Chapter 345 - Ang pagsama-sama ng pamilya

Pagkatapos nito, si Ye Wan Wan at ang kanyang ama ay bumalik sa kanilang mga upuan.

Ang kanilang lamesa ay nasa gilid, kaya bukod sa kanilang pamilya, wala nang ibang nandoon.

Matapos bumalik ang lahat sa kanilang mga upuan, ang buong pamilya ay tahimik lamang.

Si Ye Wan Wan ay umupo sa isang bakanteng upuan sa tabi ni Ye Mu Fan, sa tapat ng kanyang mga magulang. Madali at mahusay niyang pinakita ang pagkamuhi sa pamilya ng kanyang tito at napakagaling rin ng performance niya sa kanyang lolo at sa mga bisita, parang isang mangangatay na may hawak na palakol. Sa sandaling ito, ang lahat ay walang magawa at halos tulala sila, hindi sila makapagsalita.

Si Ye Mu Fan ay nakayuko habang umiinom ng alak sa buong oras na andoon sila, habang si Ye Shao Ting ay mukhang naguguluhan at nananahimik lamang. Sumusuyap-sulyap si Liang Wan Jun sa kanyang anak na babae at hindi siya makapanatili sa kanyang inuupuan--andami niyang mga tanong na gustong itanong kay Ye Wan Wan, maraming bagay na gusto niyang sabihin, pero nang matandaan niya ang gulo at ugali ni Ye Wan Wan sa kanya noon, nagdadalawang isip siya at hindi niya alam kung paano makikipag-usap sa kanyang babaeng anak.

Tila parang huminto ang buong paligid.

Humigpit ang kamao ni Ye Wan Wan nang maghahanda na sana siyang magsalita, pero nilunok niya ang mga salitang sasabihin niya noong palabas na sana ito sa kanyang bunganga.

Naghanda na ng sasabihin at gagawin si Ye Wan Wan sa pamilya niya na ngayon niya lang nakita ulit, pero ngayon, natameme siya at wala siyang masabi.

Ano ba ang dapat kong sabihin?

Manghihingi ba ako ng tawad?

Daan-daan, hindi, libu-libong paumanhin ay hindi sapat para sa lahat ng mga kasuklam-suklam na kasalanan na ginawa niya noon.

Andami niya nang pinaghirapan at ginawa na niya ang lahat; nagpakapagod rin siya sa kanyang pag-aaral pero sa puntong ito, napagtanto niya na hindi sapat ang lahat ng paghihirap niya--walang kwenta ito. Binalot ng kalungkutan ang kanyang puso nang makita niya ang matanda at pagod na mukha ng kanyang mga magulang, at kung paano sila inasar-asar ng mga tito at tita niya sa harap ng mga tao; lalo siyang nahirapan na humarap sa kanyang mga magulang dahil dito...

"Ako ..." Binuksan ni Ye Wan Wan ang kanyang bibig ngunit ang kanyang lalamunan ay namamaos.

Ngunit sa huli, nang makita ni Liang Wan Jun ang kanyang babaeng anak na nahihirapan, hindi na siya nakapagtimpi pa at wala na siyang pakialam kung galit pa rin sa kanya si Ye Wan Wan. Gamit ang likas na karunungan ng isang ina, inunat niya ang kanyang mga kamay at hinwak-hawakan niya ang buhok ni Ye Wan Wan habang makikita sa kanyang mga mata ang kalungkutan ng isang ina. "Pumayat ka ata Ye Wan Wan… mahirap siguro ang buhay sa labas…"

Nabigla si Ye Wan Wan at ang luha niya ay tumulo sa lamesa nang marinig niya ang sinabi ng kanyang nanay.

Pahinto-hinto ang luha sa mga mata ni Ye Wan Wan--nagamabala ng mag-ina ang katahimikan sa lamesang iyon.

Walang pakialam si Liang Wan Jun sa kahit ano at dinaanan niya lang ang kanyang asawa at lalaking anak nang mabilis siyang tumakbo papunta kay Ye Wan Wan. "Anong problema Wan Wan? Bakit ka umiiyak? May nangaway ba sayo sa labas?"

Hindi lamang nag-alala si Liang Wan Jun, ngunit pati na si Ye Shao Ting, na hindi magaling sa mga salita at tahimik lang sa buong pangyayari, ay nababalisa at mukhang nangangamba siya sa nangyayari kay Ye Wan Wan. "Anak, ano ang nangyari? dali, sabihin sa tatay! May nang-aapi ba sa iyo?"

Hindi tumitigil ang pagdaloy ng luha ni Ye Wan Wan...

Pagkatapos ng pagtrato niya sa kanila ng mga nakaraan, pagkatapos ng lahat ng mga maling bagay na ginawa niya, nag-aalala pa rin siya na baka hindi na siya kailanmang kayang patawarin ng pamilya niya at hindi niya na rin alam ang gagawin niya kung hindi siya mapapatawad ng sarili niyang pamilya...

Gayunpaman ...

Hindi kailanman ... niyang inisip kung ano ang gagawin niya kung hindi iyon nangyari ...

Dahil sa isang patak ng luha ni Ye Wan Wan, hindi sila nagtanamin ng galit sa kanya at patuloy na nagmamalasakit para sa kanya, patuloy pa rin nilang minamahal ang kanilang anak...

"Mama..." Biglang lumapit si Ye Wan Wan niyakap niya ang kanyang inang si Liang Wan Jun. "Patawad ... patawarin mo ako mama... hindi ko kayo dapat tinrato ng masama ni papa ... hindi ko dapat na sinabi ang masasakit na mga salitang iyon... Alam ko ang aking mga pagkakamali... pakiusap at 'wag kayong magalit sa akin... 'wag niyo kong iiwan ha... "

Hindi makapaniwala si Liang Wan Jun nang niyakap at narinig niya ang mga sinabi ni Ye Wan Wan, bigla na rin siyang napaiyak dahil sa nangyari, "Ikaw bata ka… bakit naman magagalit si mama at papa sayo…"