"Kung gayon patutunayan ko na lamang ito ng gawa ko," buong kumpiyansang sagot ni Xinghe.
Naningkit ang mapang-uring tingin ni Lolo Xi.
May kakayahan siyang basahin ang mga tao. Masasabi niyang hindi nagkukunwari si Xinghe pero hindi pa din siya naniniwala na magagawa niyang matapos ang misyon na ito.
Sa paglipas ng mga taon, gumastos na ng hindi mabilang na salapi ang Xi Family para mabuo ang teknolohiyang ito pero nabigo sila; ang laban na ito ay wala sa pabor ni Xinghe.
"Lolo, bakit hindi mo siya hayaang subukan ito wala namang mawawala sa atin," sabi ni Mubai sa tabi niya, "Isa pa, naniniwala ako sa kanya!"
"Naniniwala ka sa kanya?" Nagulat ang kanyang lolo.
Walang pag-aatubili sa sagot ni Mubai, "Definitely."
Hindi siya nagsisinungaling para payapain ang kanyang lolo. Sa ibang kadahilanan, lubos siyang nagtitiwala kay Xinghe.
Dahil sa nakuha nito ang tiwala ng kanyang apo, nagdesisyon si Lolo Xi na bigyan ng pagkakataon si Xinghe. Inanunsiyo nito, "Sige! May pagkakataon kang subukan ito, kung magagawa mo ito, ibibigay ko ang kahilingan mo, pero kung nabigo ka, dapat ay maluwag sa loob mo na hiwalayan ng lubusan si Lin Lin!"
"Kung gayon, ayos na ang lahat. Ipinapangako ko sa iyo!" Tinanggap ni Xinghe ang hamon ng may tiwala sa sarili. Ang kanyang tapang na tanggapin ang pagkapanalo o pagkatalo ay nagpabilib sa lahat ng naroroon.
Si Lolo Xi, sa ibang kadahilanan, ay nagsimula ng asamin ang kanyang tagumpay.
Kapag naging matagumpay ang babaeng ito, ipapakasal niya itong muli sa Xi Family, sa ganoong paraan ay mananatili sa kanila si Lin Lin at Xinghe.
Ganoon din ang plano ni Mubai; gusto niyang manatili sa kanya ang kanyang anak at ang ina ng anak niya.
Syempre, wala pa ding alam si Xinghe sa intensiyon ng mga ito. Gayunpaman, hindi pa din niya ito alintana kahit na malaman pa niya.
Hindi nila siya mapipilit na makasal na muli kapag tumanggi siya!
Ang balita na gagawa si Xinghe ng isang artipisyal na braso para kay Old Madam Xi ay nakarating na kay Ginang Xi.
"Ano ang sinabi mo?" Gulat na napatitig si Ruobing sa katulong. "Ang Xia Xinghe na ito ay nagsabing igagawa niya ng bagay na kailangan niya si Old Madam?"
Tumango bilang sagot ang katulong, "Tama po, iyan ang sinabi ni Miss Xia. Ang Old Sir ay pumayag na bigyan siya ng pagkakataon at gayun din si Young Master."
May malisyang tumawa si Ruobing. "Ano ba ang akala ni Xia Xinghe sa sarili niya? Ang hamon na ito ay madaling sabihin kaysa gawin."
"Nabanggit din po ni Miss Xia na makakagawa siya ng resulta sa wala pa sa loob ng isang buwan," dagdag ng katulong.
Sa pagkakataong ito nanigas ang ngiti ni Ruobing sa mukha nito at nasisindak siyang napatitig sa katulong!
Kahit na si Old Madam Xi na nakaupo sa tabi nila na nagpipinta ay itinaas ang mga mata nito at nagkomento, "Ang babaeng ito ay may ganoong tiwala sa sarili?" Ang kanyang tono ay mapayapa ng walang mababanaag na emosyon.
"Nagtataglay po siya ng kakaibang katiyakan sa sarili," magalang na sagot ng katulong.
"Old Madam, sigurado akong ang Xia Xinghe na ito ay nagyayabang lamang. Hindi niya alam ang pinapasok niya. Ang kawalan ng teknolohiyang kailangan para gumawa ng isang perpektong artipisyal na braso sa loob ng isang buwan ay imposible naman." Ang kanyang tono ay puno ng alinlangan at paglait kay Xinghe.
Hindi sa ayaw niyang pagkatiwalaan si Xinghe ngunit sa mga nakalipas na dekada, ang Xi Family ay nakaubos na ng maraming kayamanan para makagawa ng perpektong human-emulated na artipisyal na braso pero ang lahat ng pagod nila ay nauwi sa wala. Ang lahat ng mga 'eksperto' ay nabigo. Kaya naman, paanong magagawa ni Xinghe, ang isang babaeng walang alam, na magawa ang bagay na ito?
Isa pa, ang paggawa ng teknolohiyang ito ay nangangailangan ng malalim at esoteric na kaalaman sa computer at programming.
Hindi na kailangan pang sabihin na hindi na umaasa pa si Old Madam Xi dito.
Ngunit, ang kahiligan niyang mabuo ang kanyang sarili muli ay hindi pa din nawawala sa pagdaan ng panahon, kung anupaman, ang paglipas ng mga taon ay lalo lamang nagpasidhi sa kahilingan niyang ito.
Ito ang pinakamalaking minimithi ng kanyang puso.
Kung hindi matutupad ang kanyang kahiligan bago siya mamatay, mukhang hindi siya matatahimik.
Sinulyapan niya ang kanyang kanang braso na nawawala at ang kanyang mga mata ay kinakitaan ng pagkapoot.
Ito ang pinakapangit na parte ng kanyang katawan, ang pinakamasakit sa kanyang puso.