Natatandaan niyang nagbigay siya ng malaking halaga ng alimony nung sila ay nagdiborsyo.
Ang halagang kanyang (Mubai) ibinigay ay sapat na para mabuhay siya (Xinghe) ng marangya sa buong buhay niya, kaya paano nangyari na sa ganoong nakakaawang kalagayan siya napunta?
Ang katanungang ito ang gumugulo sa kanyang kaisipan mula ng lisanin niya ang ospital.
"Mubai, ano ang iniisip mo?" nag-uusisang tanong ni Tianxin, na malamig na sinagot ni Mubai ng "Wala naman."
"Iniisip mo si Xinghe, ano?" napabuntung-hininga si Tianxin, "Kahit ako ay hindi makapaniwala na si Xinghe yung nakita natin doon. Bakit ba pinili niyang mabuhay na ganoon kahirap kahit na may resources naman siya na mapaigi ang buhay niya? Bakit ba ang tanga niya?"
Tanga… ito ang eksaktong deskripsyon ni Mubai kay Xinghe.
Ang minsang katangahan ay maaaring maging cute pero si Xinghe ay may katangahan at kakitiran ng utak. Dahil dito, puro sakit ng ulo at problema ang dala ng babae sa kanyang sarili at sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Maaari ding sabihin na ang kanilang pagsasama ay nasira ng kakitiran ng kanyang utak at katangahan.
Ngunit hindi niya inaasahan na ang katangahan ng babaeng ito ay sukdulan upang hindi nito maalagaan ang sarili gamit ang malaking halaga ng alimony na ibinigay niya.
Ang pagkikita nila ni Xia Xinghe ng araw na iyon ay nagbigay ng malaking palaisipan sa kanya.
Hindi na napansin ni Mubai ang mga tanong ni Tianxin sa lalim ng kanyang iniisip. Hindi nagtagal, pumarada na ang kotse at sila ay dumating na sa restaurant.
Nandoon na pareho ang kanilang mga pamilya.
Dahil sa hapunan na iyon ay pag-uusapan na ang kanilang kasal, kasama sa pagtitipong iyon ang kanilang mga magulang pati ang kanyang anak na lalaki, si Xi Lin. Anak niya ito kay Xinghe.
Isang taon lamang ang bata noong sila ay nagdiborsyo, at siya ay apat na taong gulang na ngayon.
"Bakit hindi gawing ika-2 ng Nobyembre ang kasalan? Swerte ang araw na iyon at siya namang pambansang araw ng ating bansa," suhestiyon ng ina ni Mubai, ang matandang Ginang Xi.
Tumatangong nakangiti ang ina ni Tianxin, "Tamang-tama sapagkat iyon din ang aking suhestiyon. Mubai, Tianxin, ayos lang ba sa inyong dalawa ang petsa?"
"Oho. Ang ganitong mga usapin ay nararapat na ipagkatiwala sa mahusay na kakayahan aming mga magulang," nahihiyang sambit ni Tianxin.
"Ayos lang sa akin ang kahit anong petsa," kibit-balikat na sabi ni Mubai.
"Ayos na ang petsa. Maaari na tayong magpokus sa preparasyon ng kasal. Tianxin, mabuti pa rin sa akin ang Diyos sapagkat ikaw ay akin nang magiging manugang," tuwang-tuwang sambit ni Ginang Xi habang hawak niya ng mahigpit ang mga kamay ng nakangiti ding si Tianxin.
Lumaki si Tianxin sa kanyang paningin. Gustung-gusto nya ang hitsura, ugali at abilidad ni Tianxin.
Matagal na niyang kinukulit si Mubai na pakasalan si Tianxin, at malapit na ngang magkatotoo ang kanyang hiling.
Mayroong isa pang babae sa hapag na malapit ng matupad ang hiling at iyon ay si Chu Tianxin.
Sa wakas, si Xi Mubai ay malapit na niyang mapasakamay.
Magiging kanya na din ang lalaking ito.
Bigla na lamang nabitawan ni Xi Lin ang baso ng juice at ito ay nabasag. Nabasa din ang kanyang damit ng juice.
"Lin Lin, mag-iingat ka na sa susunod," sawata ni Ginang Xi.
"Lin Lin, nasaktan ka ba?" daliang lumapit si Tianxin na may hawak na panyo para punasan ang damit ng bata ngunit bigla itong umiwas at pumunta ang bata sa mga bisig ni Mubai.
Naiwang nakataas ang kamay ni Tianxin sa ere.
"Ako na ang bahala na maglinis sa kanya," sambit ni Mubai habang karga-karga niya ang kanyang anak patungo sa banyo.
Sa banyo, iniupo ni Mubai ang kanyang anak sa sink counter.
Tinitigan ni Xi Lin ang kanyang mga paa, tahimik na nag-iisip.
Bigla niyang pinalis ang mga kamay ni Mubai na nag-aalis ng juice sa kanyang damit.
"Ano ang nangyari?" mahinahong tanong ni Mubai habang tinititigan ang kanyang anak, "Kanina ka pa hindi mapakali bago magsimula ang hapunan, mayroon bang gumugulo sa isipan mo?"
Tahimik na tumungo si Xi Lin.
Nang itinaas ni Mubai ang mukha ng kanyang anak, nakita niyang nakatitig din ang mga determinadong mata nito sa kanya.