Si Chu Qiao, halatang hindi alam ang intensyon ng lalaki, ay umupo, kinusot ang kanyang mata, at inilagay ang ilang hibla ng kanyang buhok na nakawala sa gilid ng kanyang tainga. Kahit na medyo nahihiya pa rin siya, sinabi niya sa matatag na boses, "Anong ginagawa mo dito?" nang nagsalita siya, saglit na natahimik ang buong kabahayan. Alam ni Chu Qiao na may mali siyang nasabi at hindi na nagsalita pa. Pareho silang mukhang hindi alam kung paano makikiangkop sa pagbago ng kanilang relasyon. Hindi nila alam kung paano makikipag-usap sa isa't-isa.
Maliwanag ang sinag ng buwan sa labas ng bintana habang tumatama ito sa lupa, nagmumukhang patong ng yelo.
"Anong ginagawa mo sa Xianyang?" biglang tanong ni Zhuge Yue. Natigalgal si Chu Qiao tapos ay nakaramdam ng pagkataranta na dumaluyong mula sa kanyang loob. Bibihira siyang makaramdam ng kahit ano na nakakapagpataranta sa kanya ng mga taon na ito. Kahit kapag kaharap ang nakakatakot na hukbo ng Xia, nakakapanatili siyang kalmado. Tanging tungo sa lalaki lang saka nawawala ang pagiging kalmado niya; patuloy na hindi mapakali ang kanyang puso.
"Ako'y..." umubo si Chu Qiao at nagkunwaring kalmado. "Nandito ako upang may asikasuhin ng lakad."
"Hindi pa ba ito tapos?"
"M-malapit na."
"Kailan ka aalis?"
Walang pagpipilian si Chu Qiao kung hindi ay ipagpatuloy ang pag-uusap, "Sa isa o dalawang araw."
"Sa isa o dalawang araw? Bukas ba o sa susunod na bukas?"
Medyo nakaramdam ng galit si Chu Qiao at sumagot sa medyo galit na boses, "Bukas."
"Oh," tumango si Zhuge Yue tapos ay umupo sa lamesa, nagsalin ng isang tasa ng tsaa para sa sarili niya. Hindi niya ito ininom at marahang hinalo ang baso sa kanyang kamay.
Nagtaas ng kilay si Chu Qiao at tinanong ang lalaki, "Ikaw?"
"Ako? Anong tungkol sa akin?"
"Anong ginagawa mo dito sa Xianyang? Kailan ka aalis?"
Ngumiti ng simple si Zhuge Yue. Sa dalawang taon na hindi sila nagtagpo, pakiramdam niya ay mas naging mahusay magsalita at tuso ang babae. Nanatili siyang walang emosyon at tumango habang sinasabi, "Nandito ako para magbakasyon. Magtatagal pa ako dito."
Nang natapos niya ang kanyang sasabihin, tumayo na siya para umalis. Habang naglalakd siya palabas, dinagdag niya, "Dahil aalis ka na bukas, hindi na kita iistorbohin pa. Magpahinga ka mabuti."
"Hoy!" tumayo si Chu Qiao at sinigawan ang lalaki, wala sa isip na inusal, "Tumigil ka dyan."
Tumalikod si Zhuge Yue at kalmadong sumagot, "May problema pa ba?"
Sinasadya niya itong gawin! Tumitig si Chu Qiao sa lalaki habang nag-iisip siya. Matapos ang mahabang sandali, tumungo siya at bumulong, "Sa totoo lang, hindi rin ako nagmamadaling umalis."
Tila natatakot na mali ang pagkakaintindi ni Zhuge Yue, nagmamadali niyang dinagdag, "Wala rin naman akong gagawin kapag bumalik ako."
"Oh," tumango si Zhuge Yue. Nag-abot siya ng bag sa babae na mula sa kanyang tabi. May ngiti sa kanyang mukha, nagpahayag siya, "Mag-ayos ka kaagad. Ghost Festival ngayon. Mas maraming tao ngayon kaysa kahapon."
Hindi alam kung ganoon ba talaga, o nagbago na ang estado ng kanyang pag-iisip, naramdaman niya talaga ang pagkakaiba ng kasabikan kumpara kahapon.
Lumipad-lipad kasama ng hangin ang talulot ng iba't-ibang klaseng bulaklak. Ang mga halaman at puno ay malago sa kapaligiran; ang malamig na mga hangin sa parehong gilid ng lawa ay nagdala ng sariwang samyo, dahilan para sumigla muli ang isang tao. Ang mga sirkero sa kalye ay tila mas magaling magtanghal ngayon kaysa kahapon. Habang naglalakad sila sa mga kalye, nakakita sila ng maliit na batang namamalimos ng pagkain. Si Chu Qiao, sa kabaitan, ay binigyan ang bata ng sampung tael ng ginto. Habang hawak ng bata ang salapi sa kanyang mga kamay, natuliro siya. Ang dami ng salaping ito ay sapat upang sustentuhan ang karaniwang sambahayan ng sampung taon.
Tumayo si Zhuge Yue sa gilid at kaswal na nagpahayag, "Napaka mapagbigay."
Lumingon si Chu Qiao at tinignan sa mata ang lalaki habang nanunuya, "Kapag mas mayaman ang isang tao, mas maramot siya. Maganda ang pakiramdam ko ngayong araw."
Kahit na alam niyang tinutuya siya ng babae, maganda ang pakiramdam niya nang narinig ang mga salitang iyon. Maganda ang pakiramdam? Bakit ganito ang nararamdaman ng babae? Masaya siyang lumapit at naglabas sa kanyang bulsa ng nota mula sa bangko, kung saan may mga salitang nakasulat ng itim, "200 tael ng ginto."
"Huwag ka nang maging pulubi pa. Kumuha ka ng asyenda at maging isang konsehal ng ministro." Nang matapos niya ang kanyang sasabihin, naglakad siya palayo sa mga gulat na itsura ni Chu Qiao at ng bata sa kanilang mukha.
Hinabol siya ni Chu Qiao habang nakatingin sa lalaki na may suspisyon.
Tumingin si Zhuge Yue sa kanya at sinabi, "Anong tinitingin-tingin mo?"
"Hindi ko alam na may konsensya ka pala. Anong problema, napakayaman mo ba?"
Nanuya si Zhuge Yue habang sumasagot, "Marami pang bagay na hindi mo inaasahan."
Habang naglalakad sila, biglang kumulo ang tiyan ni Chu Qiao dahil isang buong araw na siyang hindi kumakain. Mukhang pamilyar si Zhuge Yue sa syudad na ito dahil walang hirap niyang sinabi ang ilang pangalan ng kainan. Gayumpaman, nanatiling nakatayo si Chu Qiao sa kinatatayuan niya dahil ang mabangong halimuyak ng pagkain mula sa mga nakapwesto sa tabing kalsada ay kinuha ang lahat ng lakas sa kanyang katawan.
Natural na ayaw ni Zhuge Yue na sumunod sa mga kilos ni Chu Qiao, ngunit bago pa man siya makatutol, umupo na si Chu Qiao. Masayang tumakbo tungo sa kanya ang serbidor, tapos ay umorder siya ng dalawang mangkok ng scallion noodles, kalahating kagitna ng baka, isang platito ng mani, at isang bote ng alak na inirekomenda ng serbidor. Ang bote ng alak ay mayroon pa ngang magarang, may kalinangan pangalan: "Ang Western Frost ng Sixth Month."
Tumingin si Zhuge Yue sa kanya na may kakaibang ekspresyon tapos ay nagtanong, "Akala ko hindi ka umiinom ng alak?"
Ang kamay na gamit ni Chu Qiao panghawak ng chopsticks ay bahagyang kumibot tapos ay sumagot siya na may kalmadong ngiti, "Hindi ako uminom noong nakaraan dahil akala ko makakasagabal ito sa mga bagay-bagay. Ngayon na wala akong ginagawa, wala na akong pakialam pa."
Napasimangot si Zhuge Yue tapos ay inunat niya ang kamay niya upang agawin palayo ang baso ng babae. Sinabi niya sa mabigat na tono, "Huwag ka nang uminom pa."
Hindi na tumutol pa si Chu Qiao tapos ay nagkibit-balikat. Malambot siyang nagsumbat, "Tigilan mo ang magkunwaring disente."
Mabilis na bumalik ang serbidor dala ang pagkain nila. Katulad ng inaasahan, hindi ganoon kagarbo ang alak—isa lang itong dilaw na alak na hinaluan ng tubig. Isa lang itong pakana upang lokohin iyong mga madaling lokohin na mga dayuhan. Ordinaryo lang ang pagkain, ngunit ang plato ng bihon ay malaki. Sa kabila ng gutom ni Chu Qiao, kalahating mangkok ng bihon lang ang nakain niya bago siya nabusog.
Nang tumayo na sila para umalis, nakakita sila ng grupo ng batang pulubi na naglalaway habang nananabik ang mga ito sa kanilang tira, kasamana ang kalahati lang na nakaing mangkok ng bihon. Naghagis si Zhuge Yue ng isang tael ng pilak sa tindero tapos ay nagpahayag, "Bigyan mo sila isa-isa ng mangkok ng bihon."
Masayang sumunod ang tindero. Nagsususpetyang tumingin si Chu Qiao sa lalaki at nagpahayag, "Naadik ka ba sa pagkukunwaring mabait?"
Isang maliit na bata, nasa 12 hanggang 13-taon-gulang, nang makitang mapagbigay at maayos silang kausap, ay lumapit sa kanila at sinabi kay Zhuge Yue, "Old Master, pakiusap bigyan mo ako ng alak."
Naiintrigang tumingin si Zhuge Yue sa bata. Tuamlikod siya upang mag-abot sa tindero ng ilan pang salapi tapos ay sinabi, "Bigyan mo siya ng isang banga ng alak, na hindi hinahaluan ng tubig. Kung hindi niya ito mauubos, sila mismo ang kailangang magbayad sa kinain nila. Pwede mo siya bugbugin muna bago ibigay sa mga awtoridad."
Masayang napangisi ang bata habang nagpatuloy siya sa pagtamasa sa kanyang kinakain.
Nagtanong si Chu Qiao, "Paanong maiinom ng maliit na bata ang isang buong banga ng alak?"
"Kung hindi niya susubukan, hindi niya malalaman kung ano iyon," saad ni Zhuge Yue at nagpatuloy, "Saka lang niya matatandaan ang aral na ito kapag nagdusa siya ng isang beses."
Natulig si Chu Qiao tapos ay napabagal at hindi nakasabay sa lalaki. Ilang beses na humakbang pasulong si Zhuge Yue bago niya napagtanto na hindi nakasunod sa likod niya si Chu Qiao. Nakasimangot niyang tinawag ang babae, "Halika na. Anong iniisip mo?"
Nawala sa pagkatulala si Chu Qiao at humabol sa lalaki.
Saka lang matututo ang isang tao kapag nagdusa na ito. Zhuge Yue, ilang beses ka na bang nagdusa? Bakit hindi ka pa rin natututo? Isip-isip niya sa sarili niya.
Habang naglalakbay ang kanyang isip, bigla siyang nakaramdam ng panandaliang sakit sa kanyang mukha. Matapos noon, ang tunog ng paputok ay nagsimulang umalingawngaw sa itaas ni Chu Qiao. Nagulat si Chu Qiao at tumalikod ngunit bigla siyang nakaramdam ng malakas na pwersang humila sa kanya. Hinila ni Zhuge Yue ang kanyang kamay, dahilan para bumagsak siya sa yakap nito. Ilang beses itong humakbang paatras habang nakataas ang kilay, inilalarawan ang galit sa kanyang mukha.
"Ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?"
Tumingala si Chu Qiao at nakakita ng taong nakatayo sa ikalawang palapag ng kainan. Kakasindi lang ng taong iyon ng paputok na hindi nagbigay ng atensyon kung may naglalakad sa ibaba. Sa tabi niya, mayroon pang iba na nagdusa sa kawalan ng ingat nito. Sa puntong ito, maraming tao ang nagmura sa may ibaba, ngunit ang kanilang pag-iinsulto ay nalunod ng mga paputok.
Hinila palayo ni Zhuge Yue ang kamay ni Chu Qiao na tumatakip sa mukha nito. Ang kanyang mukha ay bahagyang mapula, na may dalawang parte na mapapansing mas mapula.
"Wala lang ito. Hindi masakit," sagot ni Chu Qiao. Hindi siya sanay sa pagbibigay ng atensyon nito habang sinusubukan niyang itulak ang kamay ng lalaki pero wala itong pinatunguhan. Ang kamay nito ay mainit sa pakiramdam; nararamdaman niya ang gaspang at mga kalyo nito. "Ayos lang talaga ako," saad niya na medyo nahihiya. "Hindi rin nasira ang itsura ko."
"Napakahalaga ng mukha ng babae. Bakit hindi ka nag-aalala?" walang emosyon na nagpagalit si Zhuge Yue na may magandang intensyon. Hindi nagtanim ng sama ng loob si Chu Qiao doon, ngunit nagbago ang lahat nang dinagdag ng lalaki ang sumunod sa pangungusap, "Gayumpaman, sa itsura mo, hindi na mahalaga kung nasira man ang itsura mo o hindi."
Natigalgal si Chu Qiao; bumalik na ang lalaki sa dati nitong paraan sa mas mababa pa sa tatlong pangungusap. Pumakli si Chu Qiao, "Tignan mo lang."
Ang ekspresyon ni Zhuge Yue ay mapanghamon habang naglakad siya patungo sa kainan na iyon. Natatakot si Chu Qiao na makikipag-away ang lalaki sa maliit na problema lang. Habang nag-aalala siya ukol dito, tumalikod ang lalaki at naglakad tungo sa kanya. Kinatagpo niya ito sa gitna at nagtanong, "Bakit pumunta ka doon?"
"Inaalala ang pangalan ng kainan."
Napanguso si Chu Qiao. "Napaka magagalitin mo!"
Nagtaas ng kilay si Zhuge Yue nang sumagot ito, "Anong iniisip mo? Naamoy ko ang halimuyak ng alak doon. Intensyon kong kumain doon bukas."
Medyo nakaramdam ng kalungkutan si Chu Qiao. Hindi ito ganito dati. Bakit natatalo siya tuwing nakikipag-usap sa lalaki ngayon? Napasimangot siya at sumunod sa likod ng lalaki, habang ang lalaki ay may dalang mapagmalaking tingin sa kanyang mukha kung saan ay hindi pa niya nakikita dati.
Ang hangin ng gabi ay nakapapawi ng init. Ang mga tindero sa parehong gilid ng daan ay paminsan-minsang lumalapit sa kanila upang alukin ng kanilang paninda. Ilang babaeng nagbebenta ng bulaklak ang lumapit kay Chu Qiao, humahanga sa kanyang kagandahan, at inalok si Zhuge Yue na bumili ng bulaklak para sa kanyang asawa. Tinanggap at sinalubong ni Zhuge Yue ang ideyang mali ang pagkakaintindi ng mga tao sa kanya, bumili siya ng tatlong basket ng bulaklak at pinadala kay Chu Qiao ang lahat habang nrelax na naglakad sa harap. Nagmukhang isang katulong si Chu Qiao habang nakasunod siya, dala ang lahat ng gamit ng lalaki. Nakuha nito ang atensyon ang maraming dumadaan; unti-unti, hindi na sila nilapitan ng mga nagtitinda ng bulaklak, naisip na ang kanyang estado ay hindi kasing taas tulad ng inaasahan nila. Tunog ng pag-uusap ang narinig ni Chu Qiao:
"Tignan mo iyong gwapong young master na iyon! Kahit ang katulong niya ay napakaganda!"
Napasimangot si Chu Qiao, nakaramdam ng kaunting kalungkutan. Mukha ba siyang katulong? Higit sampung taon ang lumipas. Bakit katulong pa rin siya ng lalaki?
Ang mga hangin sa tabi ng lawa ay malakas. Naglakad sila sa kahabaan ng dalampasigan ng lawa, kung saan ay tahimik at walang tao. Bumagal ang kanilang lakad; wala sa kanila ang nagbuka ng kanilang bibig upang magsalita, hindi gustong sirain ng bihirang pagkakataon ng katahimikan sa pagitan nila. Mula kagabi hanggang ngayon, wala sa kanila ang nagsalita kung paano sila namuhay sa nakalipas na dalawang taon. Hinayaan ng tadhana na magtagpo ang kanilang landas sa lugar na ito, malayo sa Xia, malayo sa Yan Bei, malayo sa lahat ng agawan sa kapangyarihan at pagpaplano. Kalmado ang buhay dito. Sa magandang tanawin at sariwang hangin, ang lagay ng loob nila ay makikitang gumaan. Natural lamang, ayaw nilang pag-usapan ang kahit anong sisira sa sandaling mayroon sila ngayon.
Umihip ang hangin sa ibabaw ng lawa. Ang nakakapawing liwanag ng buwan ay suminag sa lupa, pinagmumukha itong oras ng bukang-liwayway. Wala sa isip, naglakad sila mula sa malaking punong elm. Napatigil si Zhuge Yue sa paglalakad niya tapos ay tumingala sa punong namumukod sa taas sa ibabaw ng lupa. Ang mga alaala ng nakalipas na ilang taon ay dumaan muli sa kanyang isip. Nakabalik na ulit siya sa lugar na ito.
Tumingin si Chu Qiao sa lalaking diretso ang tindig. Gwapo pa rin siya, ngunit hindi na malamig ang tingin ng mga mata nito. Bagkus, napalitan ito ng kakalmahan at maginoong tingin. Ang tingin ng mga mata nito ay ebidensya na naranasan nito ang malaking pagbabago ng buhay, nag-uudyok ng malungkot na emosyon sa mga nakakatanaw sa kanyang tingin. kumapit siya sa buhay sa kabila ng lahat ng nangyari. Hinamak siya at inabandona ng kanyang pamilya at bansa, ngunit nagawa niyang makatayo muli sa kanyang mga paa sa dalawang taon na ito. Paano ito kasing lundo ng isang simpleng pangungusap kung saan ay inilarawan niya ang kanyang kalagayan—"Hindi pa ako patay"?
Nitong mga araw, unti-unti niyang narinig ang nangyari noon.
Matapos niyang sundan si Li Ce pabalik sa Tang, pitong beses na sumulat ang Xia sa Tang, hinihiling na ibigay ni Li Ce si Chu Qiao sa kanila. Nagpakilos ng mga sundalo si Yan Xun tungo sa Tang, ilang beses na nakipaglaban sa kanila sa kanlurang hangganan. Pagkatapos noon, si Wei Guang, ang pinuno ng pamilyang Wei, ay personal na nakisingit at pinangunahan ang bagong tatag na Southwestern Army tungo sa Tang, para magbigay ng dagdag na tensyon kay Li Ce. Kahit na alam ng buong mundo na hindi mangangahas makipaglaban ang Xia sa Tang sa panahong ito, ang ilang tao sa loob ng Tang ay lubos na hindi nasisiyahan sa aksyon ni Li Ce, umabot pa sa pagpasok sa palasyo upang ibigay si Chu Qiao, kung saan ay itinuturing nilang malas.