Matapos nilang makuha ang address, mabilis na tinungo nina Mubai at ng iba pa ang lokasyon. Nang makita ni Mubai ang lugar, ang mukha niya ay kasing lamig ng taglamig. Ang pintuan sa basement ay naalis at sa lugar nito ay isang bagong tayong pader!
Ang semento ay papatuyo pa lang kaya naman makikita na kagagawa lamang nito. Ito ba ang maliit na leksiyon na sinasabi ni Tong Yan?
Kailangan pa bang iselyado ang basement para sa isang maliit na leksiyon?
Halata naman na ninanais nitong patayin at itago ang katawan!
Ang mga daliri at boses ni Mubai ay nanginginig habang iniuutos niya na, "Wasakin ninyo iyan! Wasakin ninyo agad!"
Natatakot siya na may masama nang nangyari kay Xinghe; natatakot siyang makita kung ano ang ibubunyag ng nasirang pader…
Ang isiping ito ang nagpabilis ng paghinga ni Mubai at nagsisimulang dumilim ang kanyang paningin. Kung talagang may masamang nangyari kay Xinghe, sumusumpa siyang isasama niya ang lahat patungong impiyerno para samahan ito sa kamatayan; wala ni isa sa mga ito ang makakaligtas!
Ang puso ni Mubai ay nag-aalab sa sobrang galit na sa tindi ay kayang lunukin ang buong mundo.
Si Madam Presidente, na nakatayo sa tabi nito, ay nagsimula nang mag-alala. Nararamdaman niya ang nakakahilakbot na presensiya ni Mubai, kaya naman nag-aalala siya na may masama nang nangyari kay Xinghe. Ang katotohanan na si Tong Yan ay may gagawing ganito kalupit ay nagpailing na naman sa kanya sa pagkabigo dito. Umaasa siya na sana ay ayos lamang si XInghe, kung hindi ay si Tong Yan… ay siguradong pagbabayaran ito ng buhay nito o higit pa dito!
Nangahas si Mubai na pagbantaan ang presidente, kaya maiisip mo na kung ano ang gagawin niya kay Tong Yan.
Siyempre, maliban sa kapakanan ni Tong Yan, sinsero ding nagdarasal si Madam Presidente na sana ay ligtas si Xinghe, kung hindi ay masisira ang katahimikan ng City A na tila nayanig sila ng isang lindol.
Sa ilalim ng kinakabahang tingin ng lahat, ang pader ay mabilis natibag. Sa sandaling nakita na nila ang entrada, si Mubai, na nakaupo sa kanyang wheelchair, ay mabilis na tumayo na tila isang malusog na tao. Nagmamadali itong bumaba sa kadiliman, halos madapa na sa hagdanan.
Halos hindi makahabol ang mga pulis sa liksi nito. Gamit ang ilaw ng flashlight ng mga pulis, napansin ni Mubai ang isang nakapinid na silid. Ibinagsak niya ang bigat ng katawan sa pintuan at sumigaw, "Xia Xinghe, naririnig mo ba ako?!"
Isang nanghihinang Xinghe na nakasandal sa pader ay biglang narinig ang boses niya at naisip na baka nagha-halusinasyon na siya.
Parang boses ni Xi Mubai iyon? Pero paano ito naging posible?! Hindi ba't wala pa din siyang malay?
"Xinghe!" Sigaw ulit ni Mubai habang malakas nitong sinipa ang pinto. Bumukas ang pinto at ilang searchlight ang pinailawan ang silid.
Agad nilang nakita si Xinghe sa isang sulok. Tinitigan siya ni Mubai ng walang kurap habang nanlalaki ang mga mata nito.
At si Xinghe, habang hinaharap ang nakakasilaw na searchlight, ay tila naaaninag ang malabong pigura nito. Matagal siyang nanatili sa dilim kaya naman ang biglaang liwanag ang nagpasakit ng kanyang mga mata.
Naningkit ang kanyang mga mata at mahinang umungol, "Ayos lang ako."
Ayos lang ako.
Ang maiksing pangungusap na ito ang nagpaluha ng lubusan kay Mubai at lumusaw ng ereng gustong pumatay na bumabalot sa kanya na tila isang baluti.
Maingat siyang lumakad patungo kay Xinghe hanggang sa natatakpan ng kanyang malaking katawan ang liwanag at nabalot si Xinghe ng kanyang anino.
Sa wakas ay nabuksan na ni Xinghe ang kanyang mga mata para makakita ng maayos. Si Xi Mubai nga pala ito talaga; hindi niya ito halusinasyon.
Nakakatayo na siyang muli…