mukhang walang pasensya habang nakatayo siya sa harap ng babae.
"Wala." Umiling si Chu Qiao ngunit nagpatuloy siyang ngumiti. "Naisip ko na tuwing magtatagpo tayo, lagi tayong nasa espesyal na kalagayan."
Lumingon si Zhuge Yue upang tumingin sa iba. Naaasiwa pa rin makipagkapwa-tao tulad ng dati.
"Ano ipinunta mo dito?"
Binigyan siya ni Zhuge Yue ng sobrang labong sagot, "May aayusing mga bagay."
"Oh." Tumango si Chu Qiao at sumagot, "Pabalik ka na ba ngayon?"
"Oo."
At doon, lumubog sa katahimikan ang dalawa, habang nanatili silang nakatayo sa kinatatayuan nila. Sa isang kisapmata, dalawang taon ang lumipas. Sa nakalipas na dalawang taon, may kontrol ang lalaki sa malawak na kapangyarihan at awtoridad sa mga korte, at naging isa sa pinaka makapangyarihang tao sa mundo. Kahit na lumayo si Chu Qiao at paminsan-minsang nakarinig ng mga tsismis, magsususpetya siya kung ang lalaking kilala niya ay talagang ang parehong walang awa at desididong lalaki sa mga tsismis na iyon?
Nakarinig din siya ng ilang tsismis mula sa Qinghai. Kahit na kabilang sa imperyo ng Xia ang teritoryong iyon, nasa ilalim ito ng sariling pamumuno, at ang mga gobernador ay iniluluklok hindi dahil sa relasyon ng dugo ngunit mula sa isang ulirang pagsusulit na kahit mga sibilyan ay mayroong tsansa na makalahok. Narinig niya na maraming mga bagong batas na hinihikayat ang pagsasaka, paggawa ng mga gusali, at kahit ang proteksyon sa komersyo, at sa bagong batas na iyon, ilan sa mas mapangahas na mga negosyante ay tumutungo sa Qinghai upang magnegosyo. Nakarinig din siya ng mga tsismis na tinanggal na nila ang pag-aalipin. Kahit na makakabili pa rin ng alipin ang mga mayayaman, pinapayagan ang mga alipin na palayain ang sarili gamit ang salapi. Idagdag pa, kahit sa mga alipin, hindi sila pwedeng patayin basta, o kaya ay mabigat na mapaparusahan ng batas ang may-ari. Mayroon rin mga tsismis na hindi ito katulad ng tigang na lupain na dapat ay itsura nito, at isang malawak na lupain na may malaking populasyon at puno ng mapagkukunan.
….
Mayroon rin mga tsismis na ang Hari ng Qinghai ay ubod ng sama at kilalang-kilala, at hindi opisyal na tinatawag na bandidong marshall. Bawat taon ay gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan at gagawa ng mga rason upang hablutin ang lahat ng klase ng mapagkukunan upang dalhin sa Qinghai. Bawat buwan ay mukhang mayroong klase ng sakuna tulad ng baha o pagguho na magiging resulta upang hindi mapakain ng mga sibilyan ang sarili nila, at sa mga dahilan na iyon, kakaunti lang ang pagpipilian ng korte kung hindi ay magpadala ng tulong.
Gayumpaman, iyong mga ipinadalang tulong na iyon ay agad na ipagbibili matapos makaalis sa syudad ng Zhen Huang. Ang malaking halaga ng ginto at pilak ay bukas na ipapadala sa Qinghai. Sa sandaling ito, higit kalahati ng pwersa ng Xia ay nasa ilalim ng kontrol ng Hari ng Qinghai, at hindi nangangahas ang imperyo ng Xia na galitin siya, at panonood nalang ang nagagawa habang kinukuha niya ang kanilang mapagkukunan.
Nababalita din na ang lalaking ito ay tinatawag na panginoon at tagapagligtas ng mga sibilyan ng Qinghai, tinatawag na bandido ng mga sibilyan sa Kanlurang Kontinente, at pinangalanang sumisipsip ng dugo ng mga opisyales ng imperyo ng Xia. Kahit ang mabuti niyang kaibigan at kakampi na si Zhao Che, ay mataktika siyang inabisuhan na huwag sumobra. Kahit na nakuha niya ang lahat ng karne, dapat ay mag-iwan siya kahit ng sopas para sa iba.
Kahit na nababalitang galit sa kaibuturan ng kanilang puso ang mga sibilyan ng kontinente ng West Meng sa kanya, nagsimula na silang lumipat sa Qinghai. Araw-araw, ang Cuiwei Pass ay puno ng taong sumusubok na makaalpas.
Sinisi ng konseho ng Grand Elder si Zhuge Yue na sinadya niyang utusan ang mga gwardya ng Cuiwei Pass na babaan ang pagbabantay nila at hayaang maubos ang mga sibilyan mula sa malaking lupain ng Xia tungo sa Qinghai. Gayumpaman ay inosenteng nagkibit-balikat lamang si Zhuge Yue. Napakalakas ng hukbo ng Yan Bei, at wala kaming sobrang pwersa. Kung nais nating epektibong limitahan ang isyu na ito, kailangan natin agad ng mga materyales upang patibayin ang mga kagamitan natin. Humihiling kami ng 50 toneladang ginto...
Napakaraming mga tsismis, gayumpaman sa sandaling ito, nang kaharap na niya mismo si Chu Qiao, lahat ng tsismis na iyon ay naglahong parang hamog. Katulad pa rin siya ng dati; hindi ang Hari ng Qinghai, hindi ang Grand Marshal, hindi ang talentadong Tagapagligtas ng Qinghai, hindi ang tuso at walang hiyang Bloodsucker ng imperyo ng Xia. Siya pa rin ang nalulumbay at mayabang na lalaki, kasama ang kanyang ugali na mahirap makipagkapwa-tao, siya pa rin ang parehong batang amo ng Zhuge na dumanas ng hindi mabilang na buhay o kamatayang karanasan kasama siya, at iniligtas siya sa iba't-ibang pagkakataon.
Ilang malalim na iniisip ang lumitaw, pinipigilan ang naunang sabik at saya ng pagkikita nilang muli. Nakatingin sa lalaki, kahit na makisig pa rin siya, malamig pa rin siya tulad ng bloke ng yelo, gayumpaman ay may kulubot sa kanyang mga mata. Maingat na tumingin, makakakita pa nga ng bahid ng pagod sa kanyang tingin.
Kinagat niya ang kanyang labi at magaan na sinabi, "Isang taon lang tayo hindi nagkita, gayumpaman ay tumanda ka na."
Nang marinig iyon, natigilan si Zhuge Yue. Ang kalamigan sa mga mata niya ay naglaho, habang ibinaba niya ang kanyang ulo at tumingin sa babae, nakitang ganoon pa rin ito, kaso lang ay mas mapayat.
26 lang siya ngayong taon. Kahit anong pamantayan, hindi siya karapat-dapat matawag na matanda. Gayumpaman, ang pagod na naranasan niya nitong mga taon, kasama ang hirap at ginhawang hinarap niya sa pulitika o laban man, at ang patayan at labanan, kasama ang salitang "matanda" ay kumislap sa mga mata niya tulad ng kumukulong ilog.
Ang nakatago sa mukha ng kaluwalhatian ay manatiling gising buong gabi, at madalas na sumalamin mag-isa na walang nakakaintindi sa kanya, at mayroon din mga gabi na pabaling-baling siya sa higaan dahil hindi makatulog. Kahit na siya pa rin ang parehong siya, ang kanyang puso ay tumanda na. Sa ganoong mga karanasan, paanong hindi siya tumanda?
Nakatingin sa babae, lahat ng galit sa nakalipas na taon, kasama kahit ang bahid ng mapaglaro, ay naglaho sa edad sa simpleng pangungusap na iyon.
"Sa nakalipas na isang taon, naging ayos ka ba?"
"Mahirap sabihin. Kahit ano man, buhay pa rin ako." Sumagot si Zhuge Yue na hindi nagpapakita ng maraming emosyon. Kahit na mukhang malupit ang kanyang sinabi, wala na ang kalamigan sa kanyang tono. Alam ni Chu Qiao na sa sandaling ito ay hindi ito nakikipagtalo sa kanya, at naninilay-nilay lang sa kanyang buhay. Siguro sa mga henyong tulad nila, maiintindihan talaga nila na kahit ang mabuhay lang ay maganda na.
"Naging maganda ang buhay ko." Kahit na hindi nagtanong si Zhuge Yue, nagsimulang ilarawan ni Chu Qiao ang kanyang buhay, "Nagbukas ako ng bahay-panuluyan, at medyo komportable ang pamumuhay ko."
"Alam ko." Magaang sagot ng lalaki, gayumpaman ay nagulat si Chu Qiao tapos ay nag-angat siya ng ulo at tumingin sa lalaki. "Alam mo?" tanong niya.
"Nanatili ako sa bahay-panuluyan mo ng tatlong beses."
Lubos na natigalgal si Chu Qiao, gayumpaman ay nagpatuloy si Zhuge Yue, "Isang taon na din, napag-isipan mo na bang mabuti?"
"Napag-isipan...napag-isipan ang alin?"
Nakasimangot, may mukhang nagsasabing "Magaling ka talaga sa pagkunwaring walang alam", nagpatuloy na nagtanong si Zhuge Yue, "Nagpasya ka talagang magpatakbo ng bahay-panuluyan buong buhay mo?"
Nakatingin sa lalaki, walang masabi si Chu Qiao. Sa totoo lang, mayroon talaga siyang ganoong plano.
"O nagpasya kang maghanap ng kung sino upang pakasalan bago ka mag-30?"
Nahiya si Chu Qiao tapos ay nagtanong, "Sino nagsabi sayo?"
"Sino pa ba?" sagot ni Zhuge Yue. "Syempre si Li Ce. Hindi mo ba alam? Binuksan ni Li Ce ang Chunyu Inn, at ang Sihai Inn na palihis sa likod mo ay binuksan ko."
Natigalgal si Chu Qiao, at biglang naalala na laging bakante ang dalawang bahay-panuluyang iyon. Noong una, medyo nagmamalaki siya at inisip na dahil sa bahay-panuluyan niya kung bakit walang kita ang dalawang bahay-panuluyang iyon. Hindi niya napagtanto na dahil iyon sa dalawang mayamang taong ito.
Kung ganoon, ang insidente sa bundok Mei ay isang bagay na alam na alam ni Li Ce, at dapat ay naghanda siya laban sa mga taong iyon. Bigla siyang may naalala at nagtanong, "Kung ganoon ay alam mo na sa umpisa palang ang pagkakakilanlan ko?"
"Hindi." sagot ni Zhuge Yue. Nang makitang hindi siya pinaniwalaan ng babae, naiinip siyang nagpatuloy, "Kahit na nagpunta na ako doon dati, hindi kita nakita."
Talagang sa nakalipas na isang taon, hindi siya masyadong naglalalabas.
"Anong gagawin mo at bakit lumabas ka?"
Hindi alam ni Chu Qiao ang sasabihin dahil tungkol ito sa bansa ni Li Ce kaya malabo siyang sumagot, "Para pumunta sa Tang Jing."
"Hmph!" singhal ini Zhuge Yue. Sa tabi nila, mayroong halamang ivy na paikot sa puno. Dumating ang hangin na parang lumulutang na ulap.
"Master," iyong lalaking may apelyidong Cao ay sumigaw mula sa malayo, "Bukas na ang daanan! Makakaalis na tayo."
Walang sinabing kahit ano si Zhuge Yue, at matapos tumayo doon ng matagal, tila ba hindi niya matagalan ang nakakapanupil na atmospera, tumalikod na siya at ginustong umalis.
"Zhuge Yue!" biglang sigaw ni Chu Qiao, "Sa susunod na pumunta ka, hanapin mo ako."
"Wala akong oras," malamig na sagot ni Zhuge Yue bago marahang tumalikod. May madilim na mukha, ipinahayag niya, "Babalik na ako sa Qinghai, gusto mo bang tumungo doon kasama ko?" Napakakaswal niya itong sinabi. Para itong pag-uusap sa pagitan ng magkaibigan na tinatanong ang isa't-isa kung kumain na ba. Doon, lubos na natigalgal si Chu Qiao. Kahit na may ilang bagay na dahilan upang matigilan siya, lagi siyang walang masabi pagdating sa lalaki. Nakatingin dito, tila ba gusto niya ng ebidensya mula sa mukha nito upang patunayan na hindi sinabi ng lalaki ang mga salitang iyon.
"Sinabi ni Li Ce na hindi ka makaakma sa pagbabago, at inabisuhan ako na bigyan ka pa ng oras." Kalmado niyang sinabi, "Napag-isipan mo na ba, sasama ka ba sa akin?"
"Ikaw, hindi ba't Grand Marshal ka ng imperyo ng Xia? May pamilya ka din..."
"Hindi mo na alalahanin iyon." Nakasimangot na pirming dineklara ni Zhuge Yue, "Kailangan mo lang sabihin sa akin kung sasama ka ba."
Isang pangkat ng ibon ang lumampas. Panibagong pangkat ng ibon ang lumampas. Hindi mabilang na pangkat ng ibon ang lumampas. Hindi pa rin nagbigay ng tugon si Chu Qiao.
Sumabog sa galit si Zhuge Yue at sumigaw, "Sasama ka ba o hindi?"
"Sige! Sige! Sasama ako!" sigaw pabalik ni Chu Qiao.
Buong lakas na sinisigawan ang isa't-isa, ang alingawngaw nila ay maririnig sa kapaligiran, kinokontra ang katahimikan nito.
"Maganda na rin na nakatagpo kita dito. Hindi ko na kailangan pang maglakbay para sabihan ka." Nagkunwaring hindi ito nakakaabala sa kanya, tila ba gamay niya ang lahat, gayumpaman ay lubos na hindi niya naisip na mas madaldal siya kaysa dati. "Huwag ka nang kung saan pa pumunta, maghintay ka lang sa bakuran mo. Oras na tapos na ako sa mga gagawin ko, magpapadala ako ng tauhan upang sunduin ka." Pagkasabi noon, naglakad na palayo si Zhuge Yue, nagmumukhang presko tulad ng dati.
"Ano pa man, magtatayo pa rin ako ng panibagong bahay-panuluyan sa Qinghai."
Isang boses ang biglang narinig sa likod niya. Mabagsik na tumalikod si Zhuge Yue at tumitig sa babae.
Sa puting mga ulap na dumadaan sa kalangitan, kahit ang mga ibon ay ilalabas ang kanilang mga ulo, na para bang nauusisa kung paanong ang makamundong mga bagay ay tila hindi mailarawan ng normal na lohiko.