Tinignan ni Liu Ying si Eleven na nakaupo malapit sa kanya, pinuntahan niya si Eleven at kumibo ang kanyang labi. "Galingan mong makipaglaban mamaya sa kompetisyon. 'Wag mong bibiguin ang BOSS natin."
Sumagot si Eleven nang marinig niya iyon, "Mukhang ayaw ako ng lahat na maging punong kapitan, noh?"
"Hindi naman siguro - umaasa siguro si Miss Ye Wan Wan na makakuha ka ng himala galing sa kalangitan. Narinig ko ang sabi nila na guro mo daw si Miss Wan Wan." Matalas ang tingin ni Liu Ying kay Ye Wan Wan na nakaupo kasama ang iba pang manonood.
"Tama," buong pusong inamin ni Eleven. "Sobrang lakas ni guro; sayang kasi kaunti lang ang natutunan ko sa kanya, pero sapat na ang kaunting kaalaman para maipakita ko iyon sa kompetisyon."
"Sobrang lakas?"
Tumaas ang mga labi ni Liu Ying, pinapakita niya ang pagkasuya at pangangasar sa kanyang mukha, habang mapanlait niyang tiningnan si Eleven.
Noong gabing sa bar, papatayin niya na sana si Ye Wan Wan gamit ang kanyang daliri, kung hindi lang dahil kay master.
Ngunit, ginamit ni Eleven ang mga salitang "sobrang lakas" para ilarawan si Ye Wan Wan...
"Eleven…" inunat ni Liu Ying ang kanyang braso at pinatong niya ito sa kaliwang balikat ni Eleven at matapat siyang nagsalita kay Eleven: "Walang masama sa intensyon mong maging mahusay, patuloy kang umaakyat sa hagdan para makamtan ang mataas na posisyon… pero… dapat parehas ng abilidad mo ang pipiliin mong posisyon. Ang pinaka importanteng bagay, ayon kay Junior - dapat alam mo ang sarili mong abilidad. Hindi ka na kayang pagalingin ng isang walang kwentang doktor kung malala na ang sakit mo."
Napakunot si Eleven nang marinig niya ang sinabi ni Liu Ying. Nainis siya dahil ininsulto siya ni Liu Ying at hindi lang iyon… walang awa niya pang ininsulto ang guro ni Eleven at hindi man lang siya nagdahan-dahan sa kanyang pananalita!
"Liu… Liu… Liu Ying… Ele… Ele…tata… tatalunin… ka… ni… Kapitan Ele… Kapitan Eleven!" nagsalita si Bulol na nakatayo sa tabi ni Liu Ying.
"Tsk…" nangutya si Liu Ying. "Gusto ko sanang matutunan yung walang kwentang pabidang mga galawan ni Eleven. Kaso nga lang… baka hindi siya tumagal sa ring."
Umiling si Liu Ying at umalis siya pagkatapos niyang magsalita.
Pagkaalis ni Liu Ying, mahigpit na nakasara ang mga kamao ng bawat miyembro ng Dark Team 1.
Sa lahat ng Dark Teams, ang Dark Team 1 ay malakas naman, hindi tulad ng iniisip ng mga tao.
Gayunpaman, hindi sila pinapansin ng kapitan sa tuwing nasa misyon sila, para bang wala silang bilang sa misyon na ginagawa nila.
Habang lumilipas ang panahon simula noong su Eleven ang naging pansamantalang punong kapitan nila, naging maayos ang pakikibaka nila sa mga misyon. Ang bawat misyon nila ay nagawa nila ng maayos at walang bahid ng mali, mahusay silang lahat at hindi mababa ang tingin nila sa ibang mga grupo.
Arogante, malupit at mababa pa rin ang tingin ni Liu Ying sa punong kapitan na si Eleven, kahit hindi na siya ang punong kapitan.
"Kapitan, kailangan mong ipamahagi sa kanila ang tunay na kapangyarihan ng Dark Team 1!"
"Tama! Nakakababa ang tingin ng ibang Dark Teams sa Dark Team 1! Epektibo rin tayo tulad ng ibang teams sa tuwing tinatapos natin ang mga misyon at si kapitan Eleven ay may kakayahan rin tulad ni Liu Ying!"
"Mas magaling na lider si Eleven kaysa kay Liu Ying. Tingnan mo ang team natin - lagi tayong minamaliit kaya kailangan nating ipaalam sa kanila kung sino ang pinaka-malakas na Dark Team!"
Sa oras na ito, nararamdaman ng mga miyembro ng Dark Team 1 na walang hustisya ang trato sa kanila ng ibang mga teams.
"Kapitan, kailangan mong makuha ang posisyon na punong kapitan!" Galit na sinabi ng isang miyembro ng Dark Team 1.
Sumagot si Eleven nang marinig niya iyon, "Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko."
Malamang, kung ibabase natin noon, walang kumpyansa sa sarili si Eleven noong lumipas na tatlong buwan.
Ngunit iba na ngayon.
"Pagkatapos kong magpagod para magsanay hanggang sa bumanat ang buto ko… siguro… kaya ko na siyang talunin…" lumiwanag ang mga mata ni Eleven.