Chapter 489 - Eleksiyon

Ito ang inaasahan ni Mubai. Nakahinga siya ng maluwag na malamang poprotektahan nila si Xinghe. "Sige, pupunta tayong magkakasama. Maghanda na kayo ngayon, aalis na tayo matapos ang isang minuto!"

Hindi nagtagal at umalis na ang grupo ni Mubai patungo sa kuta. Itinalaga ni Philip ang isang mahusay na pulutong para pamunuan ni Mubai.

Ang solong layunin ng kanilang misyon ay ang iligtas si Kelly. Gayunpaman, ang pagliligtas dito ng hindi binibigyan ng alarma at suspisyon ang mga guwardiya ay madaling sabihin kaysa gawin. Kaya naman, pinaplano na nila ang gagawin habang patungo doon.

Dinala ni Xinghe ang ilan sa kanyang mga kagamitan at computer. Kapag wala ang mga ito, mawawalan din siya ng silbi doon.

Habang naglalakbay sila patungo sa kuta, ibinigay na ni Philip ang kanyang candidacy form; sasali siya sa eleksiyon kinabukasan. Masaya si Aliyah na sa wakas ay nakipagkumpromiso ito.

"Philip, dapat ay matagal mo na itong ginawa noon pa, pero mabuti nang huli kaysa hindi, magtiwala ka sa akin, hinding-hindi mo pagsisisihan ang desisyong ito."

"Tandaan mo ang ipinangako mo sa akin; kapag kinanti ninyo si Kelly, hindi ko maipapangako kung ano ang mangyayari," matabang na sagot ni Philip bago tumalikod para umalis. Hindi na niya gusto pang makita ang babaeng ito.

Ngumisi si Aliyah habang pinapanood ang papalayong likuran nito. Siyempre, hindi niya mahahayaang makaalis na lamang ng basta-basta si Kelly. Inagaw ng babaeng ito ang Philip niya, kaya siyempre kailangan nitong pagbayaran ang kasalanan nito.

Kahit ano pa, malapit na niyang makamtan ang kanyang layunin kaya naman, hindi magtatagal, wala nang makakapigil pa sa kanya sa gusto niyang gawin!

At luluhod si Philip para magmakaawa sa kanya…

Hindi mapigilan ni Aliyah na hindi tumawa habang iniisip ito; hindi na siya makapaghintay pa para sa pagdating ng eleksiyon kinabukasan.

Ang buong Country Y ay masayang sinalubong ang eleksiyon. Sa magulong bansang ito, ang eleksiyon ng mga heneral ay isang napakahalagang pangyayari.

Sa kabilang banda, ang mga tao ay umaasa na ang bagong presidente ay maililigtas sila sa walang katapusang digmaan, pero sa kaila naman, ay ikinalulungkot nila ang kawalan ng pag-asa dahil sa madayang sistema. Kaya naman, mayroong maliwanag na linyang naghihiwalay sa pagitan ng mga mamamayang sumusuporta dito at mga mamamayang sumasalungat dito sa bawat eleksiyon. Maliban doon, ang mga nakatagong pangingialam mula sa mga kaaway na bansa ay isang karaniwang pangyayari.

Gayunpaman, sa katapusan, si Philip ang may pinakamaraming sumusuporta mula sa kanyang mga kababayan.

Dahil sa kanyang kagustuhan na mapabagsak ang mga terorista at mga ilegal na organisasyon, palagi niyang nakukuha ang suporta ng mamamayan ng Country Y.

Sa likod niya ay si Aliyah. Sikat din ito sa Country Y bilang isang iron maiden.

Isa pa, mula ito sa isang magandang pamilya. Ang kanyang lolo ay ang dating presidente ng Country Y, kaya naman may mga sumusuporta din sa kanya.

Gayunpaman, dahil sa kaguluhan sa bansa, ang karamihan sa mga mamamayan ay patuloy na umaasa kay Philip. Sa ganitong paraan, ang resulta ng eleksyon ay alam na. Alam ng lahat na si Philip ay mananalo.

Gayunpaman, alam ni Philip na hindi ganoon kasimple ang mga kahihinatnan ng mga bagay-bagay. Ang tanging pag-asa niya ay ang grupo ni Mubai.

Sa wakas ay narating na ng grupo ni Mubai ang pinakadulo ng pinakakuta ng IV Syndicate pagsapit ng gabi.

Matapos ang isang buong araw ng pagpaplano, sa wakas ay nagkaroon na sila ng ilang sandali para magbigay pansin sa general election.

Masayang sinabi ni Sam, "Sa dami ng taong sumusuporta kay Philip, sigurado na ang panalong ito para sa kanya!"

Iyon din ang iniisip ni Ali at ng iba pa.

Gayunpaman, umiling si Xinghe. "Hindi pa iyan sigurado, masisigurado lamang natin ito kapag nailigtas na natin si Kelly."

Nagtatakang nagtanong si Cairn, "Hindi ba nila hahayaang manalo si Philip? Pero sumang-ayon na siyang makipagtulungan sa kanila."

"Ang mga tao mula sa IV Syndicate ay alam na napipilitan lamang si Philip na makipagtulungan sa kanila. Sa tingin mo ba ay hahayaan nilang manalo ang isang hadlang tulad niya na maging presidente?"