Sa bandang huli, hindi na nakaramdam pa ng panganib si Ruobing sa pagpapakita ni Xinghe kaya hindi na nito itinago pa ang tunay na ugali pa.
Sa oras na nakita niya si Xinghe, isang mayabang na ngiti ang lumitaw sa kanyang mukha. "Xia Xinghe, napahanga naman ako na may lakas ka pa ng loob na magpakita dito. Hindi mo ba alam na ang panalo ay nasa akin na?"
"Panalo… Ikaw? Huwag mo akong patawanin," tuya ni Xinghe.
Hindi naging magalang si Ruobing, kaya walang rason si Xinghe para maging magalang din dito!
Galit na suminghal si Ruobing, "Ang lakas ng loob mo na bastusin ako dahil ako ang mamumuno sa lab na ito gamit ang disenyo KO! Ang produkto ko ay halos kumpleto na, kaya ibig sabihin noon ay natalo ka na!"
Nang-uuyam na itinaas ni Xinghe ang kanyang kilay, "Ikinalulungkot ko pero ang respeto ko ay nakareserba sa mga kapwa tao ko lamang, hindi sa isang kriminal na tulad mo – isang hampaslupang magnanakaw pa."
"Ikaw —" pulang-pula ang mukha ni Ruobing sa galit.
Gayunpaman, agad siyang kumalma habang mayabang siyang ngumiti. "Xia Xinghe, hindi ka pwedeng basta-basta na lamang mag-akusa ng mga tao ng walang ebidensiya. Sinabi mong magnanakaw ako pero nasaan ang pruweba mo?"
"Ang disenyo mo ang pinakamagandang ebidensiya! Hawig ito sa ate ko, kung hindi iyan panggagaya, hindi ko na alam kung ano pa itatawag diyan!" Galit na sinabi ni Xia Zhi.
Binigyan ni Ruobing si Xia Zhi ng isang nakakalantang tingin—
"Mukhang ang b*tch na ito ay nagdala ng isang kuting para ipagtanggol siya. Totoy, kilala mo ba kung sino ang kausap mo? Ako ang may-ari ng lugar na ito! Ginaya ko ang disenyo niya? Hindi, siya ang nagnakaw ng disenyo ko!"
Tumawa si Xia Zhi sa harap niya. "Salamat sa Diyos at nagdesisyon akong sumama ngayon kung hindi ay hindi ko malalaman na may isang taong walang hiya na katulad mo ay talagang nabubuhay sa mundo."
"Sisiguraduhin kong kakainin mo ang mga sinabi mo. Security, bugbugin ninyo ang tresspasser na ito at itapon siya palabas!" Malamig na utos ni Ruobing, hindi man niya direktang maharap si Xinghe pero mas kaya niyang harapin ang mga alalay sa paligid nito.
Oo, ang pahirapan ang mga tao sa kanyang paligid ay siguradong makakapagpainis kay Xia Xinghe!
Agad na dumating ang security…
Tinapunan ni Xinghe ang mga lalaki ng isang nakakatakot na tingin. "Ang sinumang kumanti sa kapatid ko ay agad na masisisante! Huwag ninyong kalimutan, pag-aari ko ang kalahati ng shares ng lab na ito."
Matapos noon ay humarap ito kay Ruobing. "Kung gugustuhin ko, mapapaalis din kita dito."
Bahagyang kumibot ang mukha ni Ruobing pero nangutya ito, "Xia Xinghe, akala mo ba na ikaw talaga ang nagpapatakbo ng palabas? Maaaring ikaw ang may-ari ng kalahati ng mga shares pero ang lab na ito ay hindi sumusunod sa pag-uutos mo. Narito ako sa utos ni Old Madam Xi. Kaya, maliban lang sa kanya at kay Elder Xi, wala ng iba pa ang may karapatan na paalisin ako at kasali ka na doon!"
"Tama ka. Kung ganoon ay ako mismo ang magpapalayas sa iyo kapag wala na sila sa iyong tabi. Gayunpaman, sila na mismo ang magtatapon sa iyo palabas. Zhi, huwag na nating sayangin pa ang oras natin sa kanya," nag-iwan ng babala si Xinghe bago siya tumalikod para umalis.
Halatang hindi apektado si Ruobing dahil ang inisip niya ay nagsisinungaling si Xinghe.
Idagdag pa doon, ang panalo niya ay hindi na maikakaila. Wala ng makakakuha pa niyon sa kanya. Sa oras na ito siya ang tatanghaling nanalo!
"Xia Xinghe, magpakasaya ka na sa buhay mo habang kaya mo pa dahil malapit mo nang makuha ang nararapat sa iyo." Tinapunan ni Ruobing ng matatalim na titig ang likod ni Xinghe bago tinawag ang isa sa mga alalay niya na obserbahan ang mga kilos ni Xinghe.
"Ibalita mo sa akin ang bawat isa sa mga kilos niya. Wala akong pakialam kung gaano man ito kaliit."
"Oo!" Agad na tinanggap ng alalay ang kanyang utos at umalis.
Hindi nagtagal, umalis na si Ruobing, kumportable na malaman na malapit na ang kanyang pagkapanalo. Gayunpaman, ito na ang huling bahagi kaya hindi siya dapat magpabaya.
Narating na ni Xinghe ang sarili niyang lab at hinanap niya si Luo Jun bago itinuloy ang kanyang pananaliksik.