Nakakita na siya ng perpektong utusan para gawin ang gusto niya.
Ito ang dahilan kung bakit sinadya ni Ruobing na galitin si Tianxin sa telepono kahapon. Aatakihin niya si Xinghe sa pamamagitan ni Chu Tianxin.
Masiglang ngumisi si Ruobing sa mahusay niyang plano.
Xia Xinghe, maaaring napakahusay mo pero ano ang silbi ng talento mo kung patay ka na!
Nalalapit na ang pagdating ng iyong kamatayan.
Ang mahusay niyang plano ay nakasalalay sa katotohanang hindi niya maidadawit ang kanyang sarili.
Maliban kay Ruobing, wala ng iba pang nakakaalam na sa ilalim ng mabait at mapagbigay na ugali ni Tianxin ay natatago ang isang mapaghiganti at may problema sa mentalidad na personalidad.
Naniniwala si Ruobing dito dahil sanay si Tianxin na makuha ang lahat ng gusto nito mula pagkabata. Kung mayroong nakaharang sa kanyang target, gaganti ito sa mga paraan na malapit na masabing gawa ng isang baliw.
Nakita ni Ruobing ang kabilang mukha ni Tianxin na ito maraming taon na ang nakaraan. Naghihilakbot pa din siya kapag naaalala ito.
Sa mga panahong iyon, pareho pa silang nag-aaral. Mayroon silang kaklase na may gusto kay Mubai at ang pamilya ng babae ay may malapit na ugnayan sa mga Xi, kaya maraming pagkakataon ang babae na mapalapit kay Mubai.
Kinaibigan ni Tianxin ang babae para makuha ang tiwala nito.
Noong nasa camping trip ang kanilang klase, ay saka isinagawa ni Tianxin ang kanyang masamang plano.
Kung hindi lamang nagising si Ruobing noong gabing iyon para magpunta sa banyo, ay hindi niya malalaman na may baluktot na pagkatao si Tianxin.
Nakita niya na pasikretong pumasok si Tianxin sa tent ng babae na may tangang kulungan. Sa kanyang malaking pagkatakot, ang kulungan ay naglalaman ng makamandag na ahas na kalaunan ay pinawalan ni Tianxin sa tent ng babae.
Sumigaw sa matinding sakit ang babae matapos na matuklaw ito ng ahas, na nagpagising sa buong kampo. Hanggang sa araw na ito, tila naririnig pa ni Ruobing na umaalingawngaw ang sigaw ng babae sa kanyang mga tainga.
Habang nagmamadaling lumabas sa kani-kanilang tent ang mga tao, kalmadong bumalik si Tianxin pabalik sa sarili nitong tent; isang masayang ngisi ang nasa mukha nito.
Dahil nababalutan ng gabi, ang ngisi ay nagbigay ng kilabot kay Ruobing. Ang buong eksena ang nagpawala ng interes ni Ruobing kay Mubai.
Isa lamang siyang ulila noon, walang paraan na maging kakumpetensiya niya si Tianxin.
Isa pa, ang mamatay dahil sa isang lalaki ay hindi kasinghalaga ng buhay niya.
Milya ang layo ng camping site mula sa siyudad kaya namatay ang babae sa lason.
Namuhay si Tianxin ng tulad ng dati matapos na makapatay, at isa lamang itong kabataan noon.
Isang kabataang babae na pumapatay ng hindi man lang kumukurap…
Inamin ni Ruobing sa sarili na hindi niya magagawa ang ganitong bagay ngunit taon na ang lumipas mula noon. Sinubok na din niya ang ugali ni Tianxin, mataliino ang babae at tutok din sa layunin nito; madali itong maimamanipula. Kaya naman nanatili si Ruobing na maging kaibigan si Tianxin, ang isang rason ay para manmanan si Tianxin at ang isa pa ay ang maimanipula ang walang-awa at makitid ang utak na si Tianxin kung kinakailangan ng pagkakataon.
At ngayon, ang pagkakataon ay dumating na.
Ilang sulsol lamang at maipapadala na niya si Chu Tianxin sa buntot ni Xia Xinghe.
Madali ngang nagawa ni Xinghe ito para sa kanya dahil ang tanging gusto ni Tianxin sa buhay nito ay si XI Mubai.
Sa pagpapaalala kay Tianxin ng kapabilidad ni Xinghe na maakit si Mubai ay magpapagalit ng husto agad dito.
Ang demonyong nananahan sa loob ni Tianxin ay maaaring lumaki na sa paglipas ng mga taon.
Magkakaroon ng masamang wakas si Xinghe kaysa sa babae doon sa camp. Sabik na ngumiti si Ruobing habang iniisip ang posibilidad na ito. Sa simula, ayaw niyang ibigay kay Xinghe ang kamatayan, pero nakay Xinghe ang isang bagay na nagpasidhi ng pagkamuhi niya dito, ang hindi maikukumparang talento nito.
Kaya naman, kailangang mamatay ni Xia Xinghe! Matapos lamang ng kamatayan niya ay makukuha ko ang lahat ng nararapat sa akin!
Dahil sa kakulangan ng kamalayan sa sarili, hindi napansin ni Ruobing na ang kaisipan niya ay nagsisimula ng tumugma sa kaisipan ni Tianxin. Nagsimula na siyang mag-isip tungkol sa kamatayan ni Xinghe. Dahil matapos ang lahat, bakit ba hindi nila alisin ang mga balakid na nakaharang sa kanila na makuha ang mga bagay na nararapat sa kanilang pamumuhay?
Ngayong buo na ang isip niya, lumakad papalayo si Ruobing ng may nakakatakot na ngiti, tulad ng isa na nakita niya maraming taon na, na nakapaskil sa kanyang mukha…