Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 2 - Matanda at Pangit na Ngayon

Chapter 2 - Matanda at Pangit na Ngayon

Napanaginipan niya ang lahat ng pangyayari noong bago siya tumuntong sa edad na 19. Ang lahat ng alaalang akala niya'y tuluyan ng nawala ay muling naibalik sa kanya.

Napagtanto niya na ang Xia Xinghe ng nakalipas ay hindi mahina ang loob; hindi sana niya dadanasin ang nakakaawang lagay na ito.

Siya ang ipinagmamalaki ng kanyang pamilya noon… ngunit ngayon..

Naglandas ang mga luha ng kalungkutan sa kanyang mukha noong naalala niya ang mga problema at dagok na kanyang dinanas.

"Wala pa ring malay ang pasyente pero bumubuti na siya at stable na rin ang kanyang lagay. Nagkaroon siya ng minor concussion sa ulo, at magiging maayos na siya pagkatapos ng isa o dalawang linggong pahinga. Pero nangangailangan siya ng mga bitamina dahil sa matagal na panghihina ng kanyang katawan gawa ng malnutrisyon.

Ipinaliwanag ng doktor ng buong detalye ang kalagayan ng katawan ni Xinghe kay Mubai sa loob ng hospital room.

Napakunot-noo ang magandang lalaki.

Paanong nangyari na si Xinghe ay dumanas ng malnutrisyon sa matagal na panahon?

Napalingon si Mubai upang tingnan si Xinghe, na agad niyang napansin ang naglandas na luha sa mukhang dumanas ng hirap ng dating asawa.

Nanginig ng bahagya ang kanyang mga mata habang may mga emosyong tumagos sa kanyang puso.

Xia Xinghe, anong klaseng pamumuhay ang nangyari sa iyo pagkatapos ng ating diborsyo?

Sa parehong pagkakataon, si Tianxin na nakatayo sa tabi ni Mubai, ay tinitigan si Xinghe habang malalim ding nag-iisip.

Tiningnan niya ang babae na dati ay may relasyon kay Mubai, ngunit kanyang napagtagumpayang mapaalis; siya ay nakadama ng sobrang kasiyahan. Ang puso niya ay puno ng tuwa habang nakikitang miserable ang lagay ni Xinghe.

Xia Xinghe, natalo na kita noon… mas magiging miserable ka na ngayong ikaw ay tumanda na at pumangit. Hindi ko na kailangang mag-aksaya pa ng enerhiya sa iyo. Sigurado akong mabubulok ka na lamang tulad ng basurang kinapuntahan mo.

Dahil kahit ang tanga, alam na kung sino ang pipiliin kapag pinapili sa pagitan ng magandang babae at matandang pulubi.

May agam-agam noon si Tianxin sa maganda at batang Xinghe, pero ngayon...

Ang mga saloobing ito ang nagpaganda ng kalooban ni Tianxin kaya nakaramdam siya ng kaunting awa sa kanyang dating karibal.

Kinalabit niya si Mubai at bumulong, "Mubai, huwag kang mag-alala. Magiging maayos si Xinghe. Ano kaya at hanapan natin siya ng personal nurse o kaya ay iwanan natin ng pera? Alam kong mas kailangan nya yun ngayon."

Tiningnan ni Mubai ang kanyang kasintahan at tumango.

"Mubai, medyo gumagabi na. Mayroon pa tayong family dinner na pupuntahan ngayon para pag-usapan ang ating nalalapit na kasal. Hindi ba dapat na tayong umalis?",nanunubok na tanong ni Tianxin.

Saka lamang naalala ni Mubai na mayroon ngang pagtitipon silang pupuntahan.

Pagkatapos ng diborsyo ay ni hindi niya hinangad na maghanap ng bagong asawa ngunit dahil siya ang nag-iisang lalaking tagapagmana ng pamilyang Xi, kailangan niyang magpakasal upang makasiguradong magtutuloy ang apelyido ng mga Xi.

Kababata niya si Tianxin. Mahal ng buong Xi Family si Tianxin; ang kanyang kagandahang anyo at katalinuhan ay dagdag na puntos rin. Kaya naman noong napawalang-bisa na ang kanyang kasal ay agad silang ipinagkasundo.

Mabait si Mubai kay Tianxin ngunit hindi niya ito mahal. Sa kasalukuyan, wala pang babaeng nakapagpatibok ng puso niya.

Kahit ang kasal niya kay Xinghe ay hindi dahil sa pagmamahal sapagkat sila ay ipinagkasundo lamang.

Para sa kanya, basta ang kanyang asawa ay ipinanganak na babae, ayos lang sa kanya kung sino man ang kanyang mapakasalan.

Lalo lamang tumindi ang kanyang pagwawalang-bahala pagkatapos ng hiwalayan nila ni Xinghe. Nagkibit-balikat na lamang at agad siyang pumayag ng ilahad sa kanya ng pamilya ang planong pakasalan si Tianxin. At ngayong gabi ang pormal na hapunan ng dalawang pamilya upang pag-usapan ang kanilang kasal.

At noon ngang umaga ay naghahanap sila ng restaurant na pagdarausan ng kanilang wedding reception, pagkatapos ay ang paghanap ng kanilang damit pangkasal...

Sino makapag-aakalang makikita nila si Xia Xinghe.

Ang dating asawang hindi niya nakita sa loob ng 3 taon.

Kung tutuusin, minsan ng naisip ni Mubai kung paano sila muling magkikita, ngunit hindi niya inakala na sa ganitong paraan sila magkakatagpong muli.

Hindi ba't siya ang young mistress ng Xia Family, ano at paano nangyari na nasadlak siya sa ganoong kalagayan?