Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 261 - Ang Ikatlong Regalo

Chapter 261 - Ang Ikatlong Regalo

Mabilis itong lumapit kay Xinghe, ang kutsilyo ay kumikislap sa kanyang kamay.

Ang biglang pagkilos ni Ginang Chu ay ikinagulat ng lahat. Kahit ang mga bodyguard ay nasorpresa at nalimutan nilang protektahan si Xinghe…

Gayunpaman, habang ang kutsilyo ay papunta na sa kanya, hindi gumalaw o kumurap si Xinghe na tila ba inaasahan na niya ito.

Habang papalapit ang kutsilyo sa ulo ni Xinghe, si Ginoong Chu at Tianxin ay unti-unting natutuwa.

Kapag napatay ni Ginang Chu si Xinghe, maaaring itulak ni Ginoong Chu ang sisi sa kanya at makipagtalo pa para sa mas magaan na parusa para sa ginawa niyang kalokohan habang si Tianxin ay magkakaroon ng pagkakataon kay Mubai ng walang Xinghe na nakaharang sa kanyang landas.

Bigla ay isang malakas na braso ang humawak sa pulsuhan ni Ginang Chu at ang kutsilyo ay natigil sa ere.

Nanatiling hawak ni Mubai ang braso ni Ginang Chu at, kahit gaanong galaw ang gawin niya, hindi siya makagalaw ng kahit isang pulgada.

Agad na natilihan ang mga bodyguards at dinaganan sa sahig si Ginang Chu at pinigilan siya!

"Pakawalan ninyo ako, kailangan kong patayin si Xia Xinghe, pakawalan ninyo ako…" nagpupumiglas na tulad ng isang nababaliw na babae si Ginang Chu. Ngayon ay makikita na ng lahat kung kanino namana ni Tianxin ang likas na ugali nitong pumatay.

Tiningnan siya ni Xinghe at malakas na sinabi kay Ginang Chu, "Ginang Chu, tunay ang larawan, dahil kung hindi ibibigay ko ba ito sa mga pulis? Ang pamemeke ng ebidensiya ay isang krimen."

Natahimik si Ginang Chu at lumingon sa kanyang asawa. Ang mukha nito ay namutla at nanginginig ang mga daliri nito.

Mag-asawa sila ng maraming taon, alam niya ang mga pagkilos nito. Tama si Xinghe, tunay nga ang larawan.

Nagsimulang magpumiglas muli si Ginang Chu. "Chu Liangpin, pinagtaksilan mo talaga ako? Isa kang walang pusong bastardo! Papatayin kita!"

Hindi siya pinansin ni Xinghe at tumingin sa mga mata ni Tianxin habang sinasabi niya, "Ang ikatlong regalo."

Nanlaki ang mga mata ni Tianxin sa pagkalito.

"Ang pagkakakulong ng nanay mo ang ikatlong regalo ko sa iyo. Natatakot ako na baka mag-isa ang tatay mo sa loob kaya hinanapan ko siya ng kasama. Isa pa, mukhang marami silang pag-uusapan sa loob ng kulungan," paliwanag ni Xinghe sa mahinang tinig.

Nagulantang sina Tianxin at ang kanyang ama.

Plano na ito ng b*tch na ito sa simula pa lamang! Sinadya niyang ipakita ang larawan ng nasa kama para painan ang nanay ko!

Ang tunay na pakay ni Xinghe ay idemanda ng assault charge si Ginang Chu pero dahil binigyan pa siya ng Chu family ng madaming dahilan para idiin sila, handa naman siyang pagbigyan ang mga ito. Mas maganda nga naman ang tangkang pagpatay, aaminin na niya.

"Xia Xinghe, ano ba talaga ang plano mo? Bakit mo tinatarget ang pamilya Chu namin kahit na wala kaming ginawang masama sa iyo?" Nag-aalalang tanong ni Ginoong Chu.

Nakangiting lumingon si Xinghe sa natatarantang reaksiyon nito.

Nanunuyang sumagot si Xinghe, "Wala kayong ginawang masama sa akin? Ako, si Xia Xinghe, ay sumusunod sa pilosopiya na hindi ako aatake kung hindi ako inaatake!"

Marahil ay sumasagot si Xinghe kay Ginoong Chu pero ang kanyang patutsada ay direkta sa kanyang anak.

Bahagyang nanginig ang puso ni Tianxin…