Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 725 - Ibunyag Sila

Chapter 725 - Ibunyag Sila

"Ikaw…" hindi makapagsalita sa galit si Elder Shen.

Inaatake siya ni Chui Ying na tila isang biktima, kaya naman halos lahat ay kakampi nila. Kahit na gaano pa hindi makatwiran ang hiling ni Chui Ying, pakiramdam nila ay makatwiran ito. Kung anupaman, pakiramdam nila ang Shen family ang hindi makatwiran. Iniisip nila na dapat ay hindi trinato ni Elder Shen sina Shen Ru at Tong Yan ng hindi patas. Ang kanyang pagkiling sa iba ay nagpapakita ng hindi maganda.

Ito ang talagang plano ni Chui Ying. Nagawa nilang makapaghiganti laban kay Xinghe at Elder Shen habang nasa kanila ang suporta ng mga tao. Gustong ipaliwanag ni Elder Shen ang sarili, pero hindi niya magawa.

Ang makita ang nahihirapang anyo at galit nito ay nagbigay ng kasiyahan sa kalooban nina Shen Ru at Tong Yan. Sa parehong pagkakataon, ang galit nila laban dito ay lalong sumidhi. Paano siya naging malupit para putulin ang ugnayan mula sa kanila pero hindi ito pumapayag na gawin ang kaparehas kay Xia Xinghe?

Ang hindi patas na pagtratong ito ang nagpatangis ng mga ngipin sa galit nina Shen Ru at Tong Yan.

Masungit na nagtanong agad si Shen Ru, "Ama, talaga bang hindi ka pumapayag na palayasin si Xia Xinghe, ay dahil sa may malaswang namamagitan sa pagitan ninyong dalawa?"

"Ano'ng kalokohan ang pinagsasasabi mo?!" Malakas na sumigaw sa galit si Elder Shen bago siya nakaramdam na mawalan ng ulirat mula sa pagtaas ng presyon ng kanyang dugo.

Hindi siya pinansin ni Shen Ru at nagpatuloy ito sa pagsigaw, ang totoo, ang hiling niya ay mamatay na ang matandang ito sa lugar na iyon, "Kung hindi, bakit hindi ka pumapayag sa hiling ni Ying Ying? Sa nakikita ko, kayong dalawa ay…"

Bago pa makatapos si Shen Ru, nakaramdam siya ng sampal sa kanyang mukha. Natigilan si Shen Ru sa biglaang sampal na ito. Nanlaki ang kanyang mga mata sa pagkagulat at ang mga nasa silid ay natigilan din.

Si Xinghe ang sumampal sa kanya…

"Ikaw, nangahas kang atakihin ako?" Hindi makapaniwalang tanong ni Shen Ru, ang galit na nagliliyab sa kanyang mga mata ay sapat na para magunaw ang buong mundo.

"Xia Xinghe, ikaw na p*ta ka, pangahas kang pagtaasan ng kamay ang aking ina? Hindi kita mapapatawad!" Nagmamadaling tumungo si Tong Yan patungo dito sa galit, handang ibalik kay Xinghe ang sampal. Mabilis na umabante si Ali para itulak ito pabalik. Kahit si Mubai ay binantayan at tumayo sa harapan ni Xinghe, hindi nagbibigay ng kahit na anong pagkakataon na masaktan ito.

Puno ng galit na humiyaw si Chui Ying, "Ikaw na babaeng Xia, paano mo nagawang pisikal na atakihin ang ibang tao? Isa ka talagang babaeng walang alam na batas at isang barbaro!"

"Ang mga may maduduming bibig ay nararapat lamang na sampalin." Matalas na tingin ang ipinukol sa kanila ni Xinghe at ibinunyag ang kanilang intensiyon ng walang pasubali. "Kayo ng grupo ninyo ay hindi lamang may maduduming bibig kundi marurumi din ang inyong puso. Mula sa simula pa lamang, pinagpaplanuhan na ninyo ang sandaling ito, para maghiganti laban sa akin at sa kaparehong pagkakataon ay dumihan ang pangalan ng Shen family. Maaaring hindi maintindihan ng iba ang mga pandaraya ninyo pero malinaw ito na tila sikat ng araw sa aking mga mata. Ang lahat ng inyong kalungkutan at pighati ay isa lamang palabas para makakuha ng simpatya para naman mabigyan ng katwiran ang paghihiganti ninyo laban sa amin, tama ba ako?"

Nahintakutan ang grupo ni Chui Ying. Siya… ay tama sa lahat ng mga ito.

Ang mga salita ni Xinghe ay nakatulong din na kumalma si Elder Shen dahil tila ang lahat ng mga ito ay nasa kontrol ng kanyang step granddaughter.

"Kalokohan! Ito ay dahil sa hindi kayo makatwiran at hindi patas kina Auntie Ru at Little Yan kaya kinailangan kong makaisip ng ganitong kahilingan!" Nagmamalinis na sagot ni Chui Ying. "Ito ay dahil sa inakit mo si Grandfather Shen kaya naman naging masama ang trato niya sa kanila kaya kinailangan kong makialam! At ang isang taong tulad mo ay kailangang maturuan ng leksiyon at nararapat lamagn sa iyo na masipa paalis ng Shen family dahil wala kang karapatan sa mga bagay na natural na pag-aari nina Auntie Ru at Little Yan!"

"Wala akong karapatan?" Tuya ni Xinghe, "Kung wala akong karapatan, sa tingin mo ba ay may pakialam pa ako kung mananatili sila sa Shen family o hindi? Kung wala akong karapatan, sa tingin mo ba ay hahayaan ko si lolo na lumayo sa kanila? Sasabihin ko sa iyo ngayon, ako, si Xia Xinghe ay may karapatan para manatili at iutos na lumayas sila sa Shen family!"

Natawa si Chui Ying sa harapan ni Xinghe. "Isa ka talagang babae na walang hiya. May karapatan ka?! Sige, sabihin mo sa akin kung gayon, ano ang nagbibigay sa iyo ng karapatan para maging ganito kakapal ang mukha?"