Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 284 - Gusto Ko Din Makita si Mommy

Chapter 284 - Gusto Ko Din Makita si Mommy

"Huwag mo akong hawakan."

Ang sagot sa kanya ay isang mariing saway mula kay Xinghe.

Hindi nagalit si Mubai, imbes ay nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kagalakan.

Nahawakan na niya ito dati… well, may anak na nga silang dalawa, at hindi siya tumutol sa kanya ni minsan.

Ang ibig sabihin nito ay hindi niya gusto na hinahawakan niya ang hiram na katawang ito…

Hindi kaya at nagseselos siya?

Binawi ni Mubai ang kanyang mga kamay at sinabi ng may pilyong ngiti, "Sige, hindi ako hahawak ng kahit kanino sa ngayon."

Sinasabi niya kay Xinghe na hindi muna siya lalapit dito o kay Xia Meng.

Kahit na ang pagiging malapit sa dalawa ay parehong weird sa kanya. Si Xia Meng, sa bandang huli, ay asawa ng iba at iyon ang nagpakumplikado sa maraming bagay.

Gayunpaman, si Xinghe ay may direktang pagtingin sa mga bagay. Hindi nito alintana na mapunta sa katawan ng iba hangga't ang kanyang kamalayan ay nananatiling Xia Xinghe.

Siyempre, ang orihinal niyang katawan ang pinakamainam.

Sa wakas ay narating na din ng kotse ang lumang mansion ng Xi family.

Nagpaliwanag si Mubai, "May inutusan ako para bantayan siya, at hindi ko pa siya inilalantad."

"May ideya na siguro siya sa kung ano ang nangyayari," dagdag ni Xinghe.

Tumango sa bilang pagsang-ayon si Mubai, kung hindi nito alam kung ano ang nangyayari ay hindi agad nito gagayahin ang ugali ni Xinghe paggaling na paggaling nito.

Kaya naman, lohikal na isipin na alam nito ang nangyayari.

Huminto ang kotse sa harap ng isang maliit na villa. Bumaba mula sa kotse si Mubai para pagbuksan ng pinto si Xinghe.

Inobserbahan ni Mubai ang hirap na dinaranas ni Xinghe para makababa ng kotse dahil sa pilay nitong binti at nagtanong siya ng may pag-aalala, "Kailangan mo ba ng wheelchair?"

"Hindi na," magalang na pagtanggi ni Xinghe. Kung hindi niya mapagtatagumpayan ang isang maliit na problemang ito ay magiging isang pilay na talaga siya.

"Nasa loob lamang siya, pumasok na tayo," sabi ni Mubai habang tinutulungan siya.

"Daddy—" Isang tinig ng bata ang biglang tumawag. Ito si Lin Lin. Marahil ay tumakbo ito mula sa main house nang makita niyang pumasok ang kotse ni Mubai mula sa gate.

Tumakbo ang maliit na bata kay Mubai at ipinakita ang cute na mukha nito para magmakaawa, "Gusto ko ding makita si Mommy."

Noong umagang iyon, nang marinig ni Lin Lin ang balita na nagising na si Xinghe, ay masayang-masaya ito.

Ilang beses na nitong sinubukang pumasok sa silid nito pero napipigilan ng mga katulong sa bawat pagtatangka.

Ito ay dahil sa sikretong utos na sinabi ni Mubai dito na huwag magpapapasok ng kahit na sino para makita si Xinghe sa personal.

Kaya naman, naghihintay si Lin Lin kay Mubai para makauwi, sa ganoong paraan ay makikita nito ang ina kasama ito.

Mariing tinanggihan ni Mubai ang pakiusap ng anak, "Hindi mo siya pupwedeng makita pa ngayon, umuwi ka muna."

"Bakit hindi?" Napasimagot si Lin Lin. "Sinabi nila na nagising na siya, kaya bakit hindi ko siya pwedeng makita?"

"Dahil sa sinabi ng doktor na hindi pa siya magaling, pansamantalang wala sinuman ang pupwedeng makita siya. Kapag maayos na ang pakiramdam niya, pwede mo na siyang makasama hanggang kailan mo gusto."

Naningkit ang mga maliliit na mata ni Lin Lin kay Mubai. "Pero, bakit ikaw pupwedeng makita siya?"

"Dahil nabakunahan na ako," tahasang pagsisinungaling ni Mubai. "Nagkaroon siya ng nakakahawang sakit."

Marahil ay imahinasyon niya ito pero nung sinabi niya ito, naramdaman niyang inis na tinititigan siya ni Xinghe.

Ang mukha ni Lin Lin ay puno ng pag-aalala. "Ano'ng klase ng sakit, malala ba ito?"

"Kaunti lang, pero magagamot naman. Samahan mo muna ang ingkong mo sa ngayon, huwag ka nang pupunta dito ng wala akong pahintulot."

"Pero…"

"Walang pero-pero. Kapag matigas pa din ang ulo mo, pagbabawalan na kita na makita ang mommy mo kahit na gumaling pa siya." Ito ang unang beses na ginamitan ni Mubai ng marahas na tono si Lin Lin sa harap ni Xinghe.