Chapter 46 - LUMIPAT SA?

Bahagyang namanha si Xia Zhi habang nakatayo sa harap ng magandang villa. Si Chengwu naman ay gulat na gulat dahil alam nya ang villa na ito, hindi ba at ito ang dating tahanan ng Xia Family?

Bakit sila dinala dito ni Xinghe?

Nagkamali ba siya ng liko sa dinaanan nila?

Nagpaliwanag si Xinghe ng mapansin niya ang ekspresyon ng mga ito, "Tiyo, ang villa na ito ay talagang akin. Ngayon na nabawi ko na ang aking memorya, natural lamang na bawiin ko na ito."

"Pumayag si Wu Rong na mabawi mo ito?" Ito ang sumorpresa kay Chengwu.

"Pangalan ko ang nakalagay sa ownership certificate kaya kailangang niyang ibalik kahit ayaw niya. Pinalayas ko na siya. Kaya mula ngayon, ito na ang magiging tahanan natin. Tara na, pumasok na tayo," paliwanag ni Xinghe.

Initulak pabukas ni Xinghe ang pintuan at naglakad papasok.

Inaalalayan naman ni Xia Zhi si Chengwu at ang dalawa ay mabagal na naglakad papasok sa villa. Kinailangan pa nila ng ilang sandali para iproseso ang bomba na inilaglag ni Xinghe.

Nagawang mapalayas ni Xinghe si Wu Rong at ang villa na ito ay ang magiging tahanan namin mula ngayon?

Nananaginip ba ako?

Pakiramdam nila ay nasa maling lugar sila sa sala na may magarbo at mamahaling kasangkapan. Akala nila ay bumibisita lamang sila sa bahay ng ibang tao.

Napanganga si Xia Zhi sa kabiglaanan habang tinatanggap niya ang lahat. Nag-aalangan na nagtanong siya, "Ate, ang sabi mo lahat ng nandito ay pag-aari mo?"

Sumagot si Xinghe sa seryosong tono, "Hindi, lahat ng naririto, kasama ang bahay ay atin, hindi akin. Titira na tayo dito hanggang sa natitirang bahagi ng buhay natin."

Naantig ang damdamin ni Xia Zhi. Nararamdaman niya ang mga luhang namumuo sa kanyang mga mata.

Naantig din ang puso ni Chengwu pero nag-aalala siya sa realidad.

"Xinghe, kahit na napalayas mo na si Wu Rong, nag-aalala ako na hindi niya ito agad-agad papalampasin."

Agad na sumagot si Xinghe ng, "Kung pupunta siya dito para manggulo, ako mismo ang personal na magpapalayas sa kanya!"

Marami siyang sama ng loob laban sa matandang babae na iyon. Kung hindi lamang nito sapilitang inangkin ang lahat ng dapat ay kanila, hindi dapat sila naghirap ng maraming taon.

Maituturing na magaan na parusa ang pagpapalayas lamang dito.

Bahagyang ngumiti si Xinghe, "Huwag kang mag-alala, malapit ko na ring bawiin ang lahat ng ari-arian na nararapat sa atin."

"Ate, tandaan mo na isasama mo ako, gusto kong personal na makita lahat ng iyon!" masigasig na sabi ni Xia Zhi. Hindi niya maipaliwanag pero naniniwala siya na lahat ng sinabi ni Xinghe, lahat ng iyon ay mababawi nito.

"Makakaasa ka," pangako ni Xinghe. Pagkatapos noon ay inilihis nito ang usapan, "Tiyo, ikaw ay nagpapagaling na pasyente kaya pumasok na ho kayo sa inyong silid. Pansamantala muna na doon ka sa ibabang kwarto para hindi ka mapagod sa pagpanhik."

"Ayos na ang lahat?" tanong ng nasorpresang si Chengwu.

Ginagap ni Xinghe ang kamay niya at inalalayan sa kanyang silid, at tumango, "Opo, humingi na ako ng tulong sa paglinis ng ating bahay, ang mga bagahe natin ay narito na din."

"Salamat…" lubos na pasasalamat ni Chengwu, punung-puno ng emosyon kaya hindi na ito makapagsalita pa.

Tinulungan siya ni Xinghe na makahiga sa malambot na kutson. Iginala niya ang paningin sa malawak na silid at sari-saring emosyon ang naramdaman ng kanyang puso.

Mula ng nagkagulo ang lahat, hindi na sila nagkaroon ng pagkakataon na makatulog sa marangyang silid.

Ngayon na nakabalik na sila sa dati nilang tahanan, nakaramdam siya ng saya na may halong kaunting lungkot.

Lungkot dahil marami na silang pinagdaanan gawa ng malupit na kapalaran, at saya dahil sa magandang kapalaran na nagbabalik na ng dati nilang buhay.

Sinamahan siya ni Xia Zhi at Xinghe sa kanyang silid para magkuwentuhan at magbalik-tanaw. Umalis lamang ang dalawa ng nagsisimula ng lumaylay ang talukap ng kanyang mga mata.

Si Xia Zhi naman ay kinuha ang tsansang ito na maingat na ikutin ang villa. Palagi niyang binibisita ang villa na ito noong siya ay musmos pa, pero hindi niya inakala na darating ang isang araw na dito na siya titira.

Napabuntung-hininga siya ng may emosyon.

"Ate, akala ko ay hindi na kami makakaalis sa maruming apartment na iyon sa buong buhay namin pero ngayon, nakatira na kami sa villa. Sabihin mo sa akin na nananaginip lamang ako…"