"Wala ng iba pa," sagot ni Xia Meng.
Naningkit ang mga mata ni Xinghe sa kanya. "Sigurado ka?"
"Siyempre naman…" mariin pang ipinilig pa ni Xia Meng ang kanyang ulo para ipagdiinan ito pero pakiramdam niya ay nababasa siya ni Xinghe.
Hindi na itinuloy pa ni Xinghe ang linya ng pagtatanong dito, imbes ay nagtanong ito, "Kung ganoon, bakit may pakiramdam ako na ang memory cell ay hindi ang bagay na gusto ni Ye Shen?"
Nanigas ang ekspresyon ni Xia Meng.
"Walang alam si Ye Shen tungkol sa memory cells. Ang gusto niya sa iyo ay isang bagay na buo, isang bagay na mas importante kaysa sa memory cell technology!" Sa oras na ito, may puwersa sa likod ng mga salita ni Xinghe.
Namutla ang mukha ni Xia Meng at ang kanyang mga kamay ay namawis na sa pagkanerbiyos.
Gayunpaman, kinagat niya ang kanyang dila at hindi nagsalita…
Nakita ito ni Xinghe at nagdesisyon na huwag nang pwersahin pa ito. Mahina nitong sinabi, "Mayoon pa akong huling dalawang tanong para sa iyo."
"Ano?"
"Ang inisyal na intensiyon mo ba ay lubusang burahin ang orihinal na alaala ko?"
Tiningnan siya ni Xia Meng na tila nakatingin siya sa isang demonyo. Paano kaya niya nalaman ang tungkol dito?! Imposible ito!
Sinusubukan lamang siya ni Xinghe dahil napanaginipan niya ang kanyang sariling kamatayan. Kaya naman, isa itong lohikal na palagay na gusto talaga ni Xia Meng na maniwalang namatay na siya.
Ngayon, habang nakikita ang reaksiyon ni Xia Meng, sigurado na siya na ang orihinal na plano ni Xia Meng ay hindi para ipagpalit ang kanilang mga alaala kundi ang burahin ng tuluyan ang alaala niya.
Dahil ang sikreto niya ay magiging ligtas makaraang mabura ang kamalayan ni Xinghe.
Ang pagpapalit ng mga alaala ay pagbili lamang ng panahon sa kanya hanggang sa puntahan siya ni Xinghe at hingin ang paliwanag niya.
Sa bandang huli, gusto ni Xia Meng na tuluyang burahin ang alaala ni Xinghe sa simula, pero sa ibang kadahilanan, ang planong iyon ay nadiskaril…
Matapos kumpirmahin ang sabwatan laban sa kanya, nanigas ang ere sa paligid ni Xinghe.
Gayunpaman, hindi pa siya sumabog, kung anuman, ang tono niya ay mas lalong nanlamig habang nagpapatuloy ito, "Pangalawang tanong, narinig mo na ba ang tungkol sa Project Galaxy?"
Ang mga nanlalaking mata ni Xia Meng ay lalo pang nanlaki.
Kahit wala ang kanyang berbal na kumpirmasyon, nalaman na ni Xinghe ang lahat ng kailangan niyang malaman.
"Xia Meng," mahinang tawag ni Xinghe sa pangalan nito, ang boses niya ay tila nanggaling sa ibang dimensiyon, "Gusto ko na manatili ka lamang dito dahil ito lamang ang magsasalba sa iyo. Ituring mo na swerte mo ang pakikipagtulungan ng maaga sa akin, o pagbabayaran mo ng mahal ang mga bagay na ginawa mo sa akin! Sumunod ka ng maigi at pananatilihin ka naming buhay. Tandaan mo ang lahat ng sinabi ko – dahil isa akong babae na tumutupad ng mga salita ko."
Bago pa makabawi sa pagkabigla si Xia Meng, nakaalis na si Xinghe. Agad na sumunod si Mubai at inutusan ang kanyang mga guwardiya na bantayan si Xia Meng.
…
Matapos nilang makalayo ng ilang distansiya, mabilis na nagtanong si Mubai, "Ano itong Project Galaxy at ano ang koneksiyon nito sa iyo?"
Ang pangalan ng Project Galaxy ay isa ng malaking rebelasyon. Mahirap paniwalaan na wala itong kinalaman kay Xinghe; ang totoo, nagbibigay ito ng pakiramdam na lahat ito ay may kinalaman kay Xinghe…
Umiling si Xinghe. "Wala akong ideya kung ano ito."
"Wala kang ideya? Kung ganoon paano mo nalaman ang tungkol dito?" Napakunot-noo si Mubai.
"Narinig ko ito mula sa ibang tao, ang aktwal na nilalaman ng proyektong ito ay hindi ko din alam. Pero alam ko ang mga tao na konektado sa proyektong ito."
"Sino?" Seryosong tanong ni Mubai.
Tinitigan siya ni Xinghe, sinusukat ang mga pagpipilian sa isip niya.
May tiwala siya dito pero nagdadalawang-isip siya na isiwalat ang lahat dito. Dahil ang lahat ng ito ay problema niya at maaaring mapanganib ito; hindi niya gustong madamay pa ito dito.