Chereads / Rainy Days of Summer / Chapter 1 - Goodbye, Summer.

Rainy Days of Summer

🇵🇭LetterZ
  • 4
    Completed
  • --
    NOT RATINGS
  • 110.7k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Goodbye, Summer.

"Breaking News: Nag-iisang babaeng member ng Four Seasons DJ na si Summer, nawawala!" anunsyo ng isang sikat na newscaster sa isang malayong probinsya. "Hanggang sa mga sandaling ito ay pinaghahanap pa rin ng mga pulis at mga kaanak nito ang katawan ng Four Seasons' Sweetheart na si DJ Summer. Hindi pa matukoy ng mga otoridad ang tunay na nangyari at kung buhay pa ang dalaga."

Kadarating lang ni Rain sa probinsya ng kaniyang lola at agad niyang binuksan ang radyo nang kaniyang mapagtanto kung anong oras na. Oras na ng paborito niyang programa.

"Mapakikinggan ko na ulit si Summer," nakangiting sambit nito habang kinakalikot ang maliit na radyo. Dito lamang niya iyon napakikinggan dahil sa rehiyon ng probrinsyang ito lamang inieere ang programa ng nasabing DJ.

"Ok. So, sa lahat ng listeners ng Four Seasons, sa lahat ng 4csoners na gustong makasama at maka-date ng isang buong araw ang ating Sweetheart na si DJ Summer, heto na ang mechanics ng this year's Summer Date!" Nilakasan ni Rain ang volume ng radyo nang ianunsyo ni Oh-Tom (Autumn), isa sa Four Seasons, ang tungkol sa Summer Date at inisa-isa ang mga dapat gawin upang mabigyan ng chance na makasama si Summer.

Taon-taon ay sumasali si Rain sa palarong iyon. Minsan ay pinag-compose sila ng tula o kanta para kay Summer at ang may pinakamaraming boto ang siyang maswerteng makakasama ng dalaga. Ngunit ni minsan ay hindi siya pinalad na manalo. Pinagkakasya na lamang niya ang sarili sa pakikinig kay Summer sa radyo.

"And now, dumating na ang pinakaaabangan ng mga Summerians! Malalaman na natin kung sino ang maswerteng 4csoner!" muling anunsyo ni Oh-Tom makalipas ang pitong araw matapos unang ianunsyo ang Summer Date ngayong taon. Karaniwang isang linggo ang binibilang bago malaman kung sino ang maswerteng makakasama ng Four Seasons' Sweetheart.

"Anong pakiramdam mo, Summer, na makikilala na natin ang this year's luckiest Summerian?" usisa ni Paul (Fall) kay Summer.

"Excited akong makilala ang winner natin this summer, syempre! Every year, mababait at masasarap kasama ang mga nagiging winners natin kaya I'm also looking forward to this one."

"Oo naman! Talagang mababait lahat ang 4csoners!" ayuda ni Winter bago binalingan ang nasa kabilang linya. "Hello, lucky winner! What's your name?"

"Hello, Four Seasons. I'm Rain."

"Wow! Nice name! Bagay ka sa Four Seasons. DJ Rain, oha! Bagay! Gusto mo palitan si DJ Winter? Masyado siyang cold para sa Four Seasons. Hahaha!" biro ni Oh-Tom.

"Salamat sa paanyaya, Oh-Tom, pag-iisipan ko muna. Hahaha! Biro lang."

"Pinagtulungan n'yo pa talaga ako, ha!"

"Hindi naman kaya kayo mag-clash ni Summer, Rain? Tag-ulan at tag-araw. Hahaha!" saad pa ni Paul.

"Hahaha! Tama na 'yan, kayo talaga. Hindi naman siguro kami magka-clash ni Rain. Di ba, Rain? Ilang taon ka na ba?"

"Oo naman! I'm 25."

"O, magka-age pa kayo. Baka kayo pa ang magkatuluyan n'yan, a? Hahaha!"

"Wag ka namang gan'yan, Oh-Tom, nalulukot ang mukha ng Winter natin dito, o! Hahaha! Pinagseselos mo, e."

"Hahaha! Ewan ko sa inyo, Oh-Tom at Paul, puro kayo kalokohan," tatawa-tawang tugon ni Summer sa kalokohan ng dalawa pang DJ.

"Summer, ok ka lang ba? Iwan ka na namin dito," may pag-aalalang wika ni Paul, ang pinakamaalalahanin sa kanilang apat na Season.

"Ano ka ba, Paul. Anong akala mo kay Sum, bata?" ani Winter na siyang pinakaprangka sa grupo.

"Hahaha! Kayo talaga. Para namang ngayon ko palang gagawin 'to, e, every summer naman may ganitong event tayo." Naririto ngayon ang Four Seasons sa isang private place na paggaganapan ng Summer Date.

Nasa isang treehouse na may open space sa itaas ng mabatong bangin ang venue. Maganda ang tanawin sa labas at colorful ang theme sa loob ng lugar. Picnic style. Maraming magaganda at matitingkad ang kulay na kagamitan bilang palamuti. May mga nagkalat na iba't ibang size na unan na may magagarang disenyo. Walang la mesa at mga silya, pawang makukulay na tela, mga unan, at flowering and leafy plants ang makikita sa kabuoan ng lugar.

Taon-taon ay sine-celebrate sa lokal na estasyon ng radyo na pinagtatrabahuhan ni Summer ang apat na seasons sa pamamagitan ng pagpapalaro sa kanilang mga listeners at ang winner ay may pagkakataong makasama ng isang araw ang DJ ng season na iyon. Madalas na nila itong gawin ngunit may kakaibang gumugulo sa bawat-isa sa kanila ngayon kaya't napagpasyahan nilang ihatid si Summer at hindi ito maiwanan. "Ewan ko ba? Di ako mapakali, e. Para bang may mali?"

"Ok lang ako, Paul. Sige na, magsiuwi na kayo. Ok lang ako dito. Kaya ko na 'to," pangungumbinsi ni Summer sa mga kaibigan at kinindatan ang mga ito.

"Sunny?!" gulat na sambit ni Rain nang makita niya ang mukha ng kaniyang idolong local DJ na si Summer. Kilala niya ito. Kilalang-kilala.

Napakunot-noo naman si Summer sa itinawag sa kan'ya ng binata. 'Sunny?' Nginitian na lamang niya ito nang sumagi sa isip na baka isa ito sa mga fans niyang binibigyan siya ng nicknames.

Nagulat si Rain sa pagngiting iyon ni Summer. "At talagang nakangingiti ka pa nang gan'yan sa harapan ko, ha?" may halong galit na sambit ng binata at napangisi.

"I'm sorry?" naguguluhang tanong ng dalaga. 'Anong pinagsasabi nito? Weird,' palihim na sambit ni Summer sa sarili.

"Storm? Storm! Anong ginawa mo, Sunny?!" sigaw ng batang Rain nang madatnan ang kakambal na wala nang buhay.

Kitang-kita niya kung paano nalagutan ng hininga si Storm habang tinatakpan ng batang Summer ng unan ang mukha nito. Hindi ginusto ni Sunny ang nangyari. Hindi niya iyon sinasadya, naglalaro lamang sila.

"Hindi ko alam, Rainy. Naglalaro lang kami! Hindi ko alam! Bigla nalang- akala ko- hindi ko sinasadya.. Hindi ko alam na magkakagano'n!" umiiyak at pautal-utal na saad ng batang Summer. Halos wala siyang matapos na pangungusap. Shocked din s'ya sa nangyari.

Nagdilim ang paningin ni Rain nang makita ang ngiting iyon ni Summer. 'Nakuha mo pa talagang ngumiti sa sarap ko sa kabila ng ginawa mo!' sa isip-isip nito.

Marahas na hinablot ni Rain ang isang unan na pinakamalapit sa kan'ya at dinamba si Summer. Paulit-ulit nagpe-play sa alaala niya ang mga pagpupumiglas noon ng kapatid habang dagan-dagan ni Sunny ang unan sa ibabaw ng mukha nito.

"Hahaha! Ang weak mo, Stormy!" masayang sambit ng batang si Sunny habang mas dinidiian ang unan sa ulo ng kalaro.

"Storm Andrea Caridad," sambit ni Rain sa buong pangalan ng kakambal na siyang ikinagulat ni Summer.

"Rainy?" hindi makapaniwalang tanong ni Summer.

"Ako nga, Sunny. Rain Andrei Caridad. Si Rainy, ang kakambal ni Stormy," dahan-dahang bigkas ni Rain na tila ba itinatarak sa dalaga ang bawat salitang kaniyang pinakakawalan.

"Ang kakambal ng pinatay mo!" sigaw ng binata habang pilit itinatakip sa mukha ng babae ang unan na kaniyang hawak.

"No! Hindi totoo 'yan! Wala akong pinatay!" pagwawala ng dalaga na ikinagulat ni Rain. Hindi niya akalain na ganoon ang magiging reaksyon ng dalaga.

"Hindi!" iyak ni Summer. Isa-isang bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng mga pangyayaring pilit niyang kinalimutan. Lahat ng mga pangyayaring nagpahirap at kumuha sa kan'yang pagkabata. "Hindi! Hindi ko pinatay si Stormy! Hindi ko s'ya pinatay! Hindi ako ang pumatay sa bestfriend ko! Hindi..."

"Sunny?!" gulat na sambit ni Rain nang makita niya ang mukha ng kaniyang idolong local DJ na si Summer. Kilala niya ito. Kilalang-kilala.

Nagulat at napakunot-noo naman si Summer sa itinawag sa kan'ya ng binata. 'Sunny?' Nginitian na lamang niya ito at inisip na isa ito sa mga fans niyang binibigyan siya ng nicknames.

Natigilan si Rain sa ngiting iyon. "Ang ganda pa rin talaga ng ngiti mo," sambit nito at nginitian pabalik ang dalaga.

"I'm sorry?" maang-maangang tanong ng dalaga. 'Bakit mo itinatago ang galit mo?' palihim na sambit ni Summer.

Nginitian na lamang muli ni Rain si Summer. Sa tingin niya ay hindi siya nakilala ng dalaga.

"Storm Andrea Caridad," habang kumakain ay pagkuwang sambit ni Rain sa buong pangalan ng kakambal na siyang ikinagulat ni Summer.

"Rainy," nauutal na wika ni Summer.

Napangiti si Rain. "Ako nga, Sunny. Rain Andrei Caridad. Si Rainy, ang kakambal ni Stormy," dahan-dahang bigkas ni Rain na tila ba unti-unting ipinaaalala sa dalaga ang lahat ng pinagsamahan nila sa bawat salitang kaniyang pinakakawalan.

"Ang kakambal ng bestfriend mo," masayang sambit ng binata.

"No! Hindi totoo 'yan! Wala akong pinatay!" pagwawala ng dalaga na ikinagulat ni Rain. Hindi niya akalain na ganoon ang magiging reaksyon ng kababata.

"Anong sinasabi mo, Sunny?" nag-aalalang tanong ni Rain sa kababatang si Summer.

"Hindi!" iyak ni Summer. Isa-isang bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng mga pangyayaring pilit niyang kinalimutan. Lahat ng mga pangyayaring nagpahirap at kumuha sa kan'yang pagkabata. "Hindi! Hindi ko pinatay si Stormy! Hindi ko s'ya pinatay! Hindi ako ang pumatay sa bestfriend ko! Hindi..."

"Tama na, Sunny, please. Parang awa mo na." Nasasaktan si Rain sa nangyayari sa kababata. Batid niyang ang nangyari eighteen years ago ang gumugulo't nagpapasakit ngayon sa dalaga ngunit hindi niya alam kung paano ito pakakalmahin. Kung paano ito tutulungan.

Paulit-ulit ang pagsigaw ni Summer at pagwawala. Maging si Rain ay natigilan at hindi maapuhap kung ano ang dapat niyang gawin. Hindi niya ito inaasahan. Hindi niya inaasahang ang kaniyang idolong si Summer ay ang kababata niyang si Sunny. Hindi niya rin inaasahan na ganito ang mangyayari kay Sunny nang sandaling makilala s'ya nito.

Nagpatuloy sa pagwawala si Sunny na siya namang sinusubukang pigilan ni Rain. Ngunit sa tuwing tinatangka niya itong lapitan ay mas tumitindi ang pagsigaw at pagwawala nito. Sinasampal ng dalaga ang sarili. Sinasabunutan at pinagtatapon ang mga unan at iba pang gamit na maapuhap ng dalawang kamay nito.

"Sunny," alanganing tawag ni Rain sa kababata. Naaawa siya rito. Kung alam lamang niya na magiging ganito, sana ay hindi na lang s'ya nagpakilala.

Nahagip ng mga mata ni Sunny ang bread knife na kasama ng iba pang kubyertos. Mabilis na kinuha iyon ng dalaga at akmang isasaksak sa sarili nang makita iyon ni Rain. "Sunny, 'wag!" Ngunit sa kaaatras ni Sunny ay nahulog siya sa mabatong bangin sa ibaba ng treehouse na kinaroroonan nila.

Simula nang mawala si Summer ay hindi na muling sumapit ang tag-araw sa mundo ni Rain. Patuloy siyang inuusig ng konsens'ya sa nangyari sa kababata. Patuloy niyang nararanasan ang lamig at kalungkutan ng tag-ulan sa kan'yang buhay. Sinisisi niya ang sarili sa nangyari kay Summer. Kung naging mas maingat at maagap siya noong mga panahong iyon sana ay buhay pa si Summer at naririnig n'ya pa sa radyo ang maamo nitong boses hanggang ngayon.

"Yes! Summer na! Saan mo balak magbakasyon?" Mapait na napangiti si Rain nang marinig ang pag-uusap ng dalawang kabataang dumaan sa harapan ng kanilang bahay. 'Summer,' mapaklang turan niya sa kan'yang isip bago tuluyang umagos ang luha sa kan'yang mga mata. 'Goodbye, Summer. I'm so sorry...'