Katulad na katulad ito ng paglitaw at pagkawala ng kanyang sariling ina, dahil dumating din ito sa City T noong 30 taon at nawala 12 taon na ang nakalipas!
Marahil ay may kapareha pang kaso ito, maliban sa dalawang ito. Mabilis na naikonekta ng utak niya ang mga pangyayari at wala na siyang sinayang na oras para hanapin ang lahat ng impormasyon tungkol kay Yun Ruobing.
Ang tatay ni Ruobing ay dumating din sa City T 30 taon na ang nakaraan at nawala 12 taon na ang nakakalipas!
Kung ganito ang nangyari noon, pareho din siguro ito sa isa sa mga magulang ni Ee Chen…
Mabilis na hinanap ni Xinghe ang impormasyon kay Ee Chen pero mabilis niyang nalaman na kahina-hinala na kakaunti ang impormasyong makikita sa mga magulang ni Ee Chen na makikita sa World Wide Web. Naghinala na si Xinghe na mayroong tao na nag-alis ng lahat ng mention sa kanila noon pa.
Gawa ba ito ni Ee Chen? Inalis niya ang lahat ng digital existence ng mga magulang niya?
Kahit na, mabuti na lamang at nakumpirma ni Xinghe na si Xia Meng ay konektado sa kanila at marahil ganoon din sa misteryosong Project Galaxy.
Pero ano ba talaga ang Project Galaxy na ito at may kinalaman ba ito sa katotohanan na si Xinghe ay nasa katawan ngayon ni Xia Meng?
Sinubukang kontakin ni Xinghe si Ee Chen pero hindi niya ito mahanap. Tila ba bigla na lamang itong nawala ng tuluyan. Wala ng punto pang hanapin si Ruobing, walang alam ang babae at kahit na mayroon man, ano ang mga pagkakataon na sasabihin nito kay Xinghe?
Isa pang misteryo si Xia Meng. Ang katotohanan na buhay pa ito o hindi ay isang misteryo!
Sa pangwakas, matapos na isipin lahat, ang tanging magagawa ni Xinghe ngayon ay hanapin ang bagay na iniwan ng tatay ni Xia Meng sa kanya.
Kung tama ang hinala niya, kapareho ito ng bagay na iniwan ng nanay ni Xinghe sa kanya… pero saan ba siya magsisimulang maghanap? Wala siyang ideya kung saan ito itinago ni Xia Meng.
Sa oras na iyon, ang pintuan ng kanyang silid ay biglang bumukas.
Pumasok si Ye Shen na may hawak na tray na naglalaman ng isang mangkok ng mainit na noodles.
Binigyan niya si Xinghe ng isang mainit na ngiti, isang kabaliktaran ng lalaking nakita kaninang umaga ni Xinghe. Ang tono nito ay puno ng pag-aalala at giliw.
"Xia Meng, bakit hindi ka bumaba para maghapunan? Kakalabas mo pa lamang ng ospital kaya kailangan mong alagaan ang katawan mong iyan. Inutusan kong lutuan ka ni Auntie Ding ng isang mangkok ng noodles, halika, kainin mo na ito habang mainit pa."
Lumakad palapit si Ye Shen at ibinaba ang tray sa kanyang harapan.
Noon lamang nalaman ni Xinghe na sumapit na ang gabi…
Tumunog ang kanyang sikmura pero parang hinalukay ang kanyang tiyan nang makita niya ang mangkok ng noodles.
"Hindi ka ba nagugutom? Halika na, kumain ka na." Puno ng ngiti si Ye Shen pero agad na nakita ni Xinghe ang pagkukunwari nito.
Hindi kapani-paniwala ang lalaking ito. Akala ba nito ay tatanggapin na lamang ni Xinghe ang mabilis na pagpapalit nito ng ugali na parang hindi nangyari ang pang-aabuso kaninang umaga? O talaga bang ganoon katanga si Xia Meng?
"Bakit hindi ka pa kumakain? Dahil ba sa galit ka pa din sa akin? O baka naman mababa ang tingin mo sa akin?" Ginampanan ni Ye Shen ang kanyang parte ng may nakakahilakbot na epekto. Ang mga tanong ay naging utos habang ang ekspresyon nito ay nahaluan ng kalupitan, "Sinabi ko na sa iyo na kumain! Bingi ka ba?!"
"Lumabas ka na," Utos ni Xinghe nang hindi tumitingin dito, "Kakainin ko ang noodles pero hindi kapag nakaharap ka; nawawalan ako ng gana sa pagmumukha mo."
"Ano ang sinabi mo?" Ang tono ni Ye Shen ay unti-unting nananakot. "Ako ang asawa mo at nangahas kang sabihin na ang mukha ko ang sumisira sa gana mong kumain?"
"Kung gusto mo pa ding makuha ang bagay na iyon lumayas ka na!" Nagalit na si Xinghe, hindi man lang natatakot dito.
Nagulat si Ye Shen sa bigla niyang pagsigaw.
Naningkit ang mga mta niya sa babaeng ito na kanyang asawa at nalaman na ang babaeng ito ay… iba.
Ang takot sa kanyang mga mata tuwing nandoroon siya ay nawala na, at napalitan ito ng katapangan…
Talaga bang isang karanasang nakakapagbago ng buhay ang pagpapatiwakal dahil inaalis nito ang lahat kahit na takot?
Natakot si Ye Shen dahil kapag sinubukan nitong muli na magpatiwakal ay magpaalam na siya sa bagay na iyon. Dahil may tapang itong gawin ito ng minsan, wala ng makapipigil pa dito na gawin itong muli.
Pinigilan niya ang kanyang galit at nag-alok ng isang pilit na ngiti. "Sige kung makakaganda ng pakiramdam mo ay aalis ako. Oo nga pala, kailan mo ibibigay sa akin ang bagay na ipinangako mo… Paano kung pagkatapos mo kayang kumain?"