Nakatingin siya kay Saohuang kahit na ang mga salita niya ay para kina Yan Lu at Sun Yu.
Mabalasik na nakangisi si Saohuang. "Major Xi, salamat sa pagtulong mo sa akin na pangaralan at bigyan ng leksiyon ang tauhan ko."
"Walang anuman." Tumango si Munan. "Pero dahil ayaw naman tanggapin ni Miss Xia ang paghamon mo, kung maaari sana ay umalis na kayo. Hindi ko pwedeng pilitin si Miss Xia na baguhin ang kanyang desisyon."
Paano aalis si Saohuang bago pa niya makamit ang kanyang layunin?
Tulad ng isang bulate sa tiyan ni Saohuang, nang-iinis na dinagdag ni Sun Yu, "Kung hindi lumabas itong si Miss Xia, ibig sabihin ay sumuko na siya! Maaaring isa siyang sibilyan pero sa ngayon ay isa siyang miyembro ng iyong lupon, na nangangahulugang sumusuko na din ang iyong grupo!"
Agad na nanlamig ang mga mata ni Munan na nakatingin sa kanila. Sinasadyang siraan sila ng lalaking ito. Paano matatanggap ng isang tao ng militar na tulad niya ang insulto na ito ng basta-basta?!
Nagtangis ang mga ngipin ni Yan Lu sa galit. Kung isa itong lugar ng digmaan, naitapon na sana niya si Sun Yu sa sahig. Halos lahat ng naroon ay ganoon din ang nararamdaman. Mula noong talunin sila ng lupon ni Saohuang, kinikimkim na nila ang kanilang sama ng loob.
Naunawaan ni Saohuang na ang punto ay naipaabot na kaya naman tumayo na siya ng nakangiti. "Sige, kung takot kayo na tanggapin ang hamon, wala na kaming magagawa. Major Xi, aalis na ako."
"At inakala ko na kahanga-hanga ang babaeng ito. Mukhang isa lamang siyang takot at bahag ang buntot na parang pusa tulad ng grupong kinabibilangan niya," pakunwaring bulong ni Sun Yu.
Habang naghahanda na silang umalis, umalingawngaw ang malinaw na boses ni Xinghe.
"Sino ang nagsasabing takot ako?"
Mabagal siyang naglakad, sinalubong ng mariin ang titig kay Feng Saohuang. Nagulat ang lahat sa biglaan niyang paglitaw. Ang mga mata ni Saohuang na nakatutok ng husto sa kanya ay lalong tumindi, ang mga labi niya ay kumurba sa isang nasisiyahang ngiti.
Umismid si Sun Yu. "Ikaw ang Xia Xinghe na iyon? Ano, ngayon ay nakita mo na sa wakas ang tapang mo para harapin ako? Huli na para sa iyo dahil wala na ako sa mood."
Inisip niya na maiinis sa kanya si Xinghe. Malumanay na ngumiti si Xinghe. "Perpekto pala, dahil nakikita ko na masyadong mababa sa aking antas na hamunin ang mga taong tulad mo."
"Ikaw!" Nagdilim ang mukha ni Sun Yu, hindi niya inaasahan na ang isang babaeng tulad nito ay magkakaroon ng matalas na dila.
Segundo ni Yan Lu, "Tama iyon. Mababa sa antas ng aming Miss Xia na hamunin ang isang tulad mo!"
"Oo, hindi lahat ay kwalipikado para hamunin si Miss Xia." Dagdag pa ni Gu Li.
"Siguro, dapat na suriin maigi ng mga tao ang kanilang sarili bago manghamon ng ibang tao!" May isang maingay na sumigaw mula sa madla.
"Ganito pala kayo trumato ng bisita? Pumunta kami para magbigay ng hamon dahil sa paghanga namin at ganito ninyo tratuhin ang hamon? Dapat ay alam ko na! Hindi na ako dapat na pumunta pa ngayon dahil ang karamihan sa inyo ay hindi nararapat sa aking presensiya!" Sarkastikong ganti ni Sun Yu.
Hindi nagalit si Xinghe, imbes ay ngumiti siya. "Ang totoo ay mababa ang pagtingin ko sa iyo pero mukhang pareho lamang tayo ng nararamdaman. Kung iyon naman pala ang kaso, bakit hindi mo hayaang ipakita ko sa iyo kung bakit mababa ang tingin ko sa iyo sa pamamamagitan ng lubos na pagdurog at pagtalo ko sa iyo?"
Gustong sumuka ni Sun Yu ng dugo mula sa pagpipigil ng inis. Alam niya na dapat ay hindi na siya nakipagtalo pa sa isang babae. Salot sila sa mundo. Gusto niyang sabihin dito na hindi na niya gusto pang magkaroon ng kaugnayan dito, pero hindi niya nakalimutan ang layunin ng kanilang pagbisita.
Ngumiti si Sun Yu. "Sige, kung gayon ay magkaroon tayo ng kumpetensiya. Ipapaalam ko sa iyo ang kahulugan ng pagpapakumbaba!"
"Makikita natin," malamig na sagot ni Xinghe, na lalong nagpainis kay Sun Yu.