Nabigla ang mga tao sa loob ng meeting room nang marinig nila ang alok ng binata, gayundin ang taong pinag-uusapan ng lahat--- si Han Xian Yu. Kanina ay kalmado siya habang nagkakaroon ng diskusyon sa kaso niya, pero bigla na lang tumaas ang kanyang ulo at halo-halong emosyon ang makikita sa matumal niyang mga mata habang nakatingin sa binata.
Mapanlait siyang tiningnan ni Zhou Wen Bin, "Kalokohan! Sino ka ba sa tingin mo?"
Nabigla muna si Fei Yan bago siya nakasagot, "Zhou Wen Bin, napakatigas ng ulo mo, nakita mo nang wala pang sinasabi si boss. Takot ka ba na may magpapatunay na inosente si Xian Yu?"
Ngumisi si Zhou Wen Bin, "Baliw ka na ata, Fei Yang. Ang insidenteng ito ay lumala dahil sa pwersa ng publiko. Hindi kayang mapatunayan ng Worldwide na inosente si Xian Yu, sa tingin mo ba mababago pa ng lalaking ito ang pananaw ng publiko? Sino ba siya sa mundong ito?"
Alam ni Fei Yang na kahit hindi maayos ang sinabi ni Zhou Wen Bin, tama ang kanyang sinabi kaya nanahimik na lang siya.
Hindi naabala ang binata sa sinabi ni Zhou Wen Bin. Bumaling ang kanyang tingin kay Chu Hong Guang at kalmado niyang sinabi, "Chairman Chu, bakit hindi natin subukan? Tutal wala nang maisip na maayos na solusyon ang Worldwide."
"Magiging maganda ang resulta kapag nanalo ka, pero kung hindi, wala namang mawawala sa inyo--- hindi magiging negatibo ang epekto nito sa Worldwide?"
Pinag isipan mabuti ni Chu Hong Guang ang kanyang alok bago siya naghandang sumagot, "Mr Ye ang pangalan mo 'di ba? Wala akong pakialam kung sino ka pero kung maibibigay mo sa amin ang solusyon sa problema, malamang ito ay malaking pasasalamat sayo ng Worldwide. Ngunit, kung andito ka para manggulo, edi…"
Hindi natapos magsalita si Chu Hong Guang pero nakikita ng lahat ang babala sa kanyang mga mata.
Napangiti ang binata na para bang hindi niya napansin ang nakakatakot na tingin ni Chu Hong Guang. "Chairman Chu, isa kang direktang tao. 'Wag kang mag-alala, malapit mo nang malaman kung totoo man o hindi ang sinabi ko."
"Ha? Paano ko malalaman?" Tumaas ang kilay ni Chu Hong Guang.
Natawa ang binata, "Sa loob ng pitong araw, mapapatunayan ko na inosente si Ha Xian Yu."
"Pitong araw?" Binalot ng katiting na suspetya ang mukha ni Chu Hong Guang.
Nag-iba ang ekspresyon ni Zhou Wen Bin at bigla siyang tumayo habang pinagduduro niya ang binata. "Sabihin mo na lang sa amin kung ano ang kakaibang abilidad mo kung magagawa mo man ang sinasabi mo. Bakit kailangan mo pang magdahilan? Nagsisinungaling ka lang para magpabida sa lahat!"
Pagkatapos niyang magsalita, lumingon si Zhou Wen Bin para tingnan si Chu Hong Guang at sinabi, "Chairman Chu, hindi natin alam kung saan galing ang lalaking ito. Bata pa siya; walang nakakaalam kung ano ang intensyon niya. Paano natin mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi niya?"
Kumunot si Chu Hong Guang habang sumasakit ang kanyang ulo sa magulong mga usapan. Habang lumulubog siya sa lalim ng kanyang iniisip, may malalim na boses ang gumambala sa katahimikan.
"May tiwala ako sa kanya."
Nagulat ang lahat sa loob ng meeting room at bigla silang tumingin sa pinanggalingan ng boses.
At nalaman nila na...
Ang mangiyak-ngiyak at tahimik na si Han Xian Yu pala ang nagsalita
Tinaas niya ang kanyang ulo habang ang pagod niyang mga mata ay tumingin sa kumikislap na mata ng binata.
Huminga siya ng malalim, tumayo at tiningnan ang mga tao sa paligid niya. At sa sandaling iyon, huminto ang kanyang mata kay Chu Hong Guang-----
"May tiwala ako sa kanya, Chairman Chu."
Lahat ng taong kilala niya ay iniwan lamang siya. Pero ngayon, may isang natatanging tao ang tumayo para patunayan na inosente siya.
Halo-halo ang nararamdaman ni Chu Hong Guang. Ito ang unang komento ni Han Xian Yu simula noong nag-umpisa ang meeting.
Nagbuntong hininga si Chu Hong Guang, "Sige, Xian Yu, gusto kang tulungan ng kumpanya. Kung ang ideya ng kaibigan natin ito ay gumana, ibibigay ko sa kanya ang buong suporta ko."
Pagkatapos non, tumingin si Chu Hong Guang sa binata, "Ano ang kailangan naming gawin?"
Kumulot pataas ang mga labi ng binata, "Manood ng palabas."