Chereads / Perfect Secret Love: The Bad New Wife is a Little Sweet (Tagalog) / Chapter 316 - Hindi lumilingon ang leon sa tahol ng isang aso

Chapter 316 - Hindi lumilingon ang leon sa tahol ng isang aso

Sa opisina.

"May karanasan ka ba sa martial arts?" tanong ni Ye Wan Wan.

Kumibot ang labi ni Luo Chen, "Kaunti lang, pero…"

Nagkaroon siya ng pagsasanay sa martial arts noon, habang ginagawa ang pelikula na "Terrifying Dragon" ngunit tatlong taon na ang nakalipas noong huli niyang pagsasanay.

Pinasa ni Ye Wan Wan ang talaorasan sa kanya. "Siguro hindi ka na pamilyar dahil matagal ka nang hindi nakakapag-ensayo, kaya may inayos akong martial arts training sessions para sayo. Ituon mo ang buong atensyon mo sa mga ituturo ng master itong susunod na mga araw at 'wag ka munang mag-abala sa ibang mga bagay, lalo na sa mga hindi importanteng mga tao. Ang isang leon ay hindi lumilingon sa kumakahol na aso."

Seryoso si Luo Chen nang tumango siya at hindi nag-dalawang isip na kunin ang talaorasan. Hindi na niya tinanong ang kanyang manager kung bakit siya pinilit na mag-aral ng martial arts habang ang ibang mga artista ay pinapaaral ng mga managers nila ng pag-kanta at pag-sayaw.

Hindi na rin niya tinanong si Ye Wan Wan kung bakit siya ginawan ng isang eksena sa Terrifying Dragon ngayong araw.

Tila lumambot ang puso ni Ye Wan Wan nang makitang masunurin si Luo Chen. "Wala ka pang pera para gumawa ng pangkat, kaya makipag trabaho ka na muna sa mga trabahador ng kumpanya sa ngayon. Sa hinaharap naman eh, magkakaroon na tayo ng pera para gumawa ng sarili mong koponan."

Parang pangako ang mga salitang sinambit niya, pero katumbas nito ay isang propesiya--propesiya na maganda ang kinabukasan ni Luo Chen na tila magiging sikat siya.

Tila parang pumasok ang init sa patay na puso ni Luo Chen habang nakatingin siya sa malamig na mga mata ni Ye Wan Wan.

...

Sa sumunod na mga oras, naging maayos ang pamumuhay ni Luo Chen. Sa gusali ng kumpanya siya pumupunta para sa pag-eensayo niya sa martial arts, madalas ay binibisita niya rin ang kanyang nanay sa ospital.

Hinihintay ng lahat ng tao sa kumpanya kung ano ang plano ni Ye Bai. Hindi nila inakala na pagkatapos nilang gumawa ng video, wala nang ibang inatupag si Luo Chen kundi araw-araw na pumasok sa kanyang sesyon ng pag-eensayo.

Bakit siya pinapapunta ni Ye Bai para mag-ensayo ng martial arts? Hindi ba, sinasayang niya lang ang oras niya? Handa ba siya maging martial arts actor?

Kakaiba talaga ang mga paraan niya...

Hindi pinansin ni Luo Chen ang mga kakaibang tingin sa kanya at mga tsismis na pumapalibot sa kanya, ginawa niya lamang ang dapat niyang gawin sa araw-araw.

Si Lin Hao naman ay kumuha ng role bilang bida sa isang serye ng drama na para sa mga kabataan.

Pagkatapos ng kanyang debut, mabilis na inilagay siya agad bilang bidang lalaki at dahil dito, maraming baguhan ang na inggit sa kanya; Hindi maikakaila na maganda ang kinabukasan ni Lin Hao sa industriya.

Pumasok si Lin Hao ngayong araw sa opisina at normal nang pinapakisamahan siya ng mga baguhan at ng mga interns para sumipsip sila at makakuha ng pabor sa kanya.

Napahininto si Lin Hao nang makasalubong niya sa daan si Luo Chen, hindi na siya nakakaramdam ng awa dahil sa panloloko sa kanya ni Ye Wan Wan. Bumalik siya sa arogante niyang ugali habang minamata niya si Luo Chen na para bang nakatingin siya sa isang langgam. Nakakapangliit ang kanyang mga mata habang tinitignan niya si Luo Chen.

Nagsimulang mangasar ang mga baguhan nang makita nila ang pawisan na katawan ni Luo Chen.

"Ay, kawawa naman si lolo Luo Chen! Nag-training na naman siya! Napaka-sipag talaga; walang imposible sa kinabukasan niya!"

"Sumusunod nga naman siya sa manager ng mga aso na umaasa sa suporta ni chairman Chu! Oops, mali, sumusunod pala siya sa magaling at mahusay niyang amo!"

"Galingan mo, lolo Luo Chen!"

"Lolo Luo Chen, pa-autograph naman! Baka kasi sa susunod na makita kita, hindi na ako kwalipikadong makipag-usap sayo!"

Nagtawanan ang lahat dahil sa pangangasar nila.

Pinunas ni Luo Chen ang pawis sa kanyang noo. Wala siyang emosyon nang tiningnan niya ang lahat ng taong tumatawa sa kanya at umalis na lamang siya na walang kahit anong sinabi.

Sa taas na palapag, sa opisina ni Zhou Wen Bin:

Walang sawa na hinahawakan ni Zhou Wen Bin ang bagong dating na antigong bagay nang bigla siyang nagtanong, "Kamusta namang ang binata natin?"

Mabilis na sumagot ang matabang manager, "Wag kang mag-alala Bin-ge. Wala namang siyang ginawang kahit anong mali--nagsisinungaling lang siguro siya, umaakto siya na parang misteryoso!"

"Wag ka pa ring magpa-kampante," hindi natutuwang tumingin sa kanya si Zhou Wen Bin.

Kinaskas niya ang mga kamay niya habang sinusubukan niyang bolahin si Zhou Wen Bin, "Tulad nga ng sinabi mo noon, ikaw si Zhou Wen Bin na halos 20 taon nang nasa industriya! Wala nang bago na hindi mo malalapasan sa inustriyang ito. Hindi ka lalabanan ng binatang iyon; malalaman rin ni chairman Chu na sayo lang aasa ang Dazzling!"

Gumaan ang damdamin ni Zhou Wen Bin dahil sa pambobola sa kanya. Kaswal siyang nagtanong, "Kamusta naman ngayong si Gong Xu?"

"Wag kang mag-alala Bin-ge, maayos ang inaasal niya at hindi naman siya gumawa ng kahit anong gulo ngayon. Humupa na rin ang iskandalo niya noon; magpapakita na rin siguro siya sa susunod na mga araw…"

"Huu," hinipan ni Zhou Wen Bin ang hawak niyang porselana at natutuwa siyang tumango sa sinabi ng lalaki.