Anak si Xiaohe ng hardinero sa sambahayan ni Yan Shifeng. Nang matalo ang Yan Bei nang taon na iyon, nahuli siya kasama ni Huanhuan. Sabi ni Huanhuan, matapang niyang sinagip si Xiaohe, na umiiyak at naihi sa kanyang pantalon, mula sa hawak ng Xia. Subalit, narinig ni Chu Qiao na isang maliit na bata ang sumagip kay Huanhuan, bitbit siya habang naglalakad ng higit 50 kilometro sa nyebe bago nahanap ang pangkat na sasagip mula sa Da Tong Guild. Mukhang ang batang ito ay si Xiaohe.
Sa malawak na nyebe kung saan may dalawang batang nawalan ng pamilya. Isa sa kanila, nasa sampung-taon-gulang, binuhat ang isa at naglakad ng higit 50 kilometro. Ito ay hindi mailarawan.
Nang bumalik siya sa aralan, hindi niya nakita so Yan Xun sa loob. Pumunta si Chu Qiao sa bahay nito at tumingin-tingin, pero walang nakita doon. Tinanong niya ang mga gwardya, na nagsabi na bumalik na ang prinsipe sa bundok.
Nasa mataas na lugar ang Lü Yi, ang sambahayan nito ay nakatayo sa pinaka mataas na tuktok ng syudad. Isang burol ang makikita sa likod ng lugar. Si Chu Qiao, nakasuot ng manto na gawa sa balat ng fox, ay bawat hakbang na umakyat sa bundok. Tumingin siya sa malayo, nakakita ng nag-iisang puno sa tuktok at napapalibutan ng mga bato sa parehong gilid na walang bakas ng damo. Nakaupo si Yan Xun sa bato. Sa gabi, mukhang mabangis ang lantang puno. Nagulat ito sa mga yabag ni Chu Qiao, dahilan para mapalingon siya. Inunat niya ang kamay tungo kay Chu Qiao at sinabi, "Nakabalik ka na."
"Oo," ilang beses humakbang si Chu Qiao, hinabol ang hininga niya, hinawakan ang kamay ni Yan Xun at umupo sa tabi nito. Tuwang-tuwa niyang sinabi, "Binigyan ako ni Huanhuan ng kabayo. Sabi niya ay ito ang hari ng mga kabayo sa kabundukan ng Huihui. Maganda ito."
"Huwag kang maniwala sa kanya," sagot ni Yan Xun. "Marami siyang pinamigay na mga kabayo nitong mga nakalipas na araw, sinasabi na hari iyong mga iyon ng kabayo sa bundok ng Huihui. Binigyan niya ako ng dalawang kabayo kahapon, sinasabi na sila ang hari at reyna. Base sa lohiko niya, ang mga kabayo sa bundok ng Huihui ay may sariling pangkat. Sila ang indibidwal na hari."
Natigilan si Chu Qiao. Umiling siya at tumawa, inaalala ang misteryosong itsura ni Huanhuan. "Ibang klaseng bata."
Tumingin si Yan Xun sa kanya mula sa gilid ng mga mata niya. "Mas bata ka sa kanya?"
Hindi siguradong sumagot si Chu Qiao, "Mas may isip ako."
Tumalikod si Yan Xun. Tumama ang liwanag ng buwan sa kanyang mukha. Pinagmukhang maputla ng hamog ang kanyang mukha. Nagtanong si Chu Qiao, "Mabuti na ba ang pakiramdam mo? Malamig dito. Bumalik na tayo."
"Wala ito, gusto ko munang maupo dito," umiling si Yan Xun, tumingin sa syudad na nasa baba niya, at kalmadong sinabi, "Noong hindi ka pa nakakabalik, hindi ako mapayapa. Ngayong nandito ka na, sa wakas ay makakapahinga na ako at matitignang mabuti ang Yan Bei."
Ang mga kabahayan sa baba ng bundok ay naiilawan. Naghari ang kapayapaan sa kahit saan sa lupain. Sa malayo, maririnig ang tunog ng kanta ng militar, dala-dala ang ilang elemento ng kapanglawan at kataimtiman. Napabuntong-hininga si Yan Xun at nagpahayag, "AhChu, mahirap ang Yan Bei. Samahan na ng pagsasalungat sa loob, hindi na ito ang dating Yan Bei. Nadismaya ka ba nitong nakaraang dalawang araw?"
Lumingon si Chu Qiao, pero hindi tumingin si Yan Xun sa kanya. Bumulong siya, "Kung ang Yan Bei ay ang dating Yan Bei pa rin, hindi natin kailangan ipagsapalaran ang buhay natin para dito."
Bahagyang kumibit si Yan Xun pero nanatili siyang tahimik.
Hinawakan ni Chu Qiao ang kaliwang kamay ni Yan Xun. Ang kamay nito ay kasing lamig ng yelo at kulang ng hinliliit. Ang natirang apat na daliri ay mahaba at magaspang at mayroong dating mga kalyo. Ang mga kalyo na nabuo mula sa pagsasanay niya ng martial arts samahan na ng mano-manong trabaho, kung saan ay hindi katulad ng isang maharlika. Mahigpit na hinawakan ni Chu Qiao ang kamay nito at inilagay ito sa harap ng bibig niya, nagbuga ng mainit na hangin sa palad nito at kinuskos ito. Tumingala siya at tumawa tapos ay sinabi, "Nang masabi ang mahirap, may mas mahirap pa ba sa atin noon?"
Lumingon si Yan Xun at nakita ang puting mga ngipin ng dalagita. Ang kanyang ngiti ay parang namumulaklak na bulaklak sa gabi. Naiisip ang nakaraan, nakaramdam siya ng bahid ng kalungkutan. Paano niya nakalimutan ang unang taon na sabay nilang nilagi sa syudad ng Zhen Huang? Lumilipad ang mga paputok sa buong syudad. May masayang pakiramdam. Sa hilagang-kanluran, sa malayong parte ng palasyo ng Sheng Jin, dalawang bata ang nakayukyok sa sira-sirang kubo, hinahanap ang lahat ng makakapagpainit sa kanila. Ang punit na mga damit, kumot, kurtina… tila isa silang pulubi noon.
Mayroong maliit na palayok sa gitna ng silid. Nang nag-umpisa sila ng apoy, patuloy sila sa pagdagdag ng panggatong. Mapula ang pisngi ng babae. May hawak siyang sandok at patuloy na hinahalo ang laman ng palayok.
Naghati sila ng tag-kalahating mangkok ng lugaw, nasasamahan ng ilang malamig na piraso ng maalat na labanos. Iyon ang kinain nila sa bagong taon. Nalulungkot sa loob-loob niya si Yan Xun at ayaw kumain. Hinawakan ni Chu Qiao ang mangkok nito at hinimok na kumain habang nangangaral tungkol sa buhay. Matapos makatulog ni Chu Qiao sa balikat ni Yan Xun, tinignan niya ang nangitim na mga kamay nito dahil sa lamig. Nakakain na ito pero patuloy sa pagkulo ang tiyan nito. Ang mukha nito ay tila kulay dilaw at mahina. Mukhang malabo na itong lumaki pa. Nang oras na iyon, nangako siya sa kanyang puso na bibigyan niya ito ng magandang buhay isang araw. Gayumpaman, maraming taon ang lumipas mula noong araw na iyon. Tumatakbo pa rin ito kasama siya, namumuhay ng delikadong buhay.
"Hala!" Balisang bulalas ni Chu Qiao.
Natigilan si Yan Xun. "Anong nangyari?"
"Nakalimutan natin inumin yung alak na binaon natin sa palasyo bago tayo umalis."
Tumawa si Yan Xun. Isang malamig at matalas na tingin ang kumislap sa kanyang mga mata. Kalmado niyang sinabi, "Huwag kang mag-alala, magkakaroon tayo ng pagkakataon." Simple lang itong salita, ngunit may dalang matalas na gilid ng espada. Tumingin sa harap ang lalaki, ang hangin ay umiihip sa kanyang ulo at tungo sa malawak na lupain ng Yan Bei.
"Yan Xun, sinabi mo na malapit nang maayos ang usapin tungkol sa rasyon at sandata. Nakatitiyak ka ba doon? Kahit na nangako si Li Ce na hahayaan niya tayong gamitin ang madilim na merkado ng Tang, kung kailangan natin ng napakarami, maaalerto ang mga nakakataas." Sa wakas ay nasabi na ni Chu Qiao ang inaalala niya na dalawang araw na niyang tinatago.
Nagtaas ng kilay si Yan Xun. Matapos ang mahabang sandali, sumagot siya sa mababang boses, "Ang imperyo ng Song."
"Ang imperyo ng Song? Bakit nila tayo tutulungan?"
"Nakita ko ang pinakamatandang prinsesa ng Song."
"Nalan Hongye!" Nagulat si Chu Qiao, ang kanyang mata ay nanlalaki. Tumingin siya kay Yan Xun at matagal na nag-isip bago sinabi, "Sa kasong ito, nang hiniling mo kay Li Ce na bigyan ka ng daan sa madilim na merkado nung nakaraan, isa lang ba iyong pangbitag? Ang totoo mong motibo ay hiramin ang tubig na daan ng hilagang hangganan para malayang makapasok sa Song?"
Tumango si Yan Xun at sumagot, "Tama ka."
Napasimangot si Chu Qiao at sinabi, "Nasa digmaan ang Tang at Song. Kapag ginawa natin ito, sinusuportahan natin ang batong-bakal at ginto ng Song. Maikokonsidera ba tayong pumapanig sa Song, sinasalungat si Li Ce sa proseso?"
"Kung gayon ay anong gagawin natin?" Lumingon si Yan Xun, may matalas na tingin sa kanyang mukha. "Ayaw ng Tang na harapang salungatin ang Xia. Hindi sila mangangahas na tustusan tayo ng rasyon at kagamitan ng militar. Wala akong ibang pagpipilian kung hindi ay humanap ng ibang mapagkukunan. Wag mo sabihing kailangan kong bumili ng rasyon sa Xia?"
Sa kabila ng pag-aatubili niya, kailangan niyang aminin na tama si Yan Xun. Dapat ay magsaya siya sa matapang na aksyon ng imperyo ng Song. Kung hindi, siguro ay makikipagnegosyo sila sa mga taga Quanrong sa Meilin Pass.
"AhChu, sa tingin mo ba ay hindi alam ni Li Ce ang motibo ko?" Napabuntong-hininga si Yan Xun at marahang saad. "Kahit gaano tayo kaingat, gaano ka-perpekto ang plano natin, toneladang mga rasyon ang papasok sa teritoryo ng Tang at iikot sa madilim na merkado kahit anong mangyari. Sa tingin mo ba ay walang malalaman si Li Ce?"
Tumingala si Chu Qiao, ang kanyang mata ay nagliliwanag.
"Nagkukunwari lang siya na hindi niya alam. Mula sa pananaw ng Tang, gusto nila ng malaki at mahabang alitan sa pagitan ng Xia at Yan Bei, para sabay na mawawala ang dalawa. Tutustusan tayo ng Song ng rasyon, kung saan ay pasado sa gusto nila. Kaya hinayaan nila na mangyari ito. Simula sa pagtayo ng tatlong imperyo, ang kalaban ng Tang ay hindi lang Song. Ang pinakamalaking panganib ay naninirahan sa Hongchuan. Tungkol sa bagay na ito, mas naiintindihan ito ni Li Ce kaysa sayo."
Napabuntong-hininga si Yan Xun at tumingin sa malayo, sa maraming naiilawan na mga bahay.
"Isa pa, hindi tayo magtatagal. Ang digmaan natin sa Xia ay pangmatagalan. Kailangan natin tumingin sa malayong hinaharap imbis na tumuon sa panandaliang pakinabang. Nakaranas ng alitan ang Yan Bei nitong mga taon na ito. Mayroon pa ring panganib ng Quanrong sa hilagang hangganan. Bawat taon, simula taglagas hanggang taglamig, mananakawan ang mga sibilyan. Masyadong maraming kawalan at kasawian. Hinintay nila ang pagbabalik ko, ngunit hindi nila alam na kapag nakabalik ako, mas malaking alitan ang sasabog. Dadagdag lang ito sa pagka miserable nila. Tama ka sa pulong nitong nakaraan. Binubuo ng mga sibilyan ang pundasyon ng hukbo ng Yan Bei. Alam ko na maraming pamilya ang walang pagkain para sa taglamig. Kapag hindi natin sila pinakain ngayong taon, lalamigin sila at mamamatay sa gutom, mas papalalain ang sitwasyon natin. Kailangan ko silang bigyan ng senyales, ng paniniwala, na hangga't naririto ako, magbabago sa ikabubuti ang kanilang buhay. Tanging dito lang sila magiging tapat sa akin."
Tumango si Chu Qiao, bahagyang naging mapanglaw. Marahan siyang sumagot, "Ganito iyon."
"AhChu, huwag ka masyadong mag-isip." Tinapik ni Yan Xun si Chu Qiao sa balikat at determinadong ngumiti. "Marami na tayomg pinagdaanan. Mas malala ba tayo ngayon o dati?"
Malamig ang hangin na umiihip sa mukha ni Chu Qiao. Ang kanyang pilikmata ay mahaba at makapal, tulad ng dalawang maliit na pamaypay. Nakangiti niyang sinabi, "Yan Xun, nagtitiwala ako sayo."
Bahagyang gumalaw ang kilay ni Yan Xun. Isang kaisipan ang kumislap sa mga mata niya pero wala siyang kahit anong sinabi. Niyakap niya si Chu Qiao at bahagyang hinalikan ang noo nito. Ang kanyang labi ay malamig at basa. Sumandal si Chu Qiao sa yakap niya, sa matigas at malawak na dibdib. Naririnig ni Chu Qiao ang tibok ng puso nito sa makapal na roba. Bawat pintig, nandoon ay determinasyon. Ang mga galaw nila ay natural, tulad ng kung paano ito nitong walong taon. Pareho silang nanatiling tahimik, ngunit ang atraksyon nila ay parang matandang alak, nilalabas ang mabangong halimuyak paminsan-minsan.
Umasa sila sa isa't-isa noong mahirap ang mga panahon. Maraming pagkakataon, ang mga pabor na ginawa nila sa isa't-isa ay ordinaryo at tila hindi bagay sa edad nila. Subalit, ang masakit nilang karanasan ay hinayaan silang gumulang ang isip. Kahit na nandoon pa rin ang kagalakan at pag-iibigan, dalubhasa itong naitago.
"Yan Xun, sino ang ipapadala ng Xia para atakihin ang Yan Bei? Meng Tian? Zhao Che? O kahit sino?"
"Matanda na si Meng Tian," may bahid ng pagkaseryoso ang boses ni Yan Xun. Sa kabila ng hangin, tila paos ito. "Para naman kay Zhao Che, may babagsak sa kanyang malaking problema."
"Oh? Bakit?"
Ngumiti si Yan Xun at pinitik ang noo ni Chu Qiao. Sinadyang mapasimangot siyang nagsalita, "AhChu, sinasadya mo ba itong gawin? Tinatanong ako ng ganitong bagay?"
Nagreklamo si Chu Qiao, hinilot ang kanyang noon, kanyang ilong, at sinabi, "Kasama kita. Ayokong gamitin ang utak ko."
Napatawa si Yan Xun. Mukhang kahit gaano kahusay ang babae, mayroon siyang pang babaeng ugali matapos ang lahat.
"Noong rebelyon dati, kinuha ng ilang lupain ang oportyunidad nila. Ilang gobernador ang kinuha ang tsansa para alamin kung gaano kalakas ang pamilya ng Zhao. Isa pa, mayroong salot na kumakalat sa Zhen Huang. Napilitan na lumipat ang pamilya ng Zhao mula sa kabisera. Unang beses ito sa daang taon na nagpakita ng kahinaan ang pamilya ng Zhao, ginawa silang pagtatawanan ng buong mundo. Tanging si Zhao Che lang ang natira para ipagtanggol ang kabisera, protektahan ang mga mamamayan niya. Isa siyang bayani, at nakuha ang panghahawakan sa hukbo at sistema ng pulitika. Habang iniisip iyon, sa karakter ng emperor ng Xia at ang uhaw sa kapangyarihan na mga kapatid, samahan na ng mga matatanda mula sa angkan ng Elders, hahayaan ba nila itong inunat ang kalamnan niya?"
Tumango si Chu Qiao at sumagot, "Tama."