Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 669 - Tanungin Siya para Magpakasal

Chapter 669 - Tanungin Siya para Magpakasal

Alam ni Elder Xi kung kailan siya aatras, kaya naman tumango siya. "Sige, desisyon naman ninyo ito dapat. Naniniwala si Lolo sa inyong dalawa."

"Salamat." Sagot ni Mubai nang may ngiti, nagpapasalamat sa pang-unawa ng kanyang lolo. Tumingin si Xinghe kay Mubai, ang kanyang mga mata ay tila ipinapakita din ang kanyang pasasalamat. Nagpapasalamat siya sa pag-unawa nito sa kanyang pagtanggi, nang walang hinihinging dahilan mula sa kanya.

Hinablot ni Mubai ang kanyang kamay at lumapit para ibulong sa kanyang tainga, "Hindi ako ganoon kabuti, kailangan mong ipaliwanag sa akin ang lahat kapag nakauwi na tayo mamaya, okay?"

Kapag walang makatwirang paliwanag, hindi siya magpapaubaya basta-bata. Sinadya ni Mubai na magbigay ng isang pilyo at mapanganib na ngisi habang nakatitig kay Xinghe.

Bahagya namang tumango at ngumiti si Xinghe bilang ganti. Pakiramdam niya ay kailangan din niyang magpaliwanag dito.

Nang makarating na sila sa Hills Residence, hinila ni Mubai si Xinghe patungo sa kwarto.

"Sabihin mo sa akin, bakit ayaw mo pang magpakasal? Ano ba ang pinag-usapan ninyo ni Miss Xie ngayon?" Tinitigan siya ni Mubai at direktang nagtanong. Hindi siya tanga, alam niya na may kinalaman sigurado ito kay Xie Xiaoxie. Mukhang may nalaman si Xinghe mula dito. Tumango si Xinghe at ipinaliwanag ang lahat sa kanya.

Sumeryoso ang mukha ni Mubai. "Naniniwala ka talaga sa usapin ng katapusan ng mundo na ito?"

"Sa una, hindi ko ito masyadong pinapansin, pero ngayon, sa tingin ko ay hindi ko na ito maaaring ipagsawalang-bahala. Nabanggit na ito ni Ye Shen at ngayon ay binanggit din ito ni Xie Xiaoxi, kaya naman kinakailangan na ito ng malalimang imbestigasyon."

"Sang-ayon ako, dahil mukhang may kinalaman ito sa enerhiyang kristal na nangangailangan ng marami pang pananaliksik," pagsang-ayon ni Mubai.

Nagpatuloy pa si Xinghe, "Kaya naman, kinakailangan kong malaman ang pinakadulo nito sa lalong madaling panahon, kung hindi ay natatakot ako na may seryosong sakuna na mangyari nga. Magiging huli na ang lahat na kumilos pa kung ganoon. Isa pa, gusto ko ding mahanap ang aking ina."

"Okay, tutulungan kitang gawin ang lahat ng iyan!" Pangako ni Mubai ng walang bahid ng hesitasyon, kahit na siya mismo ay hindi pa kumpletong naniniwala sa usaping sci-fi na ito. Gayunpaman, kung ito ang bagay na gusto nitong gawin, susuportahan niya ito ng lubusan.

Nagpapasalamat si Xinghe sa tiwala at suporta nito. Niyakap niya ito at sinabi, "Kapag tapos na ang lahat ng ito, magpapakasal na tayo."

Nanginig si Mubai. Ito ang unang beses na aktibong binanggit ni Xinghe ang ideya ng kasal.

Hinablot niya ang mga balikat nito, bahagya itong itinulak at pinakatitigan ang mga mata, "Hindi ka naman nagbibiro, hindi ba?"

Tumango si Xinghe. "Siyempre, hindi ako nagbibiro."

"Dahil ipinangako mo na iyan, ako lang ang pwede mong pakasalan hanggang nabubuhay ka, wala nang atrasan!" Pautos na sambit ni Mubai ng parang isang bata.

Hindi maiwasan ni Xinghe na hindi matawa ng kaunti. "Hindi ako aatras, hanggang hindi mo pinagsisisihan ang desisyong ito."

Lumawak ang ngiti ni Mubai. "Bakit ko naman pagsisisihan ang pinakamagandang desisyon na ginawa ko sa buong buhay ko?"

Matapos nito, hinila niya ito para yakapin at marubdob na hinalikan. Kanina, napupuno ng takot at pag-aalala ang kanyang puso, pero sa ngayon, ang lahat ng mga iyon ay nawala.

Naniniwala siya na may isang salita si Xinghe. Dahil nangako ito na pakakasalan siya, hindi nito babawiin ang sinabi.

Sa wakas, pakiramdam niya ay nawala na ang mabigat na batong dumadagan sa kanyang puso dahil sa wakas ay kanya na ito, nararamdaman niya ang puso niya na nalulunod sa kasiyahan.

Habang mas iniisip niya ito, mas lalo siyang nasasabik at mas lalong lumalalim ang paghalik niya dito. Gusto niyang halikan ang bawat pulgada ng katawan nito, pero sa sandaling iyon, biglang tumunog ang telepono ni Xinghe!