Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 127 - Patayin Ngayong Gabi si Xia Xinghe

Chapter 127 - Patayin Ngayong Gabi si Xia Xinghe

Nagtatangis ang mga ngipin ni Wushuang na nagsalita, "Iyon ay dahil nawala ang kanyang memorya. Ngayong nabawi na niya ito, binabalikan na niya tayo."

"Kaya naman pala ang lakas ng loob niya doon sa presinto!" Reklamo ni Wu Rong, "Ang bwisit na iyon, hindi ko na dapat kinaawaan pa siya."

"Mom, ngayon ay dapat tapusin na natin ang planong ito kung hindi ay tayo naman ang mauunahan niya," seryosong babala ni Wushuang.

Tumango bilang pagsang-ayon si Wu Rong.

"Oo, tama ka. Dahil pinuntirya niya si Chui Ming, hindi niya tayo titigilan. Ang pagtira niya kay Chui Ming ay para wala na tayong maaatrasan pa. Sa sandaling bumagsak ang Chui Corps, tayo na ang isusunod niya…"

"Hindi tayo papalampasin ni Xia Xinghe ng ganoon kadali!" Matiim na sambit ni Wushuang.

Sigurado siya doon.

Hindi sila kakaawaan ni Xinghe.

Sa oras na mahulog sila sa mga kamay ni Xinghe, ang buhay nila ay matatapos na.

Ginugol ni Wu Rong ang buong buhay niya para makuha ang kanyang tinatamasa ngayon at mahirap para kay Wushuang na umakyat para marating ang ituktok.

Pareho silang hindi makapapayag na sirain ni Xinghe ang lahat ng tinatamasa nila ngayon.

Handa silang magplano at pumatay para makuha ang Xia family's estate kaya natural na sa kanila na hindi nila ito ibibigay ng hindi lumalaban.

Isa itong labanan hanggang kamatayan ngayon. Wala ng makakapigil pa sa kanila.

"Mukhang kailangan nang humiling kay Black Three na bumalik sa entablado," isang malamig na ngiti ang nanulas sa labi ni Wu Rong habang nagsasalita.

Nagliwanag ang mga mata ni Wushuang ng maalala ito. "Mom, nakokontak pa ninyo ang taong ito?"

Walang ibang alam si Wushuang tungkol sa misteryosong Black Three. Ang alam lamang niya ay isa itong propesyunal na assassin.

Maraming taon na ang nakaraan, inupahan ito ni Wu Rong para kay patayin sina Chengwu at Xinghe.

Kilala si Black Three dahil sa malinis siyang magtrabaho. Hindi siya nag-iiwan ng ebidensiya para matukoy ng mga pulis na galing sa kanya.

Napanatag si Wushuang ng malaman na ito ang magiging kinatawan nila.

Ngumisi si Wu Rong. "Oo naman makokontak ko siya. Tatawagan ko siya mamaya para siya na ang bahala sa bwisit na si Xia Xinghe!"

Nasasabik at nag-aalala naman si Wushuang. "Pero kung gagawin natin ito ngayon, hindi ba tayo paghihinalaan…"

Dahil hayagan ngang hinamon ni Xinghe si Chui Ming. Kung may mangyari man sa kanya ngayon, pagsususpetsahan sila ng mga tao.

Tinitigan siya ng masama ni Wu Rong. "Eh ano ngayon kung pagsuspetsahan tayo, kailangan nila ng ebidensiya! Saka, sa kalagayan natin ngayon, sa tingin mo ay may oras pa tayong dapat sayangin? Babagsak na si Chui Ming, ang susunod ay tayo. Kailangang unahan na natin si Xia Xinghe bago pa mahuli ang lahat."

"Pero madadamay ng husto rito si Chui Ming…"

"Sa tingin mo ay madali lang pabagsakin si Chui Ming? Saka hindi naman siya direktang sangkot dito kaya wala silang maididiin sa kanya. Ayokong ipaalala sa iyo ito pero pagdating ng oras, mas gugustuhin ko pang siya ang madiin kaysa tayo. Wushuang, sa panahong ito, kailangan na may mga bagay tayong isakripisyo."

Unti-unting nakumbinsi ng mga salita ng ina niya si Wushuang.

Tama ang kanyang ina, sa panahong ito, wala ng halaga pa ang mga awa. Kailangan na niyang gawin ang lahat para iligtas ang kanyang sarili kahit na nangangahulugan nitong si Chui Ming ang madidiin.

Kailangan niyang isalba ang sarili niya. Masyado na siyang maraming ginawa para mawala na lamang basta-basta ang mga pinaghirapan niya.

Isa pa, naniniwala siyang ganoon din ang gagawin ni Chui Ming. Ang galit nito ay nakatutok sa kanya noong oras na napahamak ang Chui Corps. Halata namang hindi siya nito pinapahalagahan; kaya naman, bakit ba pahahalagahan niya ito?