Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 202 - Chapter 202

Chapter 202 - Chapter 202

Madaling nagtagpo ang dalawang hukbo. Ang hukbo ng Houyun na naiba na ng landas ay mabilis na napalibutan ng hukbo ng Xiuli. Kahit sa malayo ay agad na nakikilala ni Chu Qiao ang pulang pandigmang kabayo na pagmamay-ari ni Huanhuan. Agad na lumapit si Chu Qiao sakay ng kabayo niya para lang lubos na matigalgal sa nakita niya. Ang damit ni Huanhuan ay sira-sira, at ang kulay pula niyang kapa ay tigmak sa dugo. Mayroong palaso na malalim na nakabaon sa kanyang dibdib, malinaw na tumusok na sa kanyang baga, kasama ang maraming sugat sa kanyang katawan. May mahinang paghinga, dala-dala siya ng babaeng heneral na mukhang nasa 30 ang edad.

"Anong nangyari?" Tumalon pababa ng kabayo niya si Chu Qiao at lumuhod sa putik. Nakasimangot siyang tumingin sa malalang mga sugat na natamo ni Huanhuan bago sumigaw, "Manggagamot! Nasaan ang manggagamot?"

"Master Chu!" Pagkakita sa kanya, nagsimulang umiyak ang babaeng heneral at nagpaliwanag, "Nais patayin ng Kamahalan ang Prinsesa natin. Napatay sa pakikipaglaban si Heneral Xiaohe, at ang prinsesa natin ay natambangan din…"

"Xiaohe…" isang mahinang boses ang narinig. Sinusundan ang paggalaw ng kanyang baga, sumuka ng dugo si Huanhuan. Nang makita iyon, nawala ang kahinahunan ng babaeng heneral at mabilis na sinubukang bigyan ng tensyon ang sugat ni Huanhuan upang patigilin ang pagdudugo. Gayumpaman, hindi na mapipigil pa ang dugo.

"Xiaohe…" napasimangot sa sakit si Huanhuan, ang kanyang mukha ay napakaputla. Malinaw na nasa estado na siya ng pagkalito. Tila pumasok siya sa isang panaginip. Ang walang inaalalang tawa ni Xiaohe ay nakita niya, at naalala niya muli ang araw nang dala-dala siya ni Xiaohe sa malawak na manyebeng kapatagan. Kahit sa sitwasyon na iyon, hindi tumigil si Xiaohe sa pagsabi sa kanya ng mga nakakatawa, at patuloy siyang inaalo, "Huanhuan, hindi ka mamamatay, hindi ka mamamatay. Kakagatin ko ang sino mang mangangahas na patayin ka."

"Xiaohe, Xiaohe…" Tumulo ang luha sa duguang mata ni Huanhuan. Nasasamahan ng mabigat niyang paghinga, tumulo ang dugo tulad ng sa fountain. Kahit sa medyo may malay niyang estado, umiiyak siya. Patay na si Xiaohe; pinatay siya ng lalaking iyon!

"Prinsesa! Prinsesa!" hinagkan ng babaeng heneral si Huanhuan sa mga bisig niya at umiyak na din, na para bang isa siyang tuta na kakawala lang ng kanyang ina.

"Huanhuan, anong gagawin natin pagkatapos ng digmaan?"

"Pagkatapos ng digmaan? Pagdating noon, magiging Emperor na ang kapatid ko, tapos ako ang magiging Prinsesa! Pwede kong piliin ang mapapangasawa ko mula sa buong mundo! Hahanapin ko ang pinakatalentadong lalaki para mapangasawa ko! Haha!"

"Napakamanhid! Sige, walang utang na loob na babae, hanapin mo ang lalaki mo!"

Isang matalas na sakit ang sumalakay sa kanya, tila ba mahigpit na hinawakan ng kung sino ang kanyang puso. Nang hinarangan ng dugo ang daanan ng hangin niya; susuka siya ng mas maraming dugo kapag nagbuka siya ng bibig. Sa pagkatuliro, nagmulat siya ng mata at nalilitong nagpalinga-linga. Nakita ang malawak na kalangitan, ang pulang mga bulaklak, at ang malinis na puting agilang lumilipad sa kalangitan.

Yan Bei, Yan Bei...ibinigay ko ang buong buhay ko sayo, ngunit bakit mo ako inabanduna?

Sa kalituhan niya, sumimangot ang dalaga at marahang lumingon bago siya napansin sa wakas si Chu Qiao. Nagbago ang kanyang mukha, at buong lakas na inunat ang kamay, tila ba may nais siyang dakmain. Sinusubukang pigilan ang kanyang luha, agad na hinawakan ni Chu Qiao ang kamay nito, at habang pinipigil ang kanyang luha, inalo siya ni Chu Qiao, "Huanhuan, kapit ka lang. Ililigtas ka ng manggagamot."

Buong lakas na hinawakan ni Huanhuan ang kamay ni Chu Qiao, at bigla, ibinaba niya ang kanyang kamay, at kinagat ang kamay ni Chu Qiao. Agad na tumulo ang dugo mula sa kamay ni Chu Qiao, habang ang mga nanonood ay natatakot na napasigaw. Tumingin si Chu Qiao, para lang makakit ng labis na poot sa mga mata ni Huanhuan.

"Bakit? Bakit?" desperadong sumigaw si Huanhuan kay Chu Qiao, ang kanyang bibig ay puno pa rin ng dugo at ang kanyang mata ay mapula. "Bakit kailangan mo kaming patayin? Bakit kailangan mo kaming patayin?"

"Prinsesa! Prinsesa! Si Master Chu ba iyan?" Niyakap ng babaeng heneral si Huanhuan at sinubukang patahimikin siya, ngunit wala nang naririnig si Huanhuan. Sa nababaliw na kalagayan, patuloy na sumigaw si Huanhuan, "Anong nagawa naming pagkakamali? Bakit kailangan mo kaming patayin? Wala kang utang na loob! Kasuklam-suklam ka!"

Natigilan, tumingin lang si Chu Qiao. Ang labis na sakit mula sa kanyang kamay ay biglang binalik ang alaala noong una silang nagkita. Nakatayo sa harap niya, bukas-palad siyang binigyan ni Huanhuan ng kahanga-hangang kabayo, at ikinaway ang kanyang kamao, pinilit ni Huanhuan na pagkatapos ng digmaan ay kailangan siyang dalhin ni Chu Qiao sa imperyo ng Tang. tinuro pa nga niya ang kabayong si AhTu bilang saksi. Napaka kaibig-ibig niya at walang muwang, tulad ng sariwang hangin na laging matatagpuan sa Yan Bei.

"Galit ako sayo!" bumulwak muli ang dugo sa bibig niya. Malakas na umiyak si Huanhuan, habang ang kanyang boses ay mas lumambot nang lumambot, "Xiaohe, Xiaohe…"

Xiaohe, nais kang pakasalan ni Huanhuan, ngunit saan ka nagpunta?

Xiaohe, hinanap kita. Magmabagal ka, may sugat ang binti ko. Kailangan mo akong buhatin.

Xiaohe, hindi pa ako nag-uumagahan, pwede ka bang mag-ihaw ng binti ng tupa para sa akin?

Xiaohe, Xiaohe, Xiaohe…

Naglaho na sa wakas ang boses ni Huanhuan. Nakahiga sa malamig na lupam, ang pula niyang palda ay tila namumulaklak na bulaklak. Napakabata niya, nasa 20 lang, at ang kanyang mga mata ay napakalinaw, ang kanyang balat ay napakaputi, ngunit magpakailanman siyang nakatulog sa lupain na binigyan niya ng kanyang buhay.

Tuluyang nadurog ang puso ni Chu Qiao. Sunod-sunod na alon ng pagkagulat ang sumira sa kanya. Kagat ang kanyang labi, tumayo siya doon at tahimik na tumingin sa katawan ni Huanhuan. Tila ba itinapon siya sa walang hanggang bangin.

Yan Xun, ano itong nagawa mo?

"Master!" matatag na lumapit si He Xiao, at walang emosyon na sinabihan si Chu Qiao, "Dumating na siya."

Hindi na payag si He Xiao na tawagin ang lalaki ng 'Kamahalan'. Marahang tumalikod si Chu Qiao, para lang makita na maghiwalay ang hukbo tulad ng dagat sa harap ni Moses. Ang batang emperor ay napapalibutan ng hukbo, at may itim na robang nalilinyahan ng gintong dragon, ang itim na itim niyang buhok ay nakatali. May labis na malamig na tingin, siningkit niya ang kanyang mata, at tahimik na tumingin. Dalawang taon na rin, at nakatagpo niya muli ang lalaki. Gayumpaman, pakiramdam ni Chu Qiao ay hindi pa niya nakakatagpo ang lalaki dati. Ang lalaki sa harap niya ay hindi pamilyar. Ang itsura niya, ang pagkakakilanlan, ang ugali, ang awra, wala doon ang pamilyar sa kanya. Sa puntong iyon, bigla niyang naintindihan na ang lalaking nasa harap niya ay ang Emperor ng Yan Bei, at hindi na ang kabataan na walang-wala, umaasa sa kanya sa syudad ng Zhen Huang.

"AhChu," isang malalim na boses ang umalingawngaw sa tahimik na kapatagan na nasasamahan ng malamig na hangin ang pumasok sa tainga ni Chu Qiao.

Nakatingin sa kanya mula sa malayo, hindi na masasabi ang emosyon na mayroon si Yan Xun sa mga mata niya. Dalawang taon ang lumipas sa pagitan nilang dalawa, at sa huli, nagtagpo sila sa ganoong pagkakataon. Siguro, wala itong kinalaman sa tadhana. Ang saloobin nila tungo sa buhay, at ang mga paniniwalang mayroon sila, ay matagal nang inukit sa bato ang kinalabasan na ito. Ang puso ni Yan Xun ay tila isang malawak na tigang na kapatagan, na may umuungal na hangin. Nakatingin kay Chu Qiao, tila ba may gusto siyang sabihin, ngunit sa huli, nilunok niya ang mga salita niya. May awra ng emperor, nagtanong siya, "Magiging kaaway ba kita dahil sa walang kinalaman na mga tao?"

Ngumisi si Chu Qiao.

Kung wala si Ginoong Wu, paano mo mahahawakan ang buong kayamanan ng Yan bei habang nakakulong ka pa sa syudad ng Zhen Huang, at palakihin ang sarili mong pwersa?

Kung wala si Binibining Yu, paano ka makakatakas sa syudad ng Zhen Huang at naging Hari ng Yan Bei, nangyari din na namumuno ka sa malaking parte ng mundo?

At si Huanhuan ang huling kadugo mo sa mundong ito. Pinagkatiwalaan ka niya nitong mga taon na ito, at tapat kang sinundan, at ang nag-iisa mong kapatid.

Isang araw ba, tatayo ako sa harap mo bilang isang tao na walang kaungayan?

Bukod sa malamig na ngisi, hindi niya alam kung anong ibang reaksyon ang maibibigay niya. Pakiramdam niya ay naging isa siyang manika kung saan ang puso ay nagkanda-durog-durog na, at malamig na tumingin sa lalaking ito na binigyan niya ng lahat ng kanyang enerhiya na mahalin at protektahan. Naramdaman niya lang na ang lahat ng nakalipas na alaala ay tila isang panaginip, isang ilusyon, isang kathang-isip ng kanyang walang katotothanang imahinasyon.

Ipinagpalit niya ang kanyang katapatan at pagmamahal para sa sitwasyon ngayon. Ang lalaking nangako sa kanya na mamahalin siya, poprotektahan siya sa buong buhay nito, ngayon ay itinataas ang sandata nito laban sa kanya. Pagbabantay, pagdududa, ginagamit siya, itinakwil siya—ito ang bayad nito sa kanya. Itinapon ng lalaki ang tinatawag nitong kayamanan at karangyaan sa kanya, binibitag siya tulad ng kung paano bibitagin ang aso, ngunit hindi nito alam na lahat ng materyal na kayamanan ay hindi na mahalaga kaysa sa dumi ng hayop o ligaw na damo sa isang bukid. Ang paniniwalang pinaghahawakan niya ay isa lamang ilusyon para sa lalaki, at naging isang kasinungalingan na sinabi niya sa lahat ng sibilyan. Ano naman kung siya ang Emperor? Ano naman kung ginagalang siya ng lahat? Sa kanyang mga mata, habang-buhay itong magiging lalaki na naging napakalapit sa kanya na tila isa siyang ekstensyon ng lalaki, ngunit tinraydor pa rin siya sa huli.

Sinisi siya nito na nahulog sa ibang lalaki, ngunit kung hindi siya pinilit at paulit-ulit na ginamit, mamahalin niya ang lalaki ng walang hanggan. Ang lalaki mismo ang nagtulak sa kanya palayo at pinilit siya na mapansin ang tunay na kulay niya. Paano ito naging kasalanan niya na tinraydor niya ang lalaki?

Yan Xun, sampung taon ang ginugol ko para makita ang tunay na kulay mo, pati na rin ang tunay kong nararamdaman. Ang nakaraang mga alaala ay isang alaala nalang, at wala na akong pakiramdam ng pananabik para sayo. Mayroon nalang walang katapusang pakiramdam ng lungkot at pagsisisi.

"AhChu, nakalimutan mo na ba ang nakaraan nating mga pangako?" narinig niya ang malamig na boses ni Yan Xun. Malamig na ngumisi si Chu Qiao, habang nanghahamak siyang nagtaas ng kilay at kaswal na sumagot, "Dahil inabandona mo na ang ating mga pangarap, bakit kailangan kong umalinsunod sa ating pangako?"

Sumaksak ang mga salitang iyon sa puso ni Yan Xun tulad ng tusok-tusok na palaso, nagbibigay ng labis na sakit.

Sa wakas, nasabi niya ang mga salitang iyon. Sa nakaraan, kahit na nasasaktan siya, o nakakaramdam ng poot, permanente niya itong tinago sa kanyang puso, at tahimik na hinarap ang lahat. Gayumpaman, sa ilalim ng kalangitan na ito, sinabi niya ito sa lalaki, sa wakas.

"Yan Xun, simula ngayong araw, maghihiwalay na tayo ng landas, at hindi na magkakaroon pa ng kahit anong relasyon. Kahit ano mang mangyari sayo, kung magtagumpay ka man sa mga laban mo at maging Emperor, o matalo at mawalan ng kapangyarihan, hindi magkakaroon ng kahit isang hibla ng relasyon mula sa akin. Sa parehong oras, hindi kailangan ng pagsang-ayon mo ang mga gagawin ko." Sa mga hangin na patuloy na nagngangalit, pumagaspas ang kasuotan ni Chu Qiao. May malamig na itsura, lubos siyang walang emosyon nang sinabi niya iyon. Ang kanyang tingin ay kasing lamig ng dulo ng bundok na nababalot ng nyebe, malamig na tinanggihan ang kahit anong emosyon sa mundong ito, at tinanggal ang lahat ng mga pakiramdam na iyon mula sa kanyang puso.

Sa puntong iyon, biglang napagtanto ni Yan Xun, siguro habang-buhay nang mawawala sa kanya ang babae. Nataranta siya sa kaisipan na iyon, ngunit pinanghawakan niya ang kanyang pagkahinahon, at may malalim na boses, nagtanong siya, "AhChu, paano mo nakalimutan ang nakalipas nating pinagsamahan?"

"Yan Xun, huwag mo na ulit babangitin ang salitang 'relasyon'." Malamig ang loob, tumingin si Chu Qiao sa lalaki, at kalmadong nagpatuloy, "Hindi ka karapat-dapat na usalin iyon."

Sa mabilis na paglipas ng oras, ang kanilang mga tingin ay gumawa ng kislap ng tadhana. Sa 11 taon, ang isang punla ay maaaring lumaki, at isang kapanahunan ang maaaring lumipas, hinahayaan ang pagbangon ng bagong imperyo. Walang interes ang oras sa mga emosyon, at tulad ng mainit na kutsilyo, humiwa ito sa kanilang pinagsamahan na para bang isa itong mantikilya, ginagawang parte nalang ng alaala nila ang kanilang nakaraan.

Sa puntong ito, ang pandigmang agila na lumipad sa kalangitan ay tinakpan ang araw, pansamantalang pinadilim ang mundo. Doon, ang 20,000 malalakas na hukbo ng imperyal ay inilabas ang kanilang mga sandata. Ang 9,000 hukbong Xiuli ay nakatayo sa maayos na pormasyon, at walang emosyon na tumingin sa kanila. Nagsimulang umungal ang hangin, tila kumakanta ng makalumang kantang pangritwal. May pagkauhaw sa dugo na nagtatagal sa hangin, kahit ang mga avians ay hindi na matagalan pa ang atmospera at nagsimulang lisanin ang kapaligiran. Tanging mga uwak ang masayang tumitingin, naghihintay ng pyesta matapos ang patayan.

Yan Bei, sa huli ay hindi ikaw ang nakatadhanang maging tahanan ko. Ipinaglaban kita sa lahat ng makakaya ko, ngunit iniligtas kita sa sakuna sa pagdadala ng panibagong sakuna.

Sa hangin na umiihip sa kanya, pakiramdam niya ay lumalabo ang lahat. Napakalawak ng mundo, bakit kailangan niyang ituon ang kanyang atensyon sa isang lugar lamang? Nang nagyelo na ang kanyang puso, sino pa ang makakasakit sa kanya?

AhChu, poprotektahan kita...

Isang araw, mayroong isang tao na bubulong sa kanyang tainga.

AhChu, magtiwala ka sa akin...

Ipinikit niya ang mga mata niya, at pinigil ang huling patak ng kanyang luha. Nang iminulat na niya ang kanyang mata, nalinawan na ang kanyang paningin. Sa ilalim ng malawak na kalangitang ito kung saan lumilipad ang mga agila, isang dekada ang mabilis na lumipas. Nang oras na ito, sino ang nahihirapan? At sino ang tumingin lang?

Yan Xun, paalam.

Related Books

Popular novel hashtag