Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 203 - Chapter 203

Chapter 203 - Chapter 203

Tinakpan ng mga ulap ang sikat ng araw, dahilan upang unti-unti itong maglaho sa mahangin na pinaglalabanan. Napakabagal na lumipas ng oras; ang mga hangin ng taglagas ay nagdala ng ginaw na para lamang sa Yan Bei habang umiihip ito sa malawak na kapatagan. Mula madaling-araw hanggang tanghali, mula tanghali hanggang takipsilim, nagmantsa ang sariwang dugo sa kabuuan ng kapatagan ng Huolei habang ang pulang-pulang bulaklak ng Huoyun ay buong namulaklak, inilalantad ang madilim na pagkapula nitong mga talulot. Mga nabubuhay na tao, na masagana pa rin kaninang umaga, ay patay nang nakahiga sa malamig na nagyeyelong lupa, tulad ng hinilang mais.

Nawala ng lupain ang orihinal niyang kulay. Paikot-ikot na lumipad ang mga uwak sa kalangitan, hinihintay ang oportyunidad na matamasa ang pambihirang pyesta sa harap ng kanilang mga mata. Nagkalat ang bangkay at buto sa kapatagan; ang mga sugatang sundalo ay nakatumpok sa ibabaw nila, umiiyak sa paghihirap tulad ng mga lobong nawalan ng magulang. Ang mga sundalong mas maraming natamong sugat ay hindi man lang makasigaw ng paghihirap, nakahiga sa lupa tulad ng patay na aso. Paminsan-minsan ay nakikita sila ng mga manggagamot sa labanan, na nadiskubreng buhay sila matapos nilang mag-ingay pagkatapos silang sipain. Umambon ng kaunti nang gabi. Ang manipis at malamig na patak ng ulan ay bumagsak sa tumpok ng mga bangkay na sinusunog, bumubuo ng manipis na patong ng hamog sa ibabaw.

Naglakad si Cheng Yuan habang madapa-dapa siya sa mga tumpok ng bangkay. Ang bihasang beterano ng digmaan ay lumakas na sa mga taon niya ng labanan; ang mukha niyang masama tingnan ay may determinadong ningning. Ang kanyang binti ay nasugatan ng palaso, at nabendahan ng puting tela habang paika-ika siyang naglakad.

Sa mababang dalisdis sa hindi kalayuan, isang lalaki ang nakatayo sa ilalim ng puno ng poplar. Ang bandila ng hukbo ng Black Eagle ay bahagyang pumapagaspas sa itaas niya. Nililipad-lipad ang mga lantang damo sa hangin sa ilalim ng paa niya, pumaikot sa kanya. Ang tingin ng kanyang mata ay blanko, tila ba nakatuon siya sa isang bagay na malayo pa sa digmaan, malayo pa sa pagdanak ng dugo, at malayo pa sa mga ulap sa abot-tanaw...

Tulalang nakatayo si Cheng Yuan sa kinatatayuan niya, hindi naglakad sa harap.

"Si Cheng Yuan ba iyan? Halika dito." Hindi tumalikod si Yan Xun nang inusal niya ang mga salitang iyon sa kalmado, nakapapawi at mahinahon na boses. Lumapit si Cheng Yuan, ang kanyang likod ay bahagyang nakaarko. Lumuhod siya sa lupa sa isang tuhod at sinabi sa mababang boses, "Kamahalan, nakalagpas na ang hukbong Xiuli sa ating pormasyon sa hukbo ng Xuanyu sa timog-silangan. Kakarating lang ng hukbo ng Xuanyu sa labanan upang tulungan ang ating mga sundalo. Dahil minadali nilang isinaayos ang kanilang pormasyon, hindi nila natagalan ang pagsalakay ni Heneral Chu. Ang mga sundalo ng hukbo ng Xiuli ay naiwasan ang direktang komprontasyon sa ating mga sundalo, mas piniling atakihin ang hukbo ng Xuanyu. Nang sinubukan naming pigilan sila, huli na ang lahat. Nakatakas sila mula sa kaliwang parte at patungo sa hilagang-kanluran."

Tahimik na tumango si Yan Xun, hindi nagsasalita.

Dinilaan ni Cheng Yuan ang kanyang labi kung saan nagsisimula nang matuyo at nagpatuloy, "Inutusan ko na si Heneral Gao at Heneral Lu na pigilan sila. Ang Unang hukbo ay magpapadala ng 30,000 mga sundalo upang atakihin sila sa hilagang-silangang rehiyon. Handa rin sa labanan ang Longyin Pass. Sinelyuhan na namin ang ruta sa daanan ng tubig sa timog na patungo sa Tang. Kahit na may pakpak ang hukbong Xiuli, mapapabagsak natin sila."

Nanatiling tahimik si Yan Xun, tila mukhang hindi alintana ang narinig niya. Nagsimulang kabahan si Cheng Yuan habang mahina siyang nag-usisa, "Kamahalan?"

"Magpatuloy ka."

"Nakatamo tayo ng malaking kasawian. Ang Ikatlo at Ika-pitong mga hukbo ay lubusang nalipol. Ang mga pinuno ng Ikaapat, Ikawalo, at Ikalabing-isang mga hukbo ay namatay sa labanan; higit sa kalahati ng kanilang pwersa ang kasama din nilang namatay. Si Heneral Du Roulin ng Ika-13 hukbo ay tumangging makilahok sa laban. Binilanggo namin siya ngunit tumatanggi pa rin na sumunod ang mga tauhan niya. Wala silang kwenta sa atin, ngunit kailangan pa rin natin magpadala ng pwersa upang bantayan sila..."

Bahagyang tumalikod si Yan Xun at nagtaas ng kilay. Mababa ang boses siyang nagtanong, "Tumangging makibahagi sa laban?"

"O-oo," nalunok ni Cheng Yuan ang mga salita niya. Umangkop ng mas malumanay na tono, nagpatuloy siya, "Ang mga sundalo sa Ika-13 Hukbo ay mula lahat sa Shangshen Highlands."

Umihip ang hangin kay Yan Xun, dahilan para tumilamsik sa mukha niya ang patak ng ulan. Marahan siyang tumango, hindi na nagsalita pa.

"Kamahalan, ang pagpigil sa hukbong Xiuli ay oras lamang. May isa pa akong alalahanin, ngunit hindi ko alam kung dapat ko itong sabihin."

Walang emosyon na sumagot si Yan Xun, "Sabihin mo."

"Masusunod. Kamahalan, kapag nagtagumpay ang mga sundalo natin na palibutan si Heneral Chu, paano tayo aatake? Buong pwersa ba tayong aatake, o palilibutan lang sila? Papatayin ba natin sila, o huhulihin ng buhay? Kamahalan, pakiusap liwanagan mo ako."

Ang hangin sa paligid ni Yan Xun ay nagsimulang malakas na umungal. Tahimik siyang tumayo doon habang umiihip ito sa kanyang katawan at sa kanyang manggas. Sa labanan sa hindi kalayuan, nagtagal ang maliliit na kislap ng apoy. Matapos ang labanan na nagtagal ng isang buong araw, ang katalasan ng mga sundalo ay lubos na naapektuhan. Sa kasalukuyan, pagod na sila at mabagal nang tumugon; ang kanilang mga kasuotan ay naging punit-punit at sira. Ang buong hukbo ng 20,000, isama ang 30,000 dagdag kawal, ay natalo ng hukbong Xiuli, kahit na umatras sila sa laban sa kalagitnaan. Si Chu Qiao at ang hukbo niya ng 9,000 sundalo ay walang hirap na humiwa sa kanilang pormasyon, nakamit ang isang bagay na kahit ang 30,000 malakas na hukbo ng Huoyun ay hindi nagawa. Inaamin ni Yan Xun na si AhChu ay walang dudang henyo sa pakikidigmang militar. Kahit siya mismo ay hindi maikukumpara sa paraan ng paghawak ng babae sa mga sitwasyon na may kumpyansa at ang katayuan nito sa hukbo.

Dahan-dahan siyang nagbuga ngn hangin; ang mabigat na pakiramdam sa kanyang puso ay nagsimula nang umibabaw mula sa loob. Sa puntong ito, hindi siya sigurado kung dapat maging masaya para sa babae, na nagawa na niya sa wakas na tumakas at bugbugin siya na walang kasamang emosyon. Hindi siya sigurado kung malulungkot o hindi, na iniwanan na talaga siya ng babae.

Isang pakiramdam ng ironya ang dumaluhong sa loob ng kanyang puso, dahilan para malamig siyang mapatawa. Tumingin siya kay Cheng Yuan at nagsalita, "Cheng Yuan, alam mo ba kung bakit pinahahalagahan kita, sa kabila ng madaming tao na nagsasabing huwag?"

Nagulat si Cheng Yuan habang lumuhod siya sa lupa, mababang yumukod at sumagot, "Hinding-hindi ko mababayaran ang kabaitan ng Kamahalan kahit na maraming beses pa akong mamatay."

"Dahil katulad ka ng dating ako."

Gulat na napatingin si Cheng Yuan kay Yan Xun, pero walang sinabi.

"Alam ko na nalipol ang pamilya mo sa labanan. Ang asawa at kapatid mong babae ay nahuli ng mga sundalo ng Xia upang maging mga p*ta. Ang kuya mo ay isang komander sa Da Tong, ngunit pinatay siya ng kung sino sa loob."

Marahang namula ang mata ni Cheng Yuan. Lumuhod siya sa lupa at walang sinasabi, habang namutla ang kanyang labi.

"Alam ko ang sasabihin mo. Katulad ko, alam ko kung anong iniisip ko."

Tumingala si Yan Xun sa madilim na mga ulap, na naging pula dahil sa paglubog ng araw. Ngumiti siya at nagpatuloy sa mababang boses, "Maaaring magkaroon ng maraming hiling ang isang tao. Gayumpaman, kailangan niya munang mabuhay. Kapag namatay siya, wala sa mga hiling niya ang makakamit."

Nagsimulang mamuo ang mainit na mga luha sa mata ni Cheng Yuan. Ang lalaki na hinamak at tinawag na daga ng mga tao ng Yan Bei ay mahigpit na ikinuyom ang mga kamao at itinungo ang ulo.

Malalaking puting mga ibon ang lumipad sa kalangitan, sa linya ng paningin ni Yan Xun. Tumingin si Yan Xun sa kanila habang angn kalagitnaan ng tingin niya ay unti-unting nawala. Matagal siyang nanatiling tahimik bago sinabi, "Ang hukbo ng Xiuli ay isang magaling na hukbo. Mahirap na harapan silang kalabanin. Buksan ang hangganan at ilantad ang balita kay Zhao Yang at Wei Shuye. Parating na ang taglamig. Gamitin natin si AhChu upang basagin ang kawalang magawa ng labanan."

Kahit ang karaniwang mahinahong karakter tulad ni Cheng Yuan ay hindi maitago ang gulat sa kanyang mukha. Matapos ang ilang sandali, bumulong na siya, "Ang mga sundalo ng Xia sa Yanming Pass ay mabibigat na kabalyero lahat. Ang hukbo ni Heneral Chu ay magaang kabalyero lahat. Nag-aalala ako na hindi mapipigilan ng mga sundalo ng Xia si Heneral Chu."

"Kung ganoon ay antalahin ang kanyang pagsulong," tumalikod si Yan Xun at naglakad tungo sa direksyon ng syudad ng Beishuo na nasa gilid ang kanyang itim na pandigmang kabayo. suminag sa kanya ang papalubog na araw, bumubuo ng mahabang anino. Isang mababang boses ang marahang narinig, umabot sa tainga ni Cheng Yuan tulad ng gumagalaw na hangin sa kapatagan. "Sabihan ang mga sibilyan malapit sa mga distrito ng Beishuo, Shangshen, at kabundukan ng Huihui na ang kanilang Heneral ng Xiuli ay lilisanin na ang Yan Bei."

Pinagaspas ng hangin ang kanyang manggas habang ang espada sa kanyang bewang ay nagbigay ng matingkad na pulang repleksyon. Mabigat ang yabag ng lalaki habang marahan siyang naglalakad tungo sa marilag na madilim na syudad. Pasimbolo, tila nakatali siya ng gintong kadena. Makapal na itim na usok ang mabagal na umangat mula sa malayo habang umalingawngaw ang iyak ng paghihirap at dumagundong sa kalangitan ng kapatagan ng Huolei.

AhChu, sinabi ko na ito dati. Lahat ay maaari akong pagtaksilan, bukod sayo. Ikaw lang ang tanging pinanggagalingan ng liwanag ko. Ikaw ang araw na nagliliwanag sa madilim na kalangitan ko.

Sa kasalukuyan, ang pinagmumulan ko ng liwanag ay wala na.

Iisipin mo ba ako kapag napapalibutan ka sa apat na gilid ng kaaway, nahihiwalay at hindi makatakas?

AhChu, papanoorin kita mula sa likod.

Biglana lamang bumaba sa lupain ang digmaan. Ang ilang hukbo ng Yan Bei ay nanatiling nakapirmi nang marinig ang balita ng kanilang pagdating. Sa simula, naisip ni Chu Qiao na hindi siya kayang atakihin ni Yan Xun, pinili na pakawalan nalang siya. Gayumpaman, sa labas ng Longyin Pass, nang makita niya ang mga sibilyan kasama ang kanilang mga anak at gamit, nanlumo siya habang ang kanyang pag-asa ay lubos nang namatay.

Sa umaga, isang kumpol ng tao ang nagsimulang mabuo. Ang ilang mga tao ay itinutulak ang mabigat nilang mga karwahe, na ang lahat ng kailangan mga gamit ay nagkakalansingan sa loob noon. Ang ilang tao ay iwinawagayway ang kanilang mga pamalo, na nagtuturo sa kanilang mga hayop. Ilang mga babae ay hagkan ang kanilang umiiyak na anak habang pinapadede ito. Ang ibang tao ay bitbit ang kanilang mga sako na naglalaman ng matamis na patatas at mais, humihinto upang kumain matapos maglakad ng tiyak na distansya.

Pagod na pagod sila, nahirapan, at natataranta. Gayumpaman, nang nakita nila ang sagisag ng hukbo ng Xiuli, nagalak ang mga tao. Lumapit ang mga sibilyan at sabay-sabay na sumigaw, "Nandito na ang Heneral! Nandito na ang Heneral!"

Isang matanda na may puting buhok ang kinaladkad ang kanyang batang apo sa harap, ang mukha ng bata ay mapula dahil sa lamig. Sumigaw sila tungo kay Chu Qiao at nagtanong, "Heneral, saan tayo tutungo?"

"Tama iyon. Heneral, saan tayo tutungo?"

"Kahit ano man, susundan ko ang Heneral. Hindi ko hahayaan na umalis mag-isa ang Heneral."

"Heneral, bakit hindi mo kami sinabihan agad? Hindi ko pa naiimpake ang mga gamit ko. Mabuti nalang mabilis ako kumilos, o hindi ako makakahabol."

...

Ang mga mandirigma ng hukbo ng Xiuli ay nakatayo sa bakanteng malawak na kapatagan. Hindi sila nagsalita habang nakatingin sila kay Chu Qiao. Nakasuot siya ng berdeng manto habang diretso siyang nakaupo sa kanyang kabayo, tulad ng isang javelin. Ang kanyang ekspresyon ay taimtim, hindi makikitaan ang kahit anong gulat o taranta, na nagpakalma sa mga sundalo dahil iniisip nila ay mayroon siyang plano na naihanda na.

"Heneral," sumulong si he Xiao sakay ng kabayo niya at malambot na tumawag sa kanya.

Tumalikod si Chu Qiao. Malapit sa kanya si He Xiao, sa punto kung saan tila kaya nitong makita ang pagkatulala niya. Naramdaman ng lalaki na sumakit ang puso niya para sa babae. Habang nakakasalamuha nila ang isa't-isa nitong mga taon na ito, hindi na siya bulag na naniniwala sa abilidad ng dalaga. Sa dalawang taon na ito, marami na siyang nakita. Nakita niya ang babae nang matamlay ito; nakita niya ang mga luha nito, ang mga panahon ng kahinaan nito, at nang hindi nito alam ang gagawin. Hindi siya ang nabubuhay na alamat na hindi pa nakakatikim ng pagkatalo sa labanan; mas mukha siyang ordinaryong dalaga na matigas ang ulong inako ang responsibilidad ng buong mundo sa kanyang balikat. Kahit kapag iiyak ito, magtatago ito sa isang gilid kung saan walang makakakita sa kanya. Gayumpaman, sa kabila nito, hindi sumuray ang katapatan niya sa babae. Nagbuklod sila sa mas magulong paraan; mas mukha siyang pamilya, isang kuya, isang tauhan, at isang pinagkakatiwalaan.

Inunat niya ang kanyang kamay at tinapik-tapik ang balikat ng babae habang sinabi niya sa mababang boses, "Heneral, nandito si He Xiao."