"Inaasahan na ito, iba na ako mula sa dating ako. Isa ako sa tatlong tao na sumama sa pakikipagsapalarang ito. Maliban sa inyong dalawa, wala ng makakapagsabi na nangahas silang gawin ang paglalakbay na ito," mayabang na sabi ni Sam.
"Tama, hindi ka na nagkamali doon. Mahusay ang ginawa mo, at malaki ang itinulong mo," sumasang-ayon na sabi ni Xinghe.
Umaasang sinabi ni Sam, "Sa tingin mo ba ay bibigyan ako ng parangal katulad ng medalya ng United Nations? O kaya ay isang pwesto o kaya ay pera?"
"Ano sa tingin mo?" Lumingon si Xinghe para magtanong kay Mubai.
Nagsalita si Mubai ng may pilyong ngisi, "Ang tanging naaalala ko ay may isang taong nagsabi na hindi siya hihingi ng kahit na ano maliban sa maging parte ng pakikipagsapalaran na ito bago tayo umalis sa Earth."
Hindi makapagsalita si Sam. Bakit ba sinabi pa niya ang komentong ito sa oras na iyon?!
Gayunpaman, patuloy na kinukumbinsi ni Sam ang kanyang sarili, "Dapat ay maparangalan ako ng kahit na ano, dahil isa akong bayani."
Kung pinag-uusapan ang salitang bayani, pakiramdam ni Sam ay kumukulo ang kanyang dugo. Tulad ng bawat batang lalaki, ang kanyang pinakahihiling noong bata pa siya ay ang maging bayani na nagligtas sa mudo, at nagawa nga niya ito!
"Palalampasin ko na ang gantimpala!" Biglang tumayo si Sam para ianunsiyo, "Ano pa ang gantimpala kung ikukumpara sa katotohanan na nagawa kong matupad ang pangarap ko? Gaano karaming tao sa mundo ang nagkaroon ng pagkakataon na magawa iyon? Sino ang makakapagsabi na ang pangarap kong maging bayani ay magkakatotoo? Alam kong espesyal ako, nakita mo, na isa akong kahanga-hangang tao."
Nagkatinginan sina Xinghe at Mubai na may panunukso sa kanilang mga mata. Hindi nila pinagtawanan si Sam dahil ang kontribusyon nito ay karapat-dapat na marespeto, at talagang natupad nga nito ang kanyang pangarap. Hindi lamang siya, maraming tao ang tumulong na maresolba ang krisis na ito na kinaharap ng Earth. Sa madaling salita, ito ay dahil sa sakripisyo ng napakaraming tao na ang krisis na ito ay magagawa nilang maresolba.
Kaya naman, hindi mayabang na inisip ni Xinghe na iniligtas niya ang mundo. Kinatawan lamang niya ang mga pwersa na naghahangad ng kapayapaan sa mundo…
Isa pa, sila ni Mubai ay hindi interesado sa mga pabuya tulad ng katanyagan o pera.
…
Hindi nagtagal ay dumating si George na kasama ang mga tauhan niya. Sina Ee Chen, Ali, at ang mga kaibigan nila ay sumama din. Ang ere sa kapaligiran ay masaya nang makita nila ang grupo ni Xinghe na ligtas.
Nang makita nila ang grupo ni Xinghe, namuo ang luha sa kanilang mga mata, na tila matagal na ang kanilang huling pagtitipon. Nagkalayo lamang sila ng mas mababa pa sa sampung araw, pero tila ilang dekada iyon.
"Xinghe, ang galing ninyo, ipinagmamalaki kita!" Tuwang sabi ni Ali.
Bago pa nakapagsalita si Xinghe, bahagyang itinaas ni Sam ang kanyang baba at nagyabang ito, "Ngayon ninyo nalaman kung gaano kahusay ang kuya ninyo!"
Pakutyang sumagot si Ali, "Ang tinutukoy ko ay si Xinghe, at hindi ikaw."
"Po-tay-to, po-tah-to, pero huwag kang mag-alala, nararamdaman ko ang paghanga mo sa akin," makapal ang mukhang sinabi ni Sam. Kahit na ang mga tao ay binibiro siya, walang hindi pumansin sa kanya dahil nararapat lamang ito sa mga papuring ibinabato nila dito.
Pinangunahan ni George ang mga tauhan niya para suriin ang pulutong ng mga spaceship, at pumunta din ito para batiin si Shi Jian at ang mga tauhan nito na nagmula sa buwan. Pagkatapos ay buong respetong sinabi niya kay Xinghe, "Miss Xia, ang mga kotse ay handa ng lahat, maaari na tayong umalis anumang oras ngayon."
Nagtanong si Xinghe, "Nahanap na ba ninyo ang lahat ng mga spaceship?"
"Huwag kang mag-alala, ang lahat sa kanila ay nakita na. May mga taong nakatalaga para salubungin sila."
Tumango si Xinghe. "Mabuti, kung gayon ay aalis na tayo ngayon."
"Sige!"
At ganoon na lang, ang grupo ni Xinghe ay sumakay na sa mga kotse at umalis na sa eksena.