Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 218 - Chapter 218

Chapter 218 - Chapter 218

Ang boses ay tila kumukupas sa kalayuan habang ang katawan niya ay matagal nang nawala ang temperatura. Tila ba ang lahat ng dugo niya ay nawala na din, habang ang kanyang mga paa ay wala na ding enerhiya. Isang pagsabog ang bigla niyang narinig. Nang itaas niya ang kanyang ulo, nakita niya na ginagamit ni Yue Jiu ang lahat ng lakas nito para maalis ang yelong nasa itaas ng kanyang ulo.

Boom! Boom! Boom! Ang mga tunog ay tila kulog na umaatake sa puso ni Zhuge Yue. Ang dugo ay dumaloy mula sa batang guwardiya, mabilis na humahalo sa tubig na nasa paligid.

Sa ngayon, ang mukha ni Yue Jiu ay mas maputla pa sa niyebe, wala nang makikita pang bakas ng kulay ang nananatili sa kanyang mga labi. Tila isa siyang multo na gumapang palabas ng libingan. Gamit ang natitira niyang lakas, nagpatuloy sa paglangoy si Yue Jiu. Kahit na nagsimula nang mamanhid ang kanyang mga paa, ipinagpatuloy niyang ulitin ang paggalaw na iyon. Isang beses, dalawa, paulit-ulit… Bigla, tila isang sinag ng liwanag ang biglang tumagos mula sa mga ulap sa ibabaw ng puso ni Zhuge Yue. Ang lalaking nasa kanyang harapan ay tauhan niya, at sumusunod sa kanya mula nang siya ay apat na taong gulang pa lamang. Inisip ni Zhuge Yue na natural lamang na sumunod ang mga ito sa kanya. Pero, sa sandaling ito, bigla niyang naalala ang mga salita na sinabi sa kanya ng isang babae. Sa malamig nitong kagandahan, mariin nitong idineklara nang walang tigil, "Walang sinuman ang ipinanganak na alipin."

Walang sinuman ang ipinanganak na alipin...

Kasunod ng isa pang pagsabog, panibagong tilamsik ng dugo ang kumalat sa tubig. Kahit na sa malamig na tubig, nararamdam niya ang kumukulong dugo. Ang katawan niya ay biglang napunong muli ng enerhiya habang lumalangoy siya paitaas. Habang itinutulak ang duguang katawan ni Yue Jiu, nagsimula siyang maghukay sa nagpatong na yelo gamit ang punyal ni Chu Qiao.

"Hindi ako dapat na mamatay!" Sabi niya sa sarili. "Hindi pa ako pupwedeng mamatay! Marami pa akong gustong gawin na kailangan kong matapos." Kahit na pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang mga baga sa kakulangan ng hangin, at kahit na naninigas na ang kanyang katawan, kasama ang mga sugat niyang nananakit, nagpatuloy siyang lumaban para mabuhay na tulad ng isang robot.

Hindi ako maaaring mamatay! Hindi ako maaaring mamatay! Hindi ako maaaring mamatay!

Boom! Nasira na ang yelong nasa ibabaw, at lumutang na siya pataas. Nasilaw siya sa liwanag ng araw, habang ang sariwang hangin ay malugod siyang sinalubong. Huminga siya ng malalim, desperadong punan ang kanyang baga ng hangin.

"Yue Jiu! Ligtas na tayo!" Hiyaw niya. Tumingin siya sa paligid, hindi na niya makita ang pigura ni Yue Jiu. Nang sumisid siyang muli sa ilalim, sa wakas ay nakita niya ang katawan ni Yue Jiu sa kailaliman ng lawa. Ang batang eskrimador ay puno ng sugat, ang mukha nito ay lubusan ang pagkaputla. Ang mga mata ay nakamulat, ang kanyang buhok ay magulo at puno ng dugo.

Gamit ang lahat ng kanyang lakas, hinila pataas ni Zhuge Yue si Yue Jiu, at mapwersang nagsagawa ng pagpiga sa dibdib ng alipin niyang ito, at kinuskos ang kamay at mukha ni Yue Jiu, umaasa na mabigyan ito ng init. Malakas na sumigaw si Zhuge Yue, "Gumising ka! Inuutusan kita! Gumising ka!" Sa tanang buhay niya, hindi pa umiyak ng malakas si Zhuge Yue. Pero sa araw na iyon, umiyak siya para sa isang alipin. Sa malawak na kapatagan, umiyak siya na tila isang lobong umaalulong sa buwan.

Makalipas ang tatlong araw, natagpuan niya si Yue Qi na swerteng nakaligtas mula sa kamatayan. Ang alipin na ito ay tinipon ang natitira pang guwardiya ng mga Yue at naghanap kay Zhuge Yue ng tatlong buong araw. Mayroong benteng guwardiya na nanigas hanggang sa mamatay dahil paulit-ulit itong lumusong sa malamig na tubig para hanapin siya. Pagkatapos nito, dinala siya ng mga ito sa Kabundukan ng Wolong. Matapos lamang ang kalahating taon nang gumaling siya ng husto, pero nahaharap siya sa isang nasirang kinabukasan. Sa kritikal na araw na iyon, tinitigan niya ang impormasyon na dinala ni Yue Qi at ng iba pang guwardiya ng Yue, mula pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito.

Pumasok ang kanyang guro, at tumingin sa mapa ng West Meng Continent na nakasabit sa harapan ni Zhuge Yue, bago kalmadong nagtanong, "Saan mo na intensiyong magpunta?"

Nakaramdam ng kawalan si Zhuge Yue na hindi niya naramdaman ng maraming taon. Habang itinataas ang kanyang ulo, sumagot siya, "Guro, wala na akong mapupuntahan."

Ang matandang lalaki, na ang buhok ay naging isa nang magandang pilak, ay magiliw na ngumiti bago nito iniunat ang payat nitong palad. Sa isang mabilis na hampas, nawasak niya ang West Meng Continent na nasa mapa, at ginawang isang malaking butas ang parteng iyon ng mapa, iniwanan lamang ang teritoryo ng Quan Rong, ang dagat sa Timog Silangan, at ang mga lupaing tigang sa Kanluran.

"Anak ko, palaging may mas mahusay kaysa saiyo, at palagi ay may mundong mas malawak kaysa sa atin. Sino ang nagsasabi na ang mundo ay kasing laki lamang nang nasa mapa?"

Kinabukasan, nakatanggap siya ng mas maraming balita. Si Meng Feng ay nasentensiyahan na ng konseho, at pinakawalan upang ipatapon sa Qinghai. Sa ngayon, siguro ay narating na nito ang Cuiwei Pass.

Sa mga nagdaraang panahon, tila lumiliwanag ang hamog ng kinabukasan. Sa mga madidilim na araw na iyon, ang patalim sa kanyang kamay ay paulit-ulit na winawasiwas, nagbibigay ng kumikislap na repleksiyong humihiwa sa leeg ng isang bagay na tinatawag na kapalaran habang nanlalaban siya. Habang natatakpan ng kumukulong dugo ang kanyang mga mata, nararamdaman na niya ang kahulugan ng buhay sa makapal at mainit na likidong iyon.

Isang araw ang lumipas, isang mensahero mula sa Zhen Huang ang sumugod sa pamamahay ni Zhuge Yue sa Xian Yang. Ang mukha ng sundalo ay mukhang natuyo sa alikabok na patuloy na umaatake sa balat nito ng ilang araw, at ang mga labi nito ay bitak-bitak na. Habang pinapagpag ang kapa nito, makikita na ito ay puno ng alikabok.

Ang mukha ng lahat ay mukhang hindi masaya, at agad na naunawaan ni Chu Qiao ang isang bagay habang tahimik siyang nawala sa eksena.

Matapos ang isang oras, mukhang aalis na si Zhuge Yue. Sumunod sa kanya si Chu Qiao hanggang sa pangunahing daan na patungo sa North Gates. Ang panahon ay may kalamigan, dahil nakasuot ng makapal na asul na kapa si Chu Qiao. Isang puting balahibong kapa ang nakabalot sa kanyang malinis na mukha na walang kolorete. Sa kasimplehan, nagpapakita siya ng simpleng kagandahan. Habang narating na nila ang pavilion na nagsasabing limang kilometro na ang layo nila sa siyudad, si Yue Qi at ang iba pang guwardiya ay lumayo para bigyan sila ng oras na makapag-isa. Tahimik na bumaba ng kanyang kabayo si Zhuge Yue, habang masunuring sumunod sa kanya si Chu Qiao. Sa paligid ng pavilion, ay napapalibutan ng mga damo, at ang pintura sa mga haligi ng pavilion ay nagsisimula nang matuklap. Tila ba ang eksena ay napakalungkot.

"Aalis na ako." Humarap sa kanya si Zhuge Yue at tahimik na pinagmasdan siya.

"Oh, mag-iingat ka sa iyong paglalakbay." Tumango si Chu Qiao.

Bahagyang kumunot ang noo ni Zhuge Yue. Parang paulit-ulit na lamang ito, na tila ba ang pagkikita nila ay palaging puno ng pananabik, pero lumalayo sila sa isa't isa kapag mas matagal silang magkasama. Tila ba hindi na nila alam kung paano pakitunguhan ang isa't isa, at nagpapalitan na lamang sila ng magalang na pagbati.

"Pagkatapos ko umalis, saan ka na pupunta?"

"Ako? Siguro ay pupunta muna ako sa Tang Empire."

"Pagkatapos noon?"

"Pagkatapos noon?" Napasimangot si Chu Qiao at nag-isip ng matagal. Tumawa siya. "Hindi ko na din alam. Siguro ay maglalakad na lamang ako at maglalakbay. Tikman ang mga pagkain sa buong mundo, tingnan ang magagandang tanawin, pumunta sa kung saan-saan. Sino ang nakakaalam?"

Habang umihip ang hangin, mayroong tumunog na chime. Napatingin ng sabay ang dalawa, para lamang makita ang isang batingaw na nakabitin sa sira-sirang pavilion. Kahit na ang kulay ay kumupas na mula sa katandaan, ang tunog ay maliwanag pa din, tumutunog sa bawat oras na umiihip ang hangin.

"Pupunta ka ba sa Yan Bei?"

Sumagot si Chu Qiao ng may tahimik na ngiti, "Tumira na ako doon ng maraming taon. Ang tanawin doon, sapat na ang nakita ko. Sa una pa lamang, ang kalusugan ko ay hindi na maigi, at hindi ko na matatagalan pa ang lamig sa Hilaga. Siguro, hindi na ako makakapunta pa sa syudad ng Zhen Huang sa pagkakataong ito."

Tumango si Zhuge Yue na tila may naiintindihan na siya. Manhid na ng kaunti ang kanyang mga emosyon, ang mga salitang naiwan sa puso niya ay napipigilan pa din ng kanyang isip. Ang mga araw ng kasiyahan ay isa lang palang panaginip. Matapos na lumipas ang mga oras, ang kapalaran ng panaginip ay mabasag na lamang. Ang mga bagay ay dapat na gawin nang may tamang tao sa tamang panahon, pero heto sila at nakatayo dito na pinipilit baguhin sa kanilang kagustuhan ang kapalaran. Maraming bagay sa buhay ang nakatakda na, at tulad ng isang pinong buhangin na hinahablot mo sa dalampasigan, mas mahigpit ang nais ng isang hawakan ito, mas mabilis naman itong nakakawala mula sa daliri ng isa.

Habang inihahakbang niya ang kanyang paa, handa na para lumabas, ang kanyang mukha ay malamig at arogante tulad ng dati. Sa dati niyang porma, tila hindi na nito gustong magbitiw ng kahit isang salita.

"Zhuge Yue!" Isang nagmamadaling tinig ang pumailanlang sa kanyang likuran. Ang kamay niya ay napakaliit, napakalamig, pero buong lakas nitong hinila ang kanyang damit, ipinakikita ang natatagong tigas ng ulo nito.

"Salamat," tahimik nitong bulong. Sa kanyang tinig, malalaman mo na pinipigilan nitong humikbi, habang nagpapatuloy siya, "Inisip ko na hindi ko ito masasabi ito sa iyo ng personal sa buhay kong ito. Pero, dahil sa basbas ng langit, ligtas ka." Nang may bahagyang ngiti sa kanyang mukha, nagpatuloy siya sa pagsasalita, "Zhuge Yue, natali na ako ng lahat ng klase ng pagbubuklod sa buhay ko, at hindi ako nagkaroon ng madaling buhay. Marami na akong nagawang bagay, at napagdaanan ko na ang maraming hirap at saya. Ang ilang bagay na ginawa ko ay tama, ang ilan ay mali, pero hindi ako kailanman nagsisi. Alam ko ang aking mga iniisip at emosyon, at hindi ako magkakaroon ng utang na loob kaninuman. Pero, sa iyo lang ako nagkaroon ng maraming utang na hindi ko mababayaran. Sa iyong ligtas na pagbabalik, magiging tama lamang para sa akin na sumunod sa iyong likuran at bayaran ka gamit ang nalalabi ko pang buhay. Pero, hindi na ako katulad ng dati. Pagkatapos nang napakarami kong pinagdaanan, wala na akong lakas ng loob para makisali pa sa kaguluhang ito. Matapos ang digmaan sa Yan Bei, namatay ang Heneral ng Xiuli. Ang natitira na lamang ay isang karaniwang babae na nawala ang kanyang mga pangarap at ambisyon. Wala na akong kakayahan para tumayo sa iyong tabi."

Nagpatuloy na tumunog and wind bell, pero ang oras ay parang tumigil sa sandaling ito. Tila nang-aasar na ngumiti ang karma sa kanila habang pinapanood ang kawalan ng magagawa ng mga tao.

Ibinukas ni Chu Qiao ang kanyang mga braso, at nilapitan siya mula sa likuran. Habang nilalampasan ng kanyang mga kamay ang pagitan ng kanyang braso at baiwang, ang maputi niyang balat ay dumampi sa malambot na seda sa kanyang katawan habang ang mga gintong burda ay kumuskos sa maputi nitong pulso. Sa tahimik na simoy ng hangin, ang kanyang mga kamay ay humigpit ang pagkakahawak at sumikip sa kanyang katawan, bago naglakad sa maliliit na hakbang at ibinaon niya ang kanyang mukha sa likuran nito. Isang luha ang namalisbis mula sa sulok ng kanyang mata. Tumulo ito sa kanyang damit na kulay luntian, at nakagawa ito ng disenyo.

"Zhuge Yue, patawad." Ang boses niya ay tila napakalungkot, tulad ng isang batang naiwanang mag-isa sa gitna ng nagngangalit na bagyo ng niyebe.

Nagsimula nang bumagsak ang niyebe. Napakagaan nito, at sa katunayan, bago pa man ito lumagpak sa lupa, ang mga yelo ay natunaw na. Pero naipon ang mga ito at nakabuo ng manipis na patong sa kanilang mga balikat. Ngayong ang kanilang balat ay magkadikit, nararamdaman nila maski ang hininga ng bawat isa. Ito ang unang beses na nagkusa siyang yakapin ito. Ang oras ay tila dumaloy sa kanilang mga isip, habang ang mga eksena mula sa kanilang alaala ay mabilis na nawala. Tila ba pinaglololoko na sila ng kapalaran sa simula pa lamang. Matapos ang maraming pasikut-sikot, sa wakas ay nakarating na sila sa yugtong ito, pero kahit na nanatili na ang mga alabok at lumayo na sila sa digmaan, patuloy pa din silang pinahihirapan ng kapalaran.

Isang hilera ng mga ibon ang lumilipad sa himpapawid ang nilampasan sila. Nakapila sa isang diretsong linya, lumipad ang mga ito patungo sa Timog. Hindi naglaon, lumayo ang mga ito, at mabagal na nawala sa paningin. Sa wakas ay kumalas na siya sa pagkakayakap. Binawi na ni Chu Qiao ang kanyang mga kamay. Ang kamiseta nito ay napakalamig, kung kaya't ang kanyang mga daliri ay namanhid sa sobrang kalamigan. Ang likuran nito ay diretso pa din, tila ba wala sa mundong ito ang makakatalo sa kanya. Napakakisig nito, na napapalibutan ng malamig na awra sa kanyang pigura, na tila ba gusto niyang magyelo ang lahat ng nasa kanyang paligid.

Ngayong wala na kundi hangin na lamang ang nasa pagitan ng kanyang mga braso, kinagat ni Chu Qiao ang kanyang labi bago pinilit na ngumiti. "Mag-iingat ka."

At sa isang whoosh, mayroong bugso ng hangin mula sa malayo. Sumabog ang wind bell sa maraming pag-iingay na biglang tila natatamnan ng atmospera ng buhay.

Lumakad na palabas ng pavilion si Zhuge Yue. Nang tumapak ang mamahalin niyang bota sa damo na natuyo na, ang halaman ay nabali at wala nang buhay na nakahiga sa lupa. Gamit ang isa pang ihip ng hangin, nabali na ito sa kanyang ugat at nadala na sa kalayuan.

Sakay ng kanyang kabayo, kasama ang mga Guwardiya ng Yue, pinalo nila ang kanilang mga kabayo at ang tunog ng mga tumatakbong kabayong pandigma ay maririnig sa kalayuan. Sa tunog ng mga yabag na ito, ang katahimikan ng pangunahing daan ay nawasak habang lumilipad ang mga kapa sa hangin, at ang mga bandilang pandigma ay lumilipad patungo sa hilaga. Pero hindi pa din siya lumingon para magnakaw ng isa pang sulyap sa kanya. Siya pa din ang dating makisig at mapagmalaking tao na nakilala niya, ang likuran niyang hindi yumuyuko na nakaupo sa kabayo, na nakasuot ng kanyang mamahaling pangginaw at maitim na buhok, nagmamadaling sumugod sa malamig na hangin at unti-unti ay nawawala na sa kalayuan kasama ng mga lumilipad na alikabok. Hindi nagtagal, kahit ang pigura niya ay nawala na.

Ang hamog ng umagang iyon ay hindi pa din nawawala habang ang kalsada sa harapan ay tila nalalambungan ng isang tabing. Habang ang damo ay inililipad ng hangin sa paligid, nagpaikut-ikot ito, hindi malaman kung saan pupunta. Biglang naalala ni Chu Qiao ang Yan Bei Highlands nang sinabotahe siya ni Cheng Yuan at nahulog sa patibong ng hukbo ng Xia. Nang gabing iyon, tahimik siyang nakatingin sa pigura nito sa kaparehong paraan na nawala ito sa nagyeyelong kapatagan. Noong mga panahong iyon, hindi din ito lumingon, pero napakabilis nito na maglakad habang iginigiya ang kanyang kabayo habang nakasuot ito ng makapal na pangginaw. Noong araw na iyon, napakalakas ng pagbagsak ng mga niyebe mula sa kalangitan, at habang ang mga yelo ay lumalapag sa kanyang mga pilik-mata, nakaramdam siya ng sobrang ginaw na gusto na niyang umiyak. Pero, sa isang kisapmata niya, napakaraming taon na ang lumipas.