Mukhang maling tao ang kanilang napuntirya!
"Hindi ito si Xi Munan!" Isa sa mga assassin ang nasorpresang napahiyaw.
"Paano tayo nabuking? Atras na ngayon, bilis!" Mabilis na nagpulasan sa eksena ang ilang assassin, pero biglang bumalik ang surveillance. Tumunog agad ang sirena!
Sa isang kisapmata, ang lahat ng guwardiya ay naglabasan. Inilabas ng mga assassin ang kanilang mga baril sa pagkataranta at nagsimulang magpaputok.
Ang mga putok ng baril ang pumunit sa katahimikan ng gabi.
Si Munan ay nasa kanyang silid nang marinig niya ang sirena at mga putok ng baril. Tumingin siya sa labas ng bintana ng may seryosong ekspresyon, pero wala siyang alam kung ano ang nangyari. Gayunpaman, hindi nagtagal ay nalaman din niya.
…
Sa mga assassin, dalawa ang napatay agad-agad habang ang ilan pa ay nahuli ng buhay. Matapos ang ilang pagtatanong, isiniwalat nila ang kanilang plano na tangkang pagpaslang kay Xi Munan. Gayunpaman, wala silang alam kung bakit napuntirya nila ang maling target. Sa puntong ito nalaman ng mga pulis na ang mga ito ay hindi propesyonal na mamamatay-tao ngunit mga tauhan lamang ng makapangyarihang tao.
Ang kanilang dahilan na puntiryahin si Munan ay nakakagulat din. Ito ay dahil si Munan ang kanilang kasosyo at alam ang kanilang kabuhayan. Natatakot sila na baka ilaglag sila ni Munan, kaya nagdesisyon sila na tapusin ang buhay nito.
Alas, pumalpak ng husto ang kanilang plano.
Isinuko ng mga taong ito ang lahat noong tinatanong sila, ngunit may isang bagay silang itinago, ito ang katauhan ng kanilang boss. Tumanggi silang sabihin kung sino ang tao na nag-utos na ipapatay si Munan.
Tila ba natatakot sila sa ugali nito, kung sino man iyon.
Sinabi nila na may katibayan sila na si Munan ang kanilang kasosyo sa negosyo ng pagbebenta ng armas militar dahil nakipagtulungan sila dati sa militar pero wala silang alam kung sino ang tagaloob. Pero ngayon ay sigurado na sila na si Xi Munan ito.
Nang hinihingi sa kanila na ipakita ang kanilang ebidensiya, wala silang maipakita. Gayunpaman, sumumpa sila sa kanilang mga sinabi dahil ang kanilang pinuno ang nagkumpirma na ang kasosyo ay si Munan!
Siyempre, lubos ang kanilang tiwala sa balitang ito kung hindi ay hindi nila susuungin ang panganib para lamang patayin ito sa loob ng detention center. Isa pa, ang mga taong ito ay may bulag na pagtitiwala sa kanilang pinuno, naniniwala sila na ang pinuno nila ay hindi nagsisinungaling sa kanila.
At dahil dito, panibagong kaso na naman ang napataw sa ulo ni Munan. Nang marinig niya ito, handa na siyang murahin ng husto hanggang magiba ang bahay.
"Maniniwala kayo sa kalokohang ito ng ganoon na lamang?" Tanong ni Munan sa hepe ng pulisya na bumisita sa kanya ng may sarkastikong ngiti, "Dahil sa sinabi nila na ako ang kasosyo nila, totoo na agad? Kung gayon ang kaso, maaari nilang pagbuntunan ang kahit na sino at ang taong iyon ay huhulihin ninyo?"
Seryosong nagtanong ang hepe ng pulisya, "Kung hindi ikaw, bakit sinuong nila ang panganib na magpunta dito para patayin ka?"
"Dahil mayroong taong pinipilit na idiin ang kasalanang ito sa akin!"
"Sino ba iyon?"
"Hindi ko masasabi, dahil wala pa akong pinanghahawakang ebidensiya, pero hindi magtatagal at mabubuko din siya," sabi ni Munan sa pagitan ng nagtatangis niyang mga ngipin. Ang pagkamuhi niya tungo kay Saohuang ay nadoble. Mawawala lamang marahil ito kapag tuluyan nang nawala sa Earth ang lalaking ito!
"Munan, naniniwala din ako na inosente ka, pero ang bawat isa sa kanila ay nagsasabi na kasali ka sa bentahan ng mga armas, kailangan mong makakuha ng ebidensiya para mapawalan ka ng sala kung hindi ay hindi ka namin matutulungan."
"Ang bank credit ko at malinis na record, hindi pa ba sapat na ebidensiya iyon?" Ganting sagot ni Munan.
Tumango ang hepe. "Kaya nga nagdududa ako sa mga sinasabi nila. Pero kahit pa, ikaw pa din ang aming pinaka suspek kaya naman mag-iimbestiga pa kami ng maigi. Gayunpaman, ang insidenteng ito ang nagdulot ng kamatayan ng isa sa mga bilanggo at ilang guwardiya, kaya maaaring maimpluwensiyahan nito ang paglitaw mo sa korte bukas."