Hindi niya inaasahan na may mga bomba din ang mga ito. Ito ang nagpahirap na mapatay sila. Napaatras ng kaunti si Barron at patuloy na nagbanta, "Grupo ni Charlie, may natitira pa kayong limang minuto, sumuko na kayo o bibigyan ko kayong lahat ng isang nakakarimarim na kamatayan!"
"Subukan mo kung kaya mo, mamamatay tayong lahat sa isang malaking pagsabog!" Ganting pang-aasar ni Sam.
"Barron, huwag kang magpadalos-dalos…" Binuksan ni Charlie ang kanyang bibig para sabihin na, "Maaaring may mas magandang paraan na hindi magdudulot ng kamatayan sa ating lahat."
Mayabang na ngumisi si Barron dahil naisip niyang nagawa niyang matakot si Charlie.
"Sumuko na kayo kung mahalaga pa sa inyo ang buhay ninyo. May apat na minuto pa kayo para mag-isip. Huwag na ninyong sayangin ang lakas ninyo para lumaban, ang lugar na ito ay napapaligiran na ng militar; wala nang paraan pa para makatakas kayo!"
"Barron, hindi na kailangan pang humantong sa ganito ang lahat." Pilit na pinatatagal ni Charlie ang oras. Ang lahat ay naghihintay ng hudyat mula kay Xinghe. Alam ni Xinghe na nagagahol na sila sa oras pero wala siyang makitang palatandaan ni Mubai online…
Kapag nagkamali siya tungkol sa katauhan ng misteryosong lalaki ay katapusan na nilang lahat…
"Xinghe, handa ka na ba?" Natatarantang tanong ni Ali.
Si Xinghe ang kanilang kabaligtaran. Mas kalmado siya kapag nagkakaproblema na ang lahat. "Bigyan pa ninyo ako ng mas maraming oras, pagtutuunan ko ng pansin na makausap ang General na iyon." Baka makausap ko si Mubai sa pamamagitan ng taong iyon!
Habang inihahanda ni Xinghe ang sarili na imbestigahan si Philip, isang malakas na tunog ng makina ang naghudyat ng pagdating ng isa na namang pulutong ng mga sasakyan. Naririnig na din nila ang tunog ng mga helicopter sa himpapawid…
Hindi hihigit sa sampung helicopter ang umiikot sa gubat na kinaroroonan nila at ang mga ilaw na ginagamit sa paghahanap ay inilawan ang kagubatan na tila umaga na.
Si sam at ang iba pa ay itinaas ang kanilang ulo ng may nakakaawang hitsura. "Ano na ang nangyayari ngayon?"
Namutla ang mukha ni Charlie. "HIndi ko inisip na si Barron ay magagawang pakilusin ang isang malaking hukbo para tugisin tayo!"
"Katapusan na natin!" Niyakap ni Ali ang bomba at sinabi ng may determinasyon, "Kailangan nating lumaban hanggang sa huli. Wala akong pagsisisihan kapag namatay ako na lumalaban ng kasama kayong lahat!"
Ang lahat ay tumango na puno ng determinasyon. Alam nilang ito na talaga ang katapusan nilang lahat, kaya paano pa sila makakatakas mula sa isang malaking hukbo?!
Tumingala din si Xinghe sa langit, isang kislap ng katatagan ang lumitaw sa kanyang mga mata. Hindi siya susuko. Hindi siya susuko hanggang sa huling sandali!
Ginamit ni Xinghe ang pinakamabilis niya para makita ang impormasyon ni Philip. Gayunpaman dahil sa kakaibang katauhan ni Philip, kakailanganin ng kaunti pang oras para mapasok ang sensitibong impormasyon nito…
"Ano ang nangyayari?" Hindi alam ng grupo ni Xinghe na maski si Barron ay nasorpresa sa biglaang pagdating ng bagong hukbo na ito.
Ang mga tauhan niya ay nagtataka rin. "Sir, mukhang hindi natin sila kasapi, mukhang galing sila sa iba pang military unit."
"Pumunta ka at alamin kung kanino kung ganoon!" Mabilis niyang utos.
"Yes, sir!"
Bumalik ng may masayang ngiti ang kanyang sundalo. "Sir, army po ito ni General Philip!"
Nagulat si Barron. "Bakit nandito si General?"
"Wala po kaming alam, hindi sinasabi ng mga tauhan niya."
"Siguraduhin ninyong hindi sila makakatakas, pupuntahan ko si General!" Nagmamadaling pinuntahan ni Barron si Philip matapos niyon. Inakyat niya ang mga mabato at madulas na sahig ng kagubatan. Bigla, nasilaw ang kanyang mukha ng ilang nakakasilaw na headlights.
Tinakpan niya ang mga mata mula sa liwanag, hindi matukoy kung ilang tao ang talagang dinala ni Philip.