Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 219 - Chapter 219

Chapter 219 - Chapter 219

Habang sumisikat ang araw sa hamog ng umaga, ang mga manlalakbay at mga negosyante mula sa probinsiya ay nagdaraanan na habang isinisigaw ng mga ito ang kanilang paninda. Unti-unti, narating din ng araw ang pinakatuktok. Mabagal na dumaan ang mga grupo ng nangangabayo, na binubuo ng mga anak na babae ng mga opisyales na naglalakbay patungo sa templo, kasama ang mga armadong bantay, at mga vigilante na eskrimador na madalas na nasusulat sa mga nobelang wuxia. Ang ilan sa mga taong ito ay lumapit para batiin siya nang makita siyang nakatayo sa pavilion. Gayunpaman, wala siyang nakitang kahit ano. Tahimik lamang siyang nakatayo doon habang ang paligid niya ay umiingay, matapos ay tumahimik na. Sumikat at lumubog ang araw, ang buwan ang pumalit bilang nag-iisa at kapansin-pansin na bagay sa kalangitan. Hugis-suklay ito at pilak ang kulay, at maihahalintulad sa mabait na hitsura ng isang ina.

Ang paligid ay tahimik at walang katao-tao. Nakatayo siya nang mag-isa doon; ang kanyang mga paa ay namamanhid na. Habang lalong dumidilim ang kalangitan, hindi na niya makita ang kahit ano kundi ang maputlang sinag ng buwan na sinisinagan ang mga damo. Ang kanyang paglalakbay, ang kanyang hinaharap… ang lahat ay nawala na. Huminga siya ng malalim at napayuko, iginalaw ang kanyang leeg na nangalay na. Matapos nito ay pinakawalan na niya ang naipong inis sa pamamagitan ng pagbuntung-hininga, at pagkatapos nito ay kinimkim itong muli sa kanyang puso.

Ang mahinang hangin ay umihip sa malawak na kapatagan, na siyang dahilan kung bakit nagsimulang kumilos ang mga damo. Ang kanyang puso ay hungkag habang naiisip niya ang mga nakaraan. Ang lahat ay naging malayo; tanging kapiraso ng puting lupain ang nananatili. Ang lahat ng naranasan niya ng nakaraang sampung taon ay nawala na tila usok, ang naiwan na lamang ay isang malungkot at kalunos-lunos na tanawin.

Lumingon siya at hinablot ang renda ng kabayo. Dahan-dahang lumingon ang kabayo at idinampi ang ulo nito sa mukha ni Chu Qiao, nag-aalalang nakatingin sa kanya ito.

"Hurhur," tawa ni Chu Qiao pagkatapos na makaramdam ng kaunting pangangati. Ito si Liu Xing, ang kabayo niya na ibinalik sa kanya ni Zhuge Yue matapos na palakihin ito ng maraming taon. Nanatili silang malapit sa isa't isa. Iniunat niya ang kanyang kamay para itulak ito palayo at sinaway sa garalgal na tinig, "Liu Xing, itigil mo na iyan." Hindi sinasadyang napadaiti ang kanyang kamay sa kanyang mga pisngi, at doon niya napagtanto na nasugatan ng hangin ito. Nagulat siya habang napatingin siya kay Liu Xing. Makulit na gumigiya ang kabayo patungo sa hilaga at sumisingasing ito sa kanya, gusto siyang dalhin para sumunod sa isang tao.

"Mabuting bata," masuyong hinaplos niya ang ulo nito habang sumasandal siya sa leeg nito. Ang kabayo ay tumanda na, tulad ng kanyang puso, na siyang nasugatan ng napakaraming karanasan. "Umalis na tayo," tumayo na siya ng tuwid at hinila ang kanyang kabayo habang naglalakad sila patungo sa timog.

Suminag ang buwan sa kanyang katawan, nagbibigay ng mahabang anino sa puting lupa. Ang panggabing uwak ay naalarma habang lumilipad sila sa landas. Ang anino ng dalaga ay naglaho sa kalayuan, nawala na sa wakas matapos ang ilang sandali. Siguro, kakalmahan at katahimikan ang tradisyunal na nauuna sa bagyo.

Ito na ang ikapitong araw ng bagong taon. Ang siyudad ng Zhen Huang ay nasa ilalim pa din ng kasiyahan. Ang malakas na pag-ulan ng niyebe ang nagtakip sa siyudad ng puti. Isang grupo ng mga sundalo ang pumasok sa tarangkahan ng siyudad para salubungin ang mga bantay, hanggang sa nawala na ang mga ito sa dulo ng mahabang kalye.

Pumasok si Zhuge Yue sa kanyang bahay sa likurang tarangkahan. Ang mga tagalabas na umaasang makakahanap ng anumang impormasyon ay nasira ang kanilang pangarap, habang ang mga katulong ng Qingshan Court ay napaghandaan na ito ilang araw na. Walang emosyong pumasok si Zhuge Yuge sa kanyang patyo habang itinapon na niya ang balabal sa mga kamay ni Huan'er. Gamit ang mabigat na tono, nagtanong siya, "Nasaan na ang taong iyon?"

"Nasa loob siya. Matagal na siyang naghihintay."

Habang itinutulak pabukas ang mga pintuan ng silid, isang mabangong amoy ng sandalwood ang lumabas mula sa silid. Isang lalaking nakasuot ng itim na roba ang tumayo; makisig siya, ang tabas ng kaniyang mukha ay makikita ng maigi. Ang tingin sa kanyang mga mata ay matalas at nakakasindak, pero kaaya-aya. Ang dalawa sa kanila ay nagpalitan ng tingin ng ilang sandali. Sa wakas, ang malamig na hitsura sa mukha ni Zhuge Yue ay natunaw na habang napapangiti ito. Humakbang ito palapit habang ang dalawang partido ay nagtapikan ng malakas sa kanilang mga balikat, matapos ay nagyakapan sila.

"Naging maayos ba ang lahat sa paglalakbay mo?" Inialis ni Zhuge Yue ang kanyang espada na nakabitin sa kanyang tagiliran, naupo sa upuan, uminom ng tsaa mula sa tasa ni Zhao Che, at nagtanong.

Tumawa bilang ganti si Zhao Che. Nagbago na siya, dahil sa nararanasan niya ang napakaraming pagsubok sa mga taon niya sa hangganan. Makikitang hindi na siya ang arogante at walang kontrol na prinsipe na dating siya.

"Ayos lang naman, hindi lang ako magawang masanay sa amoy ng mga pabango dito. Ilang beses na nga akong bumabahing papunta rito."

Mapagbirong sumagot si Zhuge Yue, "Swerte mo at ako ang kausap mo. Kung ibang tao iyan, siguradong nabugbog ka na."

Hinablot ni Zhao Che para bawiin ang kanyag tasa at sinulyapan ito. "Sa pagkakataong ito, nagagawa mo pa ding magbiro. Mukhang hindi mataas ang pagtingin mo sa lalaking mula sa Yan Bei."

Nagtaas ng kilay si Zhuge Yue at nagtanong, "Sa tingin mo ay sila pa din ang responsable para dito?"

"Halata naman." Malamig na tumawa si Zhao Che habang nagpapatuloy ito, "Sa unang labanan sa hilaga, sikretong sinusuplayan ng Song ng rasyon ang Yan Bei sa pamamamagitan ng daanang tubig sa timog ng Tang at maski sa hilagang-kanluran. Sa ikalawang labanan sa hilaga, nakipagtulungan ang Song sa Yan Bei habang nagsasagawa sila ng pagsasanay ng militar na malapit sa silangang bahagi ng Xia para makuha ang ating atensiyon. Siguradong may hindi kilalang kaugnayan sa pagitan ng Yan Bei at Song. Hindi lamang malinaw sa akin kung sino ang eksaktong nakapagpapayag kay Princess Nalan na makipagtulungan sa Yan Bei."

"Wala nang dahilan para makilala pa ang taong ito. Ang malaman ang tunay nilang motibo ay sapat na," kalmadong sagot ni Zhuge Yue, hindi na nais pang magsayang ng oras sa paksang ito. Tumalikod siya at nagtanong, "Kumusta ang mga bagay sa hilagang-silangan? Kumusta ang mga paghahanda mo?"

Habang napadako dito ang paksa, isang nagmamalaking ekspresyon ang mabagal na napinta sa mukha ni Zhao Che. Kumpiyansa nitong sinabi na, "Hindi mo na kailangan pang mag-alala. Ang hilagang-silangan ay maayos naman sa ilalim ng aking pamamahala. Ang mga daan sa pagpapalitan sa Roulan ay nabuksan na. Ang daan sa may Hu'e sa kanlurang bahagi ay naging mataba na. Ang mga sibilyan doon ay namumuhay na nang matiwasay na buhay. Sikreto naming isinasagawa ang pag-aayos ng dalawang taon. Sa kasalukuyan, ang lupain ng Donghu ay nasa ilalim ng pamumuno ko. Sa tulong ng suporta mo sa ekonomiya, naging isa itong masaganang lugar. Sa tatlo hanggang limang taon, ang buhay ng Donghu ay hindi matatalo doon sa Xia."

"Sikreto mong nailipat ang mga sibilyan. Nadiskubre ba ito ng mga nakakataas?"

"Ang lahat ng ito ay salamat kay Wei Shuye, na siyang tumutulong sa akin sa korte. Isa pa, napakalayo ng Donghu. Nagsisilbing tabing din ang Kabundukan ng Baicang dito. Ang mga sibilyan doon ay iba-iba din. Hindi ito napansin ng mga nakakataas."

Tumango si Zhuge Yue at sumagot sa mabigat na tono, "Mabuti naman."

Nagpakawala ng mahabang buntung-hininga si Zhao Che habang tinatapik ang balikat ni Zhuge Yue, isang nag-uusisang tingin sa mga mata nito. Bahagya itong ngumiti habang nagsasalita, "Ibinigay mo ang lahat patungo sa Donghu. Kapag may panahon ka, bisitahin mo ang lugar. Hindi mo pa nakikita ng matagal nang panahon si AhRou."

Habang ang apoy ng pugon ay umaandap-andap, ang init nito ay kumalat sa buong silid. Mabilis na lumipas ang oras; sa isang kisapmata, dalawang taon na naman ang lumipas. Ang dalawa sa kanila, na kinamumuhian, na walang kahit ano sa kanilang pangalan, ay nakatayo sa lugar na ito ng magkaharap, nakatingin sa isa't isa na tila isa itong panaginip.

Nang taon na iyon, noong nabigo si Zhao Yang sa kanyang pagsakop sa hilaga, nang naging kahindik-hindik ang pagkamatay ni Zhao Qi, sina Zhuge Yue at Zhao Che ang nagpunta sa harapan para pamunuan ang tropa ng Xia, na nagmula sa isang mabigat na pagkatalo, pabalik sa Yanming Pass, na siyang naging simula ng ikalawang digmaan sa hilaga. Sa taong iyon na nagtulungan sila, na dati ay magkaaway sa pulitika na palaging nagtatalo, ay naging magkasama sa panahon ng digmaan na palaging nakatingin sa likuran ng isa't isa. Habang dinanas nila ang walang katapusang pagdanak ng dugo ng magkasama, ang matibay na samahan ay nabuo sa kanilang pagitan, kung saan ito na ang pinakamatibay na samahan sa buong kontinente ng West Meng. Ang mga lalaking ito, na parehong dumanas ng napakaraming hirap, ay mabilis na naging magkaibigan. Mula sa kanilang dati ay pagdududa sa isa't isa, unti-unting nagkaroon ng pagpapahalaga, respeto at pagtitiwala sa bawa't isa, salamat sa oras ng buhay at kamatayan na dinanas nilang pareho.

Pansamantalang natigil ang komunikasyon nila noong natalo si Zhuge Yue sa labanan sa Yuegong, habang si Zhao Che naman ay inalisan ng kapangyarihang militar at dinala pabalik sa Zhen Huang. Nang dumating na si Zhao Che sa Zhen Huang, hindi niya pinutol ang ugnayan kay Zhuge Yue. Imbes ay tinipon niya ang kanyang tropa para magsagawa ng napakaraming operasyon ng pagsagip sa Yan Bei, habang sinusubukan niyang sagipin ang kanyang pangalan at reputasyon sa korte. Hanggang sa nagalit ang mga opisyal sa kanyang mga pagkilos. Nadamay din si Zhao Che, kung kaya't ipinatapon ito sa mahihirap na lugar sa hilagang-silangan para bantayan ang hangganan doon.

Ang pagtratong naranasan ni Zhao Che ay nagdulot sa kanya na makita ang mga nakakasuklam na tao na namumuno sa dinastiyang ito na pabagsak na muli. Ang pamilya niya ay ginawa lamang ito dahil hindi siya maaaring patayin ng mga ito. Dahil sa pagkabigo, nilisan niya ang lugar na iyon, at naglakbay patungo sa kanyang destinasyon. Gayunpaman, kung kailan naman mararating na niya ang lugar, nakaharap niya si Zhuge Yue, na hinanap pa siya mula sa malayo.

Ang dalawang marangal na aristokrata, na nawala ang lahat sa kanila, ay nagsagawa ng sandugo para iligtas ang kanilang bansa, sa ilalim ng malamig na lupaing inaatake ng hangin mula sa hilaga. Matapos nito, naglakbay sila sa magkasalungat na direksyon tungo sa kanilang mga sulok kung saan walang umiistorbo sa kanila, habang alam na kakampi nila ang isa't isa habang nakikipaglaban sila para sa kanilang bansa. Gayunpaman, alam ni Zhao Che ang tunay na dahilan sa likod ng pagsuporta ni Zhuge Yue sa Xia, na tumutulong sa kanilang maiwasan ang napakaraming krisis. ang una ay para mabayaran ang utang na loob dito. Malamig ito sa labas, pero mainit sa loob. Naaalala nito ang bawat isang pabor na inutang nito, kahit pa gaano ito kaliit.

"Kumusta ang sakit ng emperador?"

Tumaas ang kilay ni Zhao Che habang kalmado itong sumagot, "Malubha na ang kanyang sakit. Mukhang wala na din siyang nalalabing oras."

Napakunut-noo si Zhuge Yue habang sinasabi nito sa mababang tinig, "Kailangan pa natin ng ilang oras."

Tumango si Zhao Che habang tumatawa ito, "Gayunpaman, maaaring hindi na ito ang kaso dito. Maraming taon na ang nakalipas, ito na rin ang sinabi ng mga doktor. Buhay pa siya ngayon. Ambisyoso siyang tao, hindi siya ganoon kadali mamamatay."

Humarap si Zhuge Yue, sumimangot, at sinawata siya, "Matapos ang lahat ay ama mo pa rin siya."

"Kalimutan mo na iyon. Mag-ama lamang kami sa pangalan. Kung hindi nakiusap si Wei Shuyei para sa akin, baka nga hindi ako natalaga sa border. Napugutan na siguro ako ng ulo sa Jiu You Platform. Alam ng lahat ang tungkol dito. Ang mga ipokritong tulad niya ay nagpapadiri sa akin."

Mas mukha nang sundalo si Zhao Che, dahil sa ginugol nito ang nakaraang dalawang taon sa mahihirap na kondisyon. Tumingin siya kay Zhuge Yue at sinabi sa mabigat na tono, "Paano ka naman? Paano mo pakikitunguhan ang bagay na ito?"

Tumingin si Zhuge Yue sa kanya at nagtanong, "Ano sa tingin mo?"

"Sa aking opinyon, bakit hindi ka na lamang pumayag sa kasal at tingnan kung paano ang kanilang reaksiyon? Sa tingin ko ay inaasahan na nilang tatanggihan mo ang alok ng kasal. Bakit hindi natin sila sorpresahin?"

Bahagyang napasimangot si Zhuge Yue. Ito talaga ang pinakamainam na paraan na makakapaghanda sila kaagad. Gayunpaman, ngumiti siya, at hindi na nagsalita pa habang nananatiling seryoso ang kanyang ekspresyon.

"Ang mga bagay tungkol sa pag-ibig ang dahilan ng pagbagsak ng isang bayani. Natatakot ako na baka ikaw ang perpektong halimbawa ng kasabihang iyan. Hanggang ngayon ba, hindi ka pa din sumusuko?"

Iniwasan ni Zhuge Yue ang tanong na ito at sumagot, "May isa pang paraan. Kung gusto nilang makipaglaro, pagbibigyan ko sila. Ililihis ko ang kanilang atensiyon at gagawa ng panibagong pagkakataon para sa iyo."

Sumagot sa mabigat na tono si Zhao Che, "Mas agresibo sila sa pagkakataong ito. May iba ka pa bang ruta para makatakas?"

"Walang ruta para tumakas?" Ngumiti si Zhuge Yue habang malamig siyang sumagot, "Gagawa ako ng isa ng sarili ko."

Tumango si Zhao Che habang tumayo ito, hawak ang espada sa kanyang kamay. Ang itim niyang roba ang nagpatingkad sa kanyang nakakasindak na postura. Sa isang masungit na tono, mabagal niyang sinabi, "Wala nang saysay na magplano ng walang katapusan laban sa iba pang tao. Sa pinakadulo, ang mga espada natin ang magsasalita. Fourth brother, hindi na ito katulad ng nakaraan. Kung ang mga bagay ay hindi natin gusto, hindi na kailangan pang pagbigyan ang sinuman. Gamit ang kapangyarihan mo, wala nang makakapilit pa sa iyo."

Tumawa si Zhuge Yue sa isang mapagpasalamat na ugali habang sinasabi niya na, "Ginagawa mo naman akong isang mahinang babae na napipilitang gawin ang mga bagay na hindi ko gusto. Nagpapasalamat naman ako sa mga intensiyon mo. Kailangan mong itago ng husto ang iyong sarili, dahil pumuslit ka lamang sa siyudad."

"Kahit na ano ang mangyari, kailangan pa din kitang bisitahin," deklara ni Zhao Che.