Nang oobserbahan na niya ang kabilang parte, nakarinig siya ng panibagong mga yabag mula sa kabilang parte. Maaliwalas ang palasyo, sa hangin na umiihip papasok sa kanlurang pinto at palabas sa silangan. Gayumpaman, nanigas si Chu Qiao. May kaunting pagkunot ng noo, hinawakan niya ang kanyang espadang Moon Shatterer. Ngunit, bago pa niya ito mailabas, mayroon siyang guniguni na nagsimulang manginig ang espada, para bang may kinakatunugang isang bagay. Doon, isang kakaibang kagustuhan ang lumitaw sa isip niya. Bago niya mapigilan ang sarili, tahimik siyang nagtago sa kaliwang parte ng istatwa ng diyosa, at kakaunting inilabas ang kanyang ulo.
Sa nyebeng bumabagsak sa kalayuan, at sa namungang taglamig na plums, isang pigura ang lumitaw sa kanyang paningin. Sa ilalim ng palakol na pandigma sa kabilang parte ng diyosa, nakasuot siya ng malapilak na grey na balahibo ng fox na kapa na may malinis na puting panloob. Kasing tikas tulad ng dati, ang kanyang mga mata ay tulad pa rin ng nagyelong lawa, ang kanyang mga labi ay kulay pula. Siya pa rin ang parehong tao na unang makikita sa kumpol ng mga tao tulad ng dati. Sa bugso ng hangin, ang pulang plums ay dinala sa palasyo mula sa labas at lumapag sa balikat nito. Ang pagkakataong ito ay inilawan ng mapanglaw na liwanag ng buwan na suminag mula sa mga patong ng ulap. Nagulat din ito at hindi inaasahan na makakatagpo ang babae dito. Sa unang beses, hindi niya alam ang sasabihin.
Isang dilaw na ibon ang lumipad papasok sa palasyo para magtago sa nyebe. Matapos lumipad ng isang beses palibot sa lugar, dumapo ito sa balikat ng diyosa. Ang maliit nitong itim na mata ay inobserbahan ang dalawa bago nagsimulang malutong na humuni.
Tumingin ang lalaki sa kanya, habang ang tingin nito ay tumagos sa mahamog na palasyo. Nakasimangot itong tumingin na para bang may gustong sabihin. Ang magiliw na tingin ng lalaki ay lumagpas sa kanyang mahihinang balikat, ang kanyang munting leeg, ang kanyang payat na mukha, at sa wakas ay nakarating sa kanyang gulat na mga mata. Matapos ang mahabang sandali, nag-iwas ito ng tingin at tumalikod. Ang malungkot niyang anino ay naglakad tungo sa labasan sa matatag na mga hakbang, ang kanyang kapa ay winawalis ang alikabok sa sahig.
"Ang susunod na mga araw ay magkakarron ng mabigat na bagyo ng nyebe. Mag-ingat ka." Nang makarating si Zhuge Yue sa pinto, kalmadong umalingawngaw ang boses ni Chu Qiao. Ang kanyang tinig ay tulad ng isang premium na tsaa na makikita lamang sa imperyo ng Tang; nakapapawi na may bahid ng tamis.
Napatigil sa paglalakad si Zhuge Yue at tumalikod. May pagtaas ng kilay siyang nagtanong, "Hindi ka nababahala?"
Seryosong sumagot si Chu Qiao, "Nababahala, pero wala akong pagpipilian." Walang magawa siyang nagkibit-balikat at nagkunwari na sobrang nag-aalala. Gayumpaman, napaka malumanay ng tinig niya.
Isang bahid ng kahinahunan ang kumislap sa mata ni Zhuge Yue. May kalmadong boses siyang sumagot, "Huwag ka mag-alala. Ang pagpasok ko sa Yan Bei ay walang kinalaman sa digmaan."
"Mabuti naman." Ngumiti si Chu Qiao. "May maitutulong ba ako?"
"Oo," hindi inaasahan na magbibigay si Zhuge Yue ng tapat na sagot.
Nagulat si Chu Qiao dahil hindi niya talaga inaasahan na may sasabihin ito. Agad siyang nagtanong, "Anong tulong ang kailangan mo?"
"Huwag mo akong ilalantad."
Napanganga si Chu Qiao. Lubos na hindi niya inasahan na kaya talaga ni Zhuge Yue ang kaswal na sagutan. Matapos ang ilang segundo para iproseso ang mga salitang iyon, sumagot siya, "Paano ko magagawa iyon?"
Biglang masayang sumiyap ang ibon at lumipad palapit sa pugon sa gilid. Tapos ay napansin ng isa ang amoy ng lutong karne na pumupuno sa buong lugar. Naglakad si Chu Qiao lagpas sa istatwa ng diyosa, at nakita na mayroong maliit na karpet ng lamesa sa tabi, na may tansong lalagyan sa taas ng lamesa. Sa tansong lalagyan, mayroong maliit na apoy na nagluluto ng palayok ng pagkain. Sa kumukulong makapal na sabaw at karneng bumabali-baliktad sa palayok, napakabango ng amoy na nakakapagpagutom ito. Sa tabi ng palayok, may ilang plato ng sariwang karne at gulay na nakalagay sa gilid, may pilak na bote ng alak na may walong sulok na nakalagay sa pinaka tabi.
Ngumiti si Chu Qiao. Tumuro kay Zhuge Yue at nagtanong, "Aalis ka na? Magiging sakin na ito."
Pansamantalang nag-isip, naglakad si Zhuge Yue sa maliit na lamesa at umupo.walang pakiramdam niyang sinabi, "Mangarap ka." Katulad ng inaasahan sa isang tao na pinanganak na may kutsarang pilak, lumaki na may magagandang resources, kahit na nasa pinakaloob ng teritoryo ng kaaway si Zhuge Yue na may malakas na bagyo ng nyebe na namumuo, pinagpatuloy niya ang pang-araw-araw niyang ginagawa. Ang kanyang pagkain ay inihanda na ganito kahirap unawain, habang ang manipis na hiniwang piraso ng karne ng tupa ay pinaikot at pinagpatong sa plato, at ang mga sariwang gulay ay may tubig-tubig pa rin. Kahit ang kanyang chopsticks ay gawa sa purong pilak na may magandang ukit. Kumuha ng hiwa ng karne, inilagay niya ito sa kumukulong sabaw. Mabilis na nagkakulay ang karne at habang naluluto ito sa kumukulong tubig na naglalabas ng ulap ng usok.
Mayroon buong grupo ng tasa. Malinaw pa ring naaalala ni Chu Qiao ang mga gawi nito. Matagal na, kahit sa Qing Shan Court, maglalagay siya ng buong grupo ng kagamitan na pangkain kahit na mag-isa lang siyang kakain. Para bang maraming tao ang kumakain kasama niya.
Kinuha ni Chu Qiao ang bote ng alak at nagsalin ng baso para sa lalaki bago sinalinan ang para sa kanya. Nang makita iyon, napasimangot si Zhuge Yue at nagtanong, "Kailan ka pa nagsimulang uminom?" ang kanyang kamay na may hawak ng baso ay bahagyang nanginig. Tama, hindi siya masyadong umiinom ng alak. Kailan siya nagsimulang inumin ang bagay na ito na pinapalabo lang ang kanyang pag-iisip? Marahang inangat ang kanyang ulo, kalmado siyang tumingin sa lalaki. Inangat ang kanyang baso, sinabi niya, "Kahit na hindi sa akin ang alak, tagay para sayo."
Tila malalim ang iniisip ni Zhuge Yue dahil hindi man lang niya inangat ang kanyang baso, bagkus ay inobserbahan lang ang babae.
Isang lagok na ininom ni Chu Qiao ang laman ng baso niya at kalmadong sinabi, "Ang basong ito ay para pasalamatan ka sa lahat ng mga taon na tinulungan mo ako at pinakawalan."
Sa nakalipas na taon, tila ba tumangkad ulit si Chu Qiao. Ang mainam niyang mukha ay pinalamutian ng dalawang manipis at pinong kilay. Ang kanyang mata ay malaki, ngunit tila nababalutan ito ng manipis na belo para itago ang totoo niyang iniisip. Kahit may baso ng alak sa harap niya, hindi ito ininom ni Zhuge Yue, habang patuloy lang siya sa pagdagdag ng karne sa kumukulong palayok. Hindi inaangat ang tingin mula sa pagkain, nagpahayag siya, "Kumakanta ba tayo ng isang klase ng opera? Kumakain tayo, huwag kang masyadong madaming sinasabi na walang kabuluhan."
Sumimangot si Chu Qiao. "Kahit na kumakain, kadalasan ay mayroong pambungad na sasabihin."
Nagpahayag si Zhuge Yue, "Ang paghawak sa mga matatanda sa royal capital ay nakakapagod na. Wala na akong lakas para makipagsalungatan sayo dito."
Tahimik na bumulong ng reklamo si Chu Qiao bago pinulot ang kanyang chopsticks para kumain. Nang makita kung gaano siya kabilis, nagbabala si Zhuge Yue, "Ingat, maiinit yan." Bago pa man niya matapos ang kanyang sasabihin, napatili na si Chu Qiao. Halatang napaso siya. Nang makita iyon, napairap si Zhuge Yue at nagkomento, "Buti nga sayo."
Kahit na napaso siya, masarap ang lasa. Nakaupo doon, ang dalawa ay nagsimula nang mag-usap na walang tigil, ngunit hindi nagtagal ay napasailalim na sila sa pagkain. Ang buong plato ng karne ng tupa ay mabilis na nakain. Tila hindi pa rin busog si Chu Qiao habang patuloy siyang kumukuha ng pagkain sa palayok, at kinain din pati ang gulay.
"Narinig ko na tumaas ang ranggo mo? Binabati kita."
Kalmadong sumagot si Zhuge Yue, "Ayos naman. Matapos pumatay ng 10,000 sundalo ng Yan Bei, itinaas nila ang ranggo ko. Narinig ko na tumaas din ang ranggo mo?"
"Katulad din. Napatay ko ang lahat ng natitirang sundalo ng Xia sa Meilin Pass at tumaas din ang ranggo ko." Sumulyap si Chu Qiao sa kanya at nagtanong, "Narinig ko na natalaga ka bilang Chief Commandant ng Western Front, at hindi na nasa ilalim ni Zhao Che?"
"Dahil lang iyon sa kagandahang-loob ng Kamahalan. Hindi ako maglalakas ng loob na ipagmayabang iyon. Sa kabilang banda, narinig ko na ang Southwest Emissary Garrison ay natanggal na at inalis mula sa regular na tropa ng hukbo ng Yan Bei. Kahit ang kanilang mga sandata ay limitado," Kaswal na pahayag ni Zhuge Yue.
"Ang hukbo ng Xiuli ang namamahalan na bantayan ang rehiyon, at natural lamang na limitado ang aming armas. Gayumpaman, narinig ko na ang pamilya Wei ay pinadala si Wei Shuye sa Yanming Pass. Hindi ba't pagtatangka iyon na bawasan ang awtoridad mo?" ngumiti si Chu Qiao nang sinabi niya ito.
"Ang pag-asa ay hindi laging maisasalin sa mga resulta. Tama, narinig ko na si Wu Daoya mula sa Da Tong ay hinigpitan ang kanyang presensya sa syudad ng Luori, at ni hindi makadalo sa parada nitong taglamig."
"Ang kahit anong organisasyon ay magkakaroon ng alitan sa pagitan ng mga myembro. Hindi mo pa ba nararanasan iyon mismo? Sa unang pa lang, kung anong naririnig mo ay maaaring hindi ang katotohanan. Halimbawa, narinig ko na nag-iipon ng sundalo si Zhao Yang sa Southern Front, at, bilang resulta, ay nakasagabal sa progreso sa kanluran. Nag-iisip ako kung gaano katotoo iyon."
"May kasabihan na kapag inulit-ulit mo ang kasinungalingan ng sapat na beses ay magiging katotohanan ito. Lubos na sumasang-ayon ako. Narinig ko na binubuo mo muli ang Yan Bei, at itinuon ang pansin sa pangangalakal. Kahit ang mga mangangalakal ng Xia ay palihim na nagsimulang makipagkalakal sayo. Kamangha-mangha iyon."
"Nagkukunwari lang akong walang alam. Kumpara sayo, wala lang ito. Narinig ko na napakarami mong tagumpay sa mga labanan ng Caoqiu at Jinhui, nahuli ang higit 10,000 katao mula sa Ika-walong Batalyon ng Pangalawang Hukbo. Kung hindi dahil doon, maaari namin makuha ang kalamangan ng mga insidente sa hilaga ng imperyo ng Xia upang mapasok ang teritoryo ng Xia."
"Higit 300 taon nang nananatili ang imperyo ng Xia. Hindi ito isang bagay na mawawala sa isang gabi. Tama, narinig ko na ang mga taga Quanrong ay may seryosong kaso ng taggutom ngayong taglamig, na ang mga sibilyan ay libo na ang namamatay. Hindi ka ba nag-aalala na kukuhanin nila ang tsansa na ito na magsimula ng digmaan para sa mga mapagkukunan ng pangangailangan sa Yan Bei?"
"Ang kung anong mangyayari ay mangyayari. Wala nang punto sa pag-aalala. Makakapaghanda lang kami sa kahit anong maaaring sitwasyon. Saka, narinig ko na sa hilagang-silangang rehiyon ng imperyo ng Xia, ang mga taga Li Zhen ay sinusubukang kopyahin ang Yan Bei at lumalaban para sa kanilang pagsasarili. Ano sa tingin mo ang tsansa na magtagumpay sila?"
"Narinig ko na si Lady Yu ng Da Tong Guild ay nabigyan din ng walang kwentang gagampanan."
"Narinig ko na nitong nakaraang buwan ay nagbigay ang Elders Council ng Xia ng walang lamang posisyon sa pamilya ng Murong. Tunay na nakakagulat kung gaano kabilis na lumipat ang kapangyarihan."
"Narinig ko na gumawa ang Yan Bei ng bagong klaseng materyales na kayang gumawa ng sandata na mas matibay pa kaysa sa bakal. Gawa mo ba iyon?"
"Narinig ko na nilagdaan ng syudad ng Zhen Huang ang ika-46 na utos na isarado ang hangganan para higpitan ang daloy ng pagkukunan ng militar sa merkado, at maaaring mag-umpisa ng digmaan sa imperyo ng Song. Dahil ba sayo ang lahat ng ito?"
"Narinig ko na malapit ka nang magdala ng mga rasyon sa pinaka kampo ng Yan Bei. Kapag hindi dumating ang mga rasyon, mauubusuan sila ng pagkain."
"Narinig ko na pumunta ka dito para tignan ang komersyo ng Yan Bei, at para malaman ang mga pangkat na nakikipagkalakal sa Yan Bei. Kapag napatotohanan, malilipol ang mga pwersang iyon ng imperyo ng Xia."
Ang kanilang pag-uusap ay nagambala ng malakas na ugong. Ang dalawang espada na nakalagay sa karpet ay umuugong, nanginginig, para bang nararamdaman nila ang pagkabahala sa hangin. Matagal nang wala ang maliit na ibon na iyon, at tanging silang dalawa nalang ang nanatiling nakaupo, kaharap ang isa't-isa. Sumagitsit ang uling habang nagpatuloy sa pagkulo ang sabaw. Sa kumukulong sabaw, ang pulang mga sili ay tila sariwang dugo ng mga mandirigma.
Sa huli, magkaiba sila ng pinapanigan. Tila ba sinasadya nilang maglabas ng mabangis na pakiramdam para paalalahanan ang isa't-isa na magkaaway sila, hindi magkaibigan, at ang bawat isa sa kanila ay may sariling mga responsibilidad.
"Narinig ko na matapos ang bagong taon, ikaw at si Yan Xun ay magpapakasal na," inangat na ni Zhuge Yue sa wakas ang kopita niya at kaswal na binanggit.
Nag-angat din ng tingin si Chu Qiao. Kinakalma ang kanyang paghinga, malambot siyang sumagot, "Narinig ko din na ang mapapangasawa mo ay ang anak ni Heneral Le Xing."
Tumango si Zhuge Yue, "Oo, malapit na ang kasal namin."
"Tumatanda na si Heneral Meng. Sa lumalaking awtoridad ni Heneral Le Xing, magiging maliwanag ang hinaharap mo."
Ngumiti ng kaunti si Zhuge Yue. "Siguro sa susunod na makikita kita, dapat Lady ng Yan na ang itatawag ko sayo."
Umiling si Chu Qiao at seryosong sumagot, "Dahil idineklara na ng Yan Bei ang pagsasarili namin, dapat akong tawaging Reyna ng Yan."