Syempre, hindi makikita ni Chu Qiao at ni Zhuge Yue ang lahat ng sundalong nagtatago sa dilim. Ngayon, lahat ng sundalo ng pamilya Liu ay umatras na. Ang pinaka tolda ay napuno ng nakakabinging katahimikan.
"Xing'er!" Sumugod si Zhuge Yue. Nakataas ang espadang pinrotektahan si Chu Qiao. Sa libreng kamay ay hinaharangan niya si Chu Qiao kung sakaling magdesisyon itong sumugod.
Habang nakatingin kay "Liu Xi" na nakatago sa dilim, matatag siyang nagsalita at walang tigil, "Liu Xi, irerepresenta ko ang Da Tong at kukunin ang buhay mo. Kahit na hindi kita mapatay ngayon, ipaghihiganti ako ni Yan Xun. Lahat ng taksil ay papatayin!"
May nakakabinging sabog, isang guhit ng kidlat ang makikita sa kalangitan. Bahagyang tumawa ang lalaking nakasuot ng puti sa loob ng tolda nang nag-angat siya ng tingin para obserbahan ang malakas na ulan na binabasa ang hindi mabilang na anino sa labas ng tolda. Ang kanyang ngiti ay puno ng pait. Dapat ba siyang makaramdam ng swerte? Ang taong matagal niyang hinahanap ay nakatayo na sa wakas sa harap niya, ligtas, at may buong tiwala pa rin sa kanya. Sa kabilang banda, paano niya hahawakan ang sitwasyon na ito?
Talagang binigyan siya ng kalangitan ng mahirap hawakan na baraha!
Medyo nagulat si Chu Qiao. Ang ekspresyon at kilos ng lalaki ay napaka pamilyar. Ngunit pagkatapos ng pagpatay na naranasan niya, ang kanyang pag-iisip ay natigil na. Mayroong mga bagay na hindi niya ikokonsidera sa puntong ito.
Patuloy na nakasimangot sa lalaking nasa dilim, pinulot niya ang kanyang patalim at marahang lumapit. May whoosh na lumapit ang mga gwardya ng Yan. Ngunit sa pagkakataong ito, nagtaas ng kamay ang lalaking nakaputi at marahan itong kaliwa't-kanan na ikinumpas. Nang makita iyon, nawala sa pag-iisip ang mga tao. Ang senyas na iyon ay isang utos na pakawalan ang mga taong ito!
"Master!" nanghilakbot ang mayordomo ng pamilya Liu sa pagbabago ng pangyayari, lumapit siya at matatag na nagpahayag, "Paano namin..."
Mas bumaba pa ang temperatura ng tingin ng lalaki nang tumitig ito sa mayordomo sa galit at pagkainis, nababahiran ng kaunting kagustuhang pumatay.
Nang maramdaman ang ginaw pababa ng likod niya, sumunod sa utos si Butler Lin at hinarap si Chu Qiao at Zhuge Yue, tapos ay sinabi, "Pumayag ang Master na pakawalan kayo."
Ngayon ay si Chu Qiao at Zhuge Yue naman ang natigilan. Ang kanilang mga mata ay hindi makikitaan ng ginhawa habang puno ng suspisyon ang mga matang nakatingin sa lalaki.
Galit na napatid ang pasensya ni Butler Lin, "Alis! Kailangan pa ba namin kayong ihatid?"
"Xing'er, halika na."
Nakasimangot na hindi makapaniwalang nagpatuloy sa pagtingin si Chu Qiao sa madilim na tolda. Hinila siya ni Zhuge Yue sa kamay at matatag na sinabi, "Sundan mo ako!"
Kanina, ang tanging rason kaya inatake nila ang pinaka tolda at dahil sa istratehiya. Ngunit ngayon na pumayag na ang kalaban na pakawalan sila, kaya kahit ano pa man, wala silang rason para magdalawang isip.
Pagkatalon sa dalawang kabayo, tumalikod si Zhuge Yue. Habang nakatingin sa madilim na tolda, matatag siyang nagpahayag, "Liu Xi, kapag nahuli kita isang araw, bibigyan din kita ng dalawang tsansa para mabuhay."
Walang tugon ang maririnig sa kadiliman, ngunit nang papaalis na si Chu Qiao, isang pagod na buntong-hininga ang maririnig. Walang magagawa ang tunog ng buntong-hininga, na parang dinala nito ang natitirang lakas ng misteryosong lalaking iyon. Kasunod ng buntong-hininga ay bumulong ang lalaki, "Mag-ingat ka."
Napakababa ng boses, napakahina, ngunit narinig pa rin ito ni Chu Qiao. Nanginig ang kanyang katawan at malakas siyang lumingon. Gayumpaman, sa lahat ng sundalong humarang sa tingin niya, hindi na niya makita pa ang pigura ng lalaki.
Nililipad-lipad ng malakas na hangin ang kanyang duguang buhok. Ang masangsang na amoy ng bakal sa kanyang buhok ang pumuno sa kanyang ilong.
"Giddyup!" sinenyasan ni Zhuge Yue ang kanyang kabayo na tumakbo na.
Nakakunot ang noo, tumalikod na ulit si Chu Qiao at malapit na sinundan si Zhuge Yue. Na may kabayong tumatakbo sa maputik na lupa, mabilis silang nakaalis sa kampo.
Mukhang mas lumala pa ang bagyo, lubhang paghingal ang maririnig sa pagkatapos ng pagdanak ng dugo. Hindi makapaniwala ang mga sundalong napatingin sa isa't-isa nang makita nila ang kalaban na umalis lang ng ganoon.
"Master!" Lumingon si AhJing at balisang sumigaw, "Ang binibini iyon! Paano natin hinayaang umalis siya ng ganoon kasama si Zhuge Yue?"
"Anong magagawa natin?" Humarap sa kanya si Yan Xun at mapait na napasimangot. "Tatanggalin ko lang ba ang maskara ko at sabihin kay Chu Qiao na gawa ko ang lahat ng ito?"
Nagpatong-patong ang mga ulap habang ang walang humpay na ulan ay nagpatuloy. Ngunit kahit hindi tumigil ang ulan, oras na para ang mukhang walang katapusang gabi na ito ay matapos.
Sa loob ng kweba, silang tatlo ay namulot ng tuyo-tuyong pang-siga pagkatapos ng maraming paghahanap, at pagkatapos magsilab ng apoy, nakaramdam na din sila ng ginhawa mula sa lamig. Tinanggal nila ang panglabas na damit para patuyuin sa tabi ng siga. Pagkatapos ng walang tigil na labanan, pagod na pagod na sila sa pisikal at emosyonal. Kahit ang dating aligagang bata at nakaupo lang sa lupa at yakap-yakap ang kanyang tuhod na hindi nagsasalita.
Napaka kalmadong tumingin si Chu Qiao sa bata nang sumandal ang maliit na likod nito sa kanya. Mukhang may iniisip si Chu Qiao, ngunit mukha rin na nakatingin lang siya sa kawalan, gusto lang magpahinga.
Hindi matagalan ang nakakabagabag na katahimikan, napasimangot si Zhuge Yue at tumayo habang nagpapaalam, "Paubos na ang siga. Aalis ako at kukuha pa." At doon ay lumabas na siya ng kweba.
"Zhuge Yue!" irit ni Chu Qiao na parang nagulat.
Gulat, tumalikod si Zhuge Yue at naguguluhang tumingin sa kanya, tapos ay nagtanog, "May mali ba?"
"Hindi...wala lang." Medyo natataranta, agad na umiling si Chu Qiao. "Wala lang ito."
Nagtaas ng kilay, nagsususpetyang nagtanong si Zhuge Yue, "Sigurado ka ba? Akala ko hindi ka nasugatan."
Mahinang ngumiti, sumagot si Chu Qiao, "Ayos lang talaga ako."
Tumatangong sumagot si Zhuge Yue, "Sige, maghintay ka lang dito." Nang paalis na siya, mukhang may bigla siyang naalala. Tumalikod siya at pinaalalahanan si Chu Qiao, "Bantayan mo yung bata. Wag...wag kang maggala."
"Sige!" tumango si Chu Qiao at napatawa. "Alis na!"
Tumalikod na ulit si Zhuge Yue, ngunit nang nakakailang hakbang palang siya ay tinawag ulit siya ni Chu Qiao, "Sandali!"
Tumigil si Zhuge Yue para lang makita ang papalapit na si Chu Qiao dala-dala ang espadang Moon Shatterer. Binigay ang espada sa kanya, sinuri ni Chu Qiao ang sugat nito bago seryosong tumingin sa mga mata nito at bumulong, "Mag-ingat ka."
Gulat sa kakaibang ugali na ito, nagsusupetyang tumingin si Zhuge Yue kay Chu Qiao. Ngunit inalis niya ang iniisip at mahinahon na tumango bago lumabas ng kweba. Ngunit pagkalabas ng kweba, isang ngisi ang agad na lumabas sa kanyang mukka na parang hindi na niya mapigilan ito. Parang batang napakamot ng ilong, lumambot ang ekspresyon niya.
Nang malayo na ang nalakad ni Zhuge Yue, nakatayo pa rin si Chu Qiao sa parehong pwesto, sa kanyang mukha ay makikitaan isang kakaibang ekspresyon na parang nagpapakita pareho ng pagod at pagkakasala. Umupo siya malapit sa apoy, at habang tinatapik-tapik ang ulo ng bata ay bumulong siya, "Ang pangalan mo ay Mo'er, diba?"
Tumango lang ang bata at hindi nagsalita.
"Nalulungkot ka ba?"
Nagpasyang manahimik ang bata.
Marahang napabuntong-hininga, magaan na niyakap ni Chu Qiao ang maliit na pigura habang inaalo ito, "Alam ko, ang pangit ng pakiramdam mo."
Isang patak ng luha ang bumagsak sa kamay ni Chu Qiao habang hindi mapigilan ang iyak ng bata, "Xingxing...Xingxing..." Sumaksak sa puso ni Chu Qiao ang nasasaktang iyak habang naalala niya ang batang babaeng larawan ng sinag ng araw.
"Mo'er, namumuhi ka ba sa mga taong iyon?"
Siguro ay hindi malinaw na naintindihan ng bata ang kahulugan sa likod ng salitang "pagkamuhi", ngunit bigla niyang kinuyom ang maliit na kamao at mabangis na sinabi, "Lalaki kaagad si Mo'er at magiging bihasa sa martial arts katulad ni tiyo para mapatay ko ang mga masasamang taong iyon!"
Biglang hindi makahanap ng sasabihin si Chu Qiao. Anong masasabi niya? Ganoon ang ikot ng paghihiganti na hindi matatapos. Dapat bang sabihin niya na walang mareresolba ang pagkabayolente? Ni hindi niya matignan sa mata ang batang ito. Hindi mapigilan ang pagnginginig ng kamay niya at mas sumama pa ang naramdaman niya. Mag-ipon nalang ng lakas na himasin ang nanginnginig na likod ng bata ang tanging nagawa niya, at halos mabulunan sa umaapaw niyang emosyon, bumulong siya, "Kung gayon ay kailangan mong magsikap. Kahit na hindi mo mapatay ang kalaban, kaya mo naman protektahan ang sarili mo."
"Siguradong papatayin sila ni Mo'er!" malakas na tinaas ng bata ang kanyang kamay, tapos ay tumalikod siya at walang muwang na tumingin kay Chu Qiao at nagtanong, "Tuturuan ba ako ni ate ng mga kakayahan na iyon?"
Mapait na nakangiti, sumagot si Chu Qiao, "Simula ngayon, dapat sundin mo ang tiyong iyon, at makinig sa kung anong sasabihin niya. Maging mabait na bata ka. Aalagaan ka niya at tuturuan ng martial arts."
Kumukurap na tinanong siya ng bata ng mahalagang tanong, "Paano ka ate?"
Gulat, huminga ng malalim si Chu Qiao bago sumagot ng kunwaring pagkakaswal, "Kapag mayroong pagkakataon, pupunta ako para makita ka."
Matalino ang bata at sensitibo, agad niyang naunawaan ang ibig sabihin sa likod ng salitang iyon. Natataranta niyang hinila-hila ang manggas ni Chu Qiao tapos ay malakas na nagtanong, "Aalis ka?"
Umiling si Chu Qiao at niyakap ulit ang bata. Hindi na malinaw kung yung bata ang kinakausap niya o ang sarili nang nag-umpisa siyang magsalita. "Mo'er, ang malas mo talaga, ngunit ang swerte mo din. Pinatay ang magulang mo ng iba, at malaki ang impluwensiya at kapangyarihan ng kalaban mo. Wala ka talagang pag-asa na lumaban sa kanya. Nakatakda ka talagang mamatay, ngunit may mga tao na handa kang iligtas at protektahan kahit na wala na ang pamilya mo. Sa puntong iyon palang, maikokonsidera ka nang swerte. Ngunit sa mundong ito, mayroong mga tao na mas malas pa sayo. Ang poot niya ay mas malakas kaysa sayo, at ang kalaban niya ay mas makapangyarihan kaysa sayo. Ilang taon niyang tiniis ang pagpapahiya na walang handang tumulong sa kanya. Sarili niya lang ang maaasahan niya kahit na inaapi na siya ng iba. Dahil doon, mas malala ang poot niya kaysa sayo." Nagpahinga dito, malumanay na ngumiti si Chu Qiao at hinaplos ang ulo ng bata bago nagpatuloy, "Dahil doon, kahit anong gawin mo, patatawarin ka ni ate, dahil nakita ko ang pinagdaanan mo, at alam ko kung bakit naging ganito ka ngayon. Ngunit kapag may mali kang ginawa, iisip ng paraan si ate para pigilan ka."
"Ate!" tawag ng bata. "Hindi gagawa ng mali si Mo'er! Makikinig ako kay ate kahit anong mangyari!"
"Mabait na bata, hiling ko na sana matandaan mo ang sinabi mo ngayon." Bumuntong-hininga si Chu Qiao.
Sa lagutok ng sanga sa apoy, namatay ang usapan at nagsimulang antukin ang bata. Gamit ang tuyong damo bilang higaan, inilagay ni Chu Qiao si Mo'er sa ginawang higaan. Hindi nagtagal, mahinang hilik mula sa bata ang maririnig.
Mapanglaw na nakatingin sa natutulog na mukha ng bata, lumubog sa pag-alaala si Chu Qiao. Sa nakatadhanang araw na iyon pagkatapos ng pagpatay, sa sirang kubo na may tumutulong bubong, kasama ang maputlang kabataan kung saan ang pagkunot ay malalim na nakaukit sa kanyang noo, buong determinasyon silang paos na sumigaw, "Mabuhay, kahit na kailangan nating mabuhay tulad ng aso."
Sa isang kurap, maraming taon na ang lumipas.
Pumulot ng sanga, nagsulat siya ng ilang salita sa lupa. Madiin na sumusulat, para bang ibinubuhos niya ang lahat ng emosyon sa ilang salita. Sa wakas, huling beses siyang sumulyap sa kwebang ito at tumingin sa bata. Huminga siya ng malalim nang nilisan niya ang kweba na hindi lumilingon!
May malakas na halinghing, umalingawngaw ang tunog ng yabag ng kabayo at agad na nahugasan ng malakas na buhos ng ulan.
Hindi nagtagal ay bumalik si Zhuge Yue. Nakahuli din siya ng kuneho. Nakangiti nang pumasok ng kweba, magsasalita na dapat siya nang natigilan siya.
"Bata! Bata!" inalog-alog ni Zhuge Yue ang bata para magising.
Kinukusot ang mata, inaantok na sumagot si Moe'er, "Tiyo..."
Makikitaan ng pag-aalala ang kanyang mukha, madaling nagtanong si Zhuge Yue, "Nasaan si Xing'er? Saan siya pumunta?"
"Ate?" napasimangot ang bata at naguguluhan. Tumuro sa lugar kung saan nakaupo si Chu Qiao bago siya nakatulog, at sinabi, "Nandoon si ate. Eh? Nasaan si ate?"
Agad siyang binitiwan ni Zhuge Yue at tumakbo palabas ng kweba. Katulad ng naisip niya, isa sa mga kabayo ang nawawala.