Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 123 - Ang Takbo ng Pag-iisip ng isang Henyo

Chapter 123 - Ang Takbo ng Pag-iisip ng isang Henyo

Kumurap si Xinghe. "Ano ang tinititigan ninyong dalawa?"

"Ate, pumasok ka doon ng hindi lalampas sa limang minuto at tapos na agad ang partnership?" Hindi makapaniwalang tanong ni Xia Zhi.

Tumango si Xinghe at kinumpirma, "Yup, nakahanda na ang lahat. Xiao Mo, pupwede ka nang pumunta at pirmahan ang kontrata bukas. Nabasa ko na ang kontrata, wala naman itong problema."

"…Sige." Sinarili na lamang ni Xiao Mo ang gusto niyang ipuna.

Pero hindi ganoon si Xia Zhi. "Ate, ang partnership na ito ay napakaimportante. Paano mo natapos ang lahat ng wala pang limang minuto? Hindi ba masyado itong minadali? Hindi ka ba natatakot na samantalahin tayo ni Xi Mubai?"

"Ano pa ba sasamantalahin niya sa atin?" Balik tanong ni Xinghe.

"…" Walang maisagot si Xia Zhi. Oo nga naman, ano pa ba ang sasamantalahin nga sa kanila?

Dapat pa nga ay magdiwang sila na payag makipagtulungan si Xi Mubai sa kanila.

Dahil kahit saang anggulo mo ito tingnan, puro benepisyo lamang ang makukuha nila sa partnership na ito.

Iyon din ang napagpasyahan ni Xiao Mo. Habang tinitingnan niya ang kontrata, napagtanto niya na ang mga benepisyong ibinigay ni Mubai sa kanila ay sagana.

"Binigyan tayo ng magandang kasunduan ng Xi Empire, ayos lang na makipagtulungan tayo sa kanila," sabi niya ng nakangiti pero biglang pumanglaw ang ngiting ito, "Pero ang katotohanan na ninakaw natin ang kontratang ito mula kay Chui Ming. Idagdag pa ang pamamahiya natin sa kanya ngayon, nangangamba ako na gagawa siya ng paraan para saktan ka. Miss Xia, sana ay mag-ingat ka ng husto. Kayang gawin ni Chui Ming ang mga karumal-dumal na gawain kung kailangan nila itong gawin."

Nag-alala din si Xia Zhi. "Ate, bakit hindi tayo umupa ng mga bodyguard? Hindi ako natatakot kay Chui Ming pero nangangamba ako sa kaligtasan mo."

Nagkibit-balikat lamang si Xinghe. "Mas natatakot ako kung wala siyang oras para gantihan tayo."

"Bakit?" Isang nagulantang na Xia Zhi ang tumingin sa kanya mula sa rear-view mirror.

"Dahil masyado siyang abala ngayon."

"…Ate, hindi itoa ng oras para magbiro!" Naumid ang dila ni Xia Zhi. Hindi niya kailanman maiintindihan kung paano ang takbo ng pag-iisip ng isang henyo.

Hindi nila alam, pero tama si Xinghe. Masyado ngang abala si Chui Ming para magplano sa kanila.

Pagkatapos niyang lisanin ang Hacker Competition, nagpatawag siya ng emergency shareholders' meeting para resolbahan ang papalapit na krisis.

Ang totoo niyan, ang pagkatalo sa kumpetisyon at ang pagkawala ng partnership sa Xi Empire ay hindi dapat na maging malaking krisis.

Ito ay kasalanan ni Chui Ming dahil sa pagiging high-profile niya, na ipinangalandakan pa sa buong mundo, Ang Chui Corps ay magkakaroon ng partnership sa Xi Empire.

Nagdulot ito ng pagtaas sa presyo ng kanilang mga stocks.

Ngunit, hindi natuloy ang partnership. Napahiya pa ni Xinghe sa buong publiko si Chui Ming, na umamin sa silid ng mga maipluwensiyang tao sa business na siya ay natalo. Malaking dagok din ito sa reputasyon ng Chui Corps.

Sa sandaling kumalat ang balitang ito sa publiko, siguradong babagsak ang presyo ng kanilang stocks!

Isang malaking sakuna na mangyayari kinabukasan…

Kaya naman nanatili sa kanyang kumpanya si Chui Ming, nag-iisip ng mga paraan para maisalba sila sa kapahamakan. Wala na siyang oras na umuwi pa at sagutin ang mga tawag ni Wushuang.

Hindi alam ni Wushuang na natalo ni Xinghe ang Chui Corps. Ang tanging nasa isip niya ay tanungin ang asawa kung naipaghiganti na siya nito kay Xinghe.

Galit na galit pa din siya kapag naiisip ang nangyari sa presinto. Pero kahit na anong mangyari, kung hindi nila ito magagawa ng patas, marami pa namang paraan para lihim na maipapatay ang isang tao. Kapag nakauwi na si Chui Ming, hihilingin niya dito na umarkila ng tao para ibigay ang karumal-dumal na kamatayan kay Xia Xinghe!

Ang maisip lamang ang nalalapit na katapusan ni Xinghe ay nagpaganda ng mood niya.

Dinala niya si Wu Rong, na nakaranas din ng pahirap sa mga kamay ni Xinghe, sa spa para mag-relax. Nag-shiatsu massage din sila para mawala ang mga stress nila sa katawan. Iyon ang araw kung saan maluhong pagbibigay-hilig ang ginawa nila sa kanilang sarili.

Hindi nila alam na ito na pala ang huling pagkakataon na mapapasaya nila ang kanilang mga sarili…

Kinabukasan ng umaga, pinirmahan ni Xiao Mo ang kontrata nila ni Mubai.

Ang balita ng partnership ay agad na naisapubliko. Agad na naramdaman ng Chui Corps ang pagbagsak ng presyo ng mga stocks nila.

Alam na ni Chui Ming na babagsak ang stocks nila pero hindi niya inaasahan na sobrang laki ng ibabagsak nito.