Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 382 - Binibigyan Siya ng Espesyal na Pagtrato

Chapter 382 - Binibigyan Siya ng Espesyal na Pagtrato

Hindi maintindihan ni Gu Li. "Ano ang ibig mong sabihin doon?"

"Ako ang dating asawa ni Xi Mubai." Ginamit ni Xinghe ang isang buong pangungusap para ipaliwanag ang lahat. Nasorpresa si Gu Li na malaman iyon! Kung gayon, ang relasyon ay talagang kumplikado…

Hindi na nag-usisa at listong iniba ni Gu Li ang usapan. Hindi nagtagal, narating na nila ang tech department. Ang military compound ay malaki, ang tech department ay kumuha na ng isang buong gusali. Ang lahat ng nasa departamento ay nakasuot ng military fatigues. Ang lahat ay mga eksperto na nakaligtas sa madaming eliminasyon.

Sa madaling sabi, ang mga taong nagtatrabaho doon ay ang pinakamagagaling sa mga magagaling. Kaya naman, ang mga miyembro ng tech department ay may kaunting kayabangan pero nananatili pa din ang kanilang disiplina.

Ang special unit na nangangasiwa ng combat software ay matatagpuan sa pinakaitaas na palapag. Inihatid ni Gu Li si Xinghe sa lab at ang mga manggagawa sa loob ay agad na nagtinginan sa kanila. Nagtataka sila sa kung sino ang babaeng ito.

"Ang lahat ay maaaring tumigil muna sa pagtatrabaho, may gusto akong ipakilala sa inyo," simula ni Gu Li sa seryosong tono. "Ito ang eksperto na sasali sa ating grupo, si Miss Xia Xinghe. Siya ay sasali bilang ang aking second-in-command kaya kung wala ako, kailangan ninyong makinig sa kanyang mga utos. Naiintindihan ba ninyo?"

"Second-in-command?" Bulalas ng isa sa pagkagulat.

Lumitaw na lamang ang babaeng ito mula sa kung saan at pamumunuan kami? Sapat ba ang kakayahan nito?

Kahit si Xinghe ay nagulat sa anunsiyong ito, hindi niya inaasahan na ibibigay sa kanya ni Gu Li ang ganitong pribilehiyo. Ganito kalaki ang tiwala niya sa akin?

"Tama iyon, second-in-command! Ito ay isang utos, naiintindihan ba ninyo?" Tanong ni Gu Li ng may awtoridad.

"Yes, sir!" Lahat ay sumagot, pero nakikita ni Xinghe na wala sa kanila ang may gusto sa pangyayaring ito. Hindi sila makatutol dahil isa itong utos militar.

Naiintindihan din ito ni Gu Li, kaya idinagdag niya, "Huwag kayong magduda sa abilidad ni Miss Xia, nandito siya dahil sa rekomendasyon namin ni Major Xi, at kung mayroon pa, maaaring mas mahusay pa siya sa inyong lahat na nandito."

Matapos ang paliwanag na iyon, ang ilan sa madla ay nagsimula ng magtiwala ng kaunti kay Xinghe, o kung hindi, ang kanilang pagtutol sa kanya ay hindi na masyadong halata kaysa kanina…

"Kung gayon, balik na sa trabaho. Tandaan ninyo na mula ngayon, si Miss Xia ay magiging kasamahan na ninyo."

"Yes, sir!" Ang grupo ng mga tao ay bumalik na sa trabaho.

Sa wakas, bumaling na si Gu Li kay Xinghe, "Mayroong ilang upuan dito na wala pang tao, pumili ka na lang ng gusto mo."

Nagtanong si Xinghe, "Mayroon ba ditong lab na pansarili lang?"

Natigilan si Gu Li bago tumango. "Mayroong central control room. Bakit, mas gusto mo ba na nag-iisa?"

"Oo, ayoko na naiistorbo kapag nagtatrabaho ako."

Inisip ito ni Gu Li bago pumayag. "Sige, maaari kang magtrabaho sa central control room. Halika, ipapakita ko sa iyo kung saan iyon."

"Salamat," puno ng sinseridad na sinabi ni Xinghe. Alam niya na malaki ang tiwala sa kanya ni Gu Li dahil kung hindi ay hindi espesyal ang pagtrato nito sa kanya.

Ngumiti si Gu Li. "Hindi na kailangang magpasalamat pa sa akin. Ang kontribusyon mo para sa ating lupon ay magiging mas malaki kaya naman kami ang dapat na magpasalamat sa iyo."

Ito ay dahil kung matutulungan sila ni Xinghe na magapi ang kanilang kalaban, magiging maliwanag ang kanilang kinabukasan.

Matapos na maihatid na ni Gu Li palayo si Xinghe, ang mga tao sa loob ng lab ay nagsimula nang mag-usap-usap.