Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 471 - Humahapdi ang Mukha ng Kaunti

Chapter 471 - Humahapdi ang Mukha ng Kaunti

Paano niya ito matatanggap? Napakaraming bala ang umuulan sa grupo ni Sam; kahit na sinisigurado ng mga sundalo na iwasang tamaan ang mga tao, walang kasiguraduhan na hindi sila masusugatan ng mga ligaw na bala o rebounds.

"Patigilin mo na sila!" Mabilis na saway ni Xinghe.

Tinitigan siya ni Mubai at inosenteng sinabi, "Wala akong karapatan para utusan ang mga sundalong ito."

Kahit si Philip ay hindi maiwasang hindi humanga sa kakapalan ng mukha ni Mubai. Kung wala kang karapatan para utusan ang mga sundalong ito, sino ang nagbigay ng utos kanina lang?

"Tauhan mo sila, tama?" Bumaling si Xinghe kay Philip. "Maaari mo ba silang patigilin?"

"Definitely," Walang magawa na tumawa si Philip. "Pero ang communicator ay wala sa akin sa sandaling ito."

Hinablot sa kanya ni Mubai ang communicator kanina lamang. Hinablot ni Xinghe ang communicator mula kay Mubai at inihagis ito sa kanya, "Ngayon, maaari mo bang patigilin ang utos?"

"Siyempre," kinuha na ni Philip ang communicator at mabagal na sinabi, "Sa tingin ko ay higit pa sa sapat iyan, maaari na kayong tumigil."

Mabagal na bumalik sa himpapawid ang mga helicopter. Ang SamWolf ay nanigas na tila mga estatwa. Kahit na tapos nang bumaril ang mga copter, hindi kumikilos na naka-squat pa din sila matapos ang pagpapaulan ng bala, natatakot na baka magpatuloy ito sa sandaling mag-relax sila.

Agad na tumakbo si Xinghe para suriin silang lahat. "Ayos lang ba kayong lahat?"

Mabagal na itinaas ni Ali ang kanyang mga mata at ang luha ay patuloy na tumulo sa kanyang mukha nang makita niya si Xinghe.

"Xinghe, nakakatakot iyon masyado!"

Ang lahat ay sumalampak sa sahig, ang kanilang mga binti ay nanginginig pa mula sa pagkatakot. Ang ilan sa kanila ay tinamaan pa ng mga ligaw na bala. Gayunpaman, ang kanilang pansin ay wala sa mga sugat na iyon dahil ang kanilang kamalayan ay nakatuon sa katotohanan na buhay pa sila…

Ang eksena ngayon lang ay masyadong nakakatakot.

Tiningnan ni Xinghe si Mubai na naglalakad patungo sa kanya at walang magawang nagtanong, "Nasiyahan ka na ba ngayon?"

Siyempre, alam niyang sinadya nito iyon dahil sa sinabi ni Sam.

Malamig na pinandilatan ni Mubai ang grupo ni Sam bago napako ang tingin niya kay Sam. "Mukhang naturuan na kayng lahat ng leksiyon. Matuto kayong rumespeto mula ngayon at itago ang mga kaisipang hindi kailangan sa inyong sarili. Kung hindi, sa susunod, hindi na ganito kasimple ang leksiyon."

F*ck! Isang maliit na leksiyon lamang ito?!

Halos tumalon si Sam para suntukin si Mubai pero hinila siya pabalik nina Wolf at ng iba pa.

"Sam, kumalma ka, huwag kang gumawa ng katangahan."

"Paano ako kakalma?" Galit na sigaw ni Sam, "Halos mapatay na niya ako. Pakawalan ninyo ako, gaganti…"

Tinakpan ni Wolf ang bibig nito at nag-alok ng ngiti kay Mubai, "May problema sa utak ang isang ito; ako na ang titingin sa kanya mula ngayon."

"Patawad, talagang isang hangal ang isang ito," seryosong dagdag ni Cairn.

"Wala talaga sa amin ang nakakakilala sa kanya," kahit si Ali ay itinatatwa si Sam.

Galit na inalis ni Sam ang kamay ni Wolf, "Mga duwag kayo, maaaring takot kayo sa kanya pero hindi ako takot! Pakawalan ninyo ako, tuturuan ko siya ng leksiyon!"

"Fire—" Bago pa siya makatapos, biglang iniutos ito ni Mubai.

"Hindi!" Biglang nag-squat si Ali at niyakap ang kanyang ulo. Ang iba pa, kasama si Sam, ay ganoon din ang ginawa…

Gayunpaman, ang kagubatan ay nanatiling tahimik, walang umaalingawngaw na putukan.

Wala kay Mubai ang communicator; tinatakot niya lamang ang mga ito. Ang mukha ni Sam ay mahapdi mula sa galit at kahihiyan.

Nanunuyang tiningnan siya nina Ali at ng iba pa. Hindi ba't sinabi mo na hindi ka takot? Bakit nagsimula ka nang manginig tulad namin?

Related Books

Popular novel hashtag